Part 11- Trouble's Just Round the Corner

76 8 1
                                    

Ilang araw nang nakatigil sa mansiyon ng mga Rostiales si Cassandra pero ni anino ng Tiya Mary niya ay hindi niya nakita. Ni tawag sa phone ay wala siyang natanggap. Wala naman siyang ginagawa dahil nakapalibot ang mga katulong at kaunting kibot lang niya ay may nakaalalay kaagad. Minsan na nga siyang napagsabihan ni Trinidad nang makita siyang naghuhugas ng mga plato at pinagalitan ang mga katulong, tuloy ilag ang mga ito sa kanya.

Mariin siyang napabuntunghininga. Nangalumbaba habang nakadungaw sa bintana ng silid. Wala siyang kausap. Walang may nangungulit sa kanya. Umalis si Clementine para makipagkita sa mga kaibigan. Napilitan na ring pumasok sa opisina si Brennan matapos pagbantaan ng abuela na totohanin nito ang pagcancel sa mga credit cards kapag hindi pa ito sumunod sa utos ng matanda.

Wala rin siguro ang kambal dahil hindi niya nakita ang mga ito sa buong umaga. Siya lang yata ang naiwan sa bahay kasama ng mga katulong.

Lumabas siya ng silid at dumiretso sa kusina. Walang ingay na pumasok siya at nabangga ang papalabas na assistant caretaker.

"Ay, kabayong walang buntot!"

Maagap na nahawakan ni Cass ang babasaging plorera na hawak nito habang sa likuran ng medyo may edad na babae ay nagbungisngisan ang mga katulong na naroroon.

"Sorry po! Sorry po talaga! Hindi ko alam na palabas pala kayo!" hinging paumanhin ng dalaga.

Nakahinga ng maluwag ang may edad na babae. Bakas sa mukha nito ang relief nang makitang hindi nabitawan ang hawak.

"Ay sa susunod, mag-ingat kayo, Ma'm..."

"Cass ho. Puwede ninyo akong tawaging Cass."

"Ako si Vida. Pagpasensiyahan mo na pala ang nangyari noong nakaraang araw. Ikaw tuloy ang napagsabihan ni Madam Trinidad sa paghuhugas mo ng plato."

Nahihiyang ngumiti si Cass. "Ako ho ang may kasalanan. Di ko ho kasi alam na bawal."

"Aba siyempre. Magiging isa ka nang miyembro ng pamilya. Dapat mong sundin ang mga patakaran sa loob ng pamamahay na ito."

Kapwa sila napabaling sa pinagmulan ng tinig. Ang punong katiwala ng mga Rostiales, si Miss Linda. Nagsipulasan ng kilos ang mga katulong at napayuko naman si ALing Vida.

"Miss Cassandra, ipapaalala ko lang sa iyo na bawal ang pumasok ng kusina. Kung may kailangan kayo, pindutin 'nyo lang ang buzzer sa loob ng inyong silid at may darating na katulong. At kung maaari, huwag kayong makipag-usap sa kanila kung wala kayong iuutos. Mahigpit na patakaran iyan na kailangang sundin ng lahat."

Napakunot ang noo ng dalaga. Ganoon? Mga tao ba ang nakatira sa mansiyon o mga robot?

"Sige na, Vida. Gawin mo na ang dapat mong gawin. Miss Cassandra, maiiwan na kita."

Walang kaemo-emosyon na lumakad palayo si Miss Linda habang nahihiya namang yumuko lang si Vida. Walang nagawa si Cass kundi ang lumabas ng kusina at dumiretso sa likuran ng mansiyon at naupo sa gilid ng pool.

Sinikap niyang pakalmahin ang sarili.

Diyata't sa panahon ngayon, mayroon pang patakaran na ganoon? Gaano ba kakitid ang pag-iisip ng mga taong nakatira sa mansiyon? Mga mayayaman na... ewan?

Malakas na itinampisaw niya ang mga paa sa tubig nang paulit-ulit. Bored na siya! Mababaliw siya pag sa araw-araw wala man lang siyang makausap! Wala siyang balita ukol sa kasalang magaganap... Hindi nga niya alam ang petsa ng kasal, kung saan gaganapin, kung makakadalo ba ang Tiya Mary niya...

Nakarinig siya ng mga boses na papalapit pero hindi niya pinansin maging nang makitang papalapit sina Juliane at Jenine kasama ang ilang kaedad na mga babae at lalaki.

Natigilan ang mga ito sa paglalakad at tumingin sa dako niya. Nakipagtitigan siya. Iyung titig na hindi magpapatalo.

Umiwas ng tingin ang mga kambal at parang walang nakita na lumigid sa kabilang bahagi ng pool kabuntot ang mga kabarkada. Pamayamaya pa, sunod-sunod na dumating ang mga katulong at sunod-sunod ding umalis matapos pakinggan ang mga sinabi ng kambal. Nagsitalunan sa tubig ang mga kaibigan ng mga ito kahit nakadamit pa, nagsigawan at bumunghalit ng tawa. Sa sobrang likot ng mga ito, nagtilamsik ang tubig, ang iba nito tumama kay Cass.

Nagulat si Cass. Naihilamos niya ang kamay sa mukha at tiningnan ang basang damit. Kailangan niyang magpalit kung ayaw niyang sipunin. Paano, kahit ang likuran niya ay basa sa pagligwak ng tubig. Tawanan ang narinig niya sa paligid ngunit walang may nag-abalang humingi ng dispensa.

Napabuntunghininga siya. Walang may nagturo ng magandang asal sa mga batang ito. Nakita pa niyang ngumisi ang kambal at nakisali sa tawanan ng mga kaibigan.

Hinayaan niya ang mga ito. Sabi ni Clementine, huwag daw siyang humarahara sa presensiya ng kambal. Napaisip siya ng ilang saglit. Wala siyang ginawang mali. Wala siyang atraso sa mga ito. Hindi siya aalis.

Ipinagpatuloy niya ang paglalaro ng mga paa sa tubig. Nagpatuloy naman sa paglangoy ang mga teen-agers sa malaking pool ngunit parang sinadya, sa lawak ng pool, sa banda pa mismo niya naglaro ang mga ito. Pilit niyang kinalma ang sarili maging nang tumilamsik ulit ang tubig sa kanya na bumasa ulit sa suot na t-shirt at shorts.

Bumalik ang mga katulong, may dalang mga pagkain at inumin sa trays. Kahit walang sinabi, isang tray ang napunta sa kanya at kiming ngumiti ang batang katulong na naghatid.

"Salamat." Pilit niyang hinuli ang tingin nito pero umiwas ito at yumuko lang.

"Pabigay po ni Miss Vida."

Nahuli niya ng tingin ang matalim na sulyap ng nahinuha niyang si Jenine pero nabaling din sa mga kaibigan ang atensiyon nang magsiahon ang mga ito mula sa pool.

Lumayo na ang katulong ngunit sinundan ito ni Juliane. Parang nagdududa na tumayo siya at sumunod din dito.

Nakita niyang hinawakan ni Juliane ang braso ng katulong na parang maiiyak na.

Tumigil siya sa di kalayuan at pinakinggan ang sinasabi nito.

"May sinabi ba akong hatiran mo siya ng miryienda?"

Alam ni Cass na siya ang tinutukoy nito. Umiling naman ang katulong at balak sanang sumagot nang magsalita uli si Juliane.

"E, bakit binigyan mo? Tanga ka ba? Wala ka bang utak?" Dinuro-duro ng isang daliri nito ang kausap.

Hindi na nakapagpigil si Cass at nilapitan ang dalawa.

"Ako ang nagsabi, Juliane."

Natigilan ang dalagita at mayamaya ay sumimangot. Nakayuko lang ang pinagalitan at nakaramdam ng awa si Cass dahil talagang takot ito. Marahil hindi ito ang unang beses na napagalitan ito.

"Huwag mo na siyang pagalitan. Wala naman siyang kasalanan."

Juliane huffed at tiningnan siya ng masakit, tapos walang lingon na naglakad palayo. Narinig ni Cass ang pagbuga ng katulong sa pinipigil na paghinga.

"Salamat po."

"Cass. Cass ang pangalan ko. At walang anuman. Sige bumalik ka na sa ginagawa mo at Pakisabi kay Miss Vida, salamat." Sinabayan niya ng ngiti ang sinabi. Para namang nakahinga ng maluwag ang kausap.

"Tawagin 'nyo po akong Sandy."

"Sandy, salamat uli."

----------------

Nahulog sa malalim na pag-iisip si Cass nang makabalik sa silid. Habang kumukuha ng isang shirt at jumper sa closet, naitanong niya sa sarili, masuwerte ba siya at hindi siya ang naging katulong o masuwerte ang mga katulong sa bahay ng mga Rostiales na sagana sa lahat pero palagi namang di-numero ang mga kilos? Kung tutuusin, para na ring isang katulong ang turing sa kanya ng mga kaanak. Sagana pa siya sa sumbat at parusa pag nagkamali.

At ngayon, di-numero na rin ang kilos niya. May nakabantay. May pupuna.

At nakabanggaan na niya ang Rostiales twins.

Ang saya ng buhay niya...  
===========================
👍🙌 Yes, I'm done!!!

Wanted: Replacement BrideWhere stories live. Discover now