Part 10- Girls Just Wanna Have Fun

69 6 0
                                    

Isinusuot na niya ang t-shirt nang may kumatok na naman sa pintuan. Dali-dali niyang inililis pababa ang damit at tinakbo ang pintuan nang bumilis at lumakas ang pagkatok.

Hindi niya alam kung si Juliane o si Jenine ang napagbuksan. Nakasimangot ito at matalim ang pagkakatitig sa kanya. Pilit siyang ngumiti kahit nagtataka sa asim ng mukha nito.

"Mabuti naman at gising ka na. Pinapasundo ka po ni Gran."

May naramdaman siyang panunuya sa boses nito ngunit hindi siya nagpahalata.

Sumunod siya sa dalagita. Nagpasikot-sikot sa likolikong pasilyo hanggang makarating sa isang open space. Bubong lang ang nakatakip at sa gitna nito ay malalambot na couches na kinauupuan ng mga reyna ng Rostiales na nagkakape.

Kiming bumati ng magandang umaga sa lahat si Cass at nabigla pa nang may biglang humalik sa pisngi niya. Nag-init ang kanyang mukha at awtomatikong napapiksi nang nasalubong ng mga mata ang galit na mga mukha ng kambal at marinig ang malakas na halakhak ni Brennan. Pinalis niya ang braso nitong akmang aakbay sa kanya.

"Brennan, maaga pa para magbiro. Maupo ka na Cassandra. Choleng," tawag ni Ana Maria sa katulong. "Plato para kay Cassandra."

Naupo siya sa tabi ni Trinidad. Nakitaan niya ito ng ngiti sa labi sa unang beses. Ang banat na pagkakatali ng buhok nito ay lalong nagpatingkad sa angking ganda. Kasingkulay ng mga mata ang sa kay Brennan. Dark Gray. Mabait pag nakangiti, malupit pag galit.

"Feel at home, Cassandra. Tahanan mo na ito. Hindi mo naitatanong, mas bata ako keysa sa iyo nang unang mapatira sa bahay na ito. I came from Spain. I was a stranger but this house and its people made me feel at home."

Nakikinig lang si Cass. At kung saan-saan na rin napunta ang usapan ng mga naroroon. Nagkaroon ng pagkakataon ang dalaga na obserbahan ang bawat isa.

Si Ana Maria na mukha pa ring bata kahit may katandaan na ang edad. Matinis itong tumawa at halatang malapit kay Brennan. Paminsan-minsang hinahaplos nito sa braso ang apo na nakaupo sa tabi nito. Si Carmen, na halos kamukha na ni Ana Maria kung di lang ito mas bata keysa sa ina, kiming nakangiti sa mga pagbibiro ni Clementine. Si Rosario, ang bunsong anak na Rostiales, may maikling buhok at sporty ang pangangatawan, parang palaging seryoso ang mukha. Sina Jenine at Juliane, nagbubulungan. Ang mga mahahabang kulay mais na buhok ay nakatirintas, modern ang kasuutan at halos lumuwa na ang mga dibdib sa suot na tube blouses. Paminsan-minsan din ay sumusulyap sa kanya ang mga ito at sa hinuha niya, hindi niya makakasundo ang mga ito. Si Clementine. Ang matabil na si Clementine. Kamukha ni Carmen liban sa hugis ng ilong. May button nose ito na bumagay sa maninipis na labi at bilugang mukha. Masayahin ito at malaki ang bulas ng pangangatawan. Mas matangkad pa nga siguro ito keysa sa kambal. At si Brennan. Nang huli niya itong makita sa lugar nila, parang walang tahanang inuuwian. At ayaw na rin niyang isipin na minsan nakagawa ito ng krimen sa harap niya at siguradong walang ideya ang pamilya sa layo ng narating ng kapilyuhan nito. Pero sa presensiya ng pamilya nito, para itong isang maamong tupa. Mahaba pa rin ang buhok nitong nakatali, t-shirt at cargo pants na kasuutan, at may pilyong ngiti sa mga labi habang nakatuon ang mga mata sa kanya...

Napakurap si Cass. Lihim na sinimangutan si Brennan at itinago ang malilikot na mga mata sa pagyuko. Kumuha ng pancake at muffins at tahimik na sumubo.

Tumabi ng upo sa kanya si Brennan. Wala naman itong ginawa. Sa sulok ng kanyang mga mata, nakita niyang Ipinatong nito ang isang braso sa sandalan ng kanyang upuan. Siniko niya ito nang maramdamang medyo dumidikit na ito at makitang kumindat si Clementine.

"Kailangan mo ng mga bagong gamit, Cassandra. Pagkatapos ng breakfast, dadalhin kita sa mall para mamili."

"Kuwan ho..."

Tumaas ang isang kilay ni Trinidad. Parang hindi nagustuhan na sumabat si Cass.

"Kung nag-aalala ka sa pera, don't. Sasagutin ko lahat. You'll be my daughter-in-law soon. I want you to dress up appropriate for a Rostiales. I don't want to see Brennan's wife being looked down just because she's dressed ordinarily. No offense meant, Cassandra. Pero binibilhan ka ba ng damit ng tiyahin mo?"

Naalala ni Cass ang dalawang beses na binilhan siya ni Tiya Mary ng damit sa public market noong sampu siya at nang mag first year siya sa high school. Iyon yung mga beses na talagang masaya siya dahil hindi iyon hand-me-down ni Claudia.

"Oo naman po. Kaya lang mas madalas, ibinigay sa akin ang mga damit ng pinsan ko kaya wala na hong rason para bumili pa ako ng bago..."

Natuon sa kanya ang atensiyon ng lahat na para bang nakakahindik ang narinig mula sa kanya. Iyon ang ayaw niyang makita sa mga mata ng mga nakakakilala sa kanya.

Awa.

Hindi naman siya nakakaawa. Maayos naman siyang nabuhay at lumaki. Nakapag-aral kahit papaano. May natutunan sa buhay na hindi kayang bilhin ng salapi. Ang mga napagdaanan niya habang lumalaki ay sapat na upang makasurvive sa araw-araw.

Ngumiti siya. Iyung ngiti na may napagtagumpayan sa buhay. Di ba nga, nakaya niyang tumira sa mga kaanak na hindi naglayas? Di ba accomplishment naman yun? At hindi niya ikinahihiya na nabuhay siya sa paghihikalos.

Hindi na nawala ang ngiti sa kanyang mga labi maging nang matapos ang almusal at bumalik siya sa kanyang silid upang magbihis. Ayaw na niyang isipin ang ibig sabihin ng mga tinginan ng mga Rostiales pero masaya siya at naibahagi niya sa mga ito, na hindi lahat ng ngiti, nabibili.

--------------------

Hindi na namangha pa si Cass nang bumukas ang pinakalamaking mall ng alas-otso ng umaga para sa mga Rostiales.

Ang magagawa nga naman ng pera.

Nakahilera ang mga salesladies ready to cater sa lahat ng pangangailangan ng Rostiales ladies.

Hinila siya ni Clementine sa hilera ng mga casual dresses. Wala siyang nagawa nang kumuha ng ilang piraso ng damit ang dalagita at itulak siya sa loob ng changing cubicle. Labas-masok siya sa cubicle habang dumarami ang mga damit na ipinapasukat sa kanya ni Clementine.

Nag-umpisa sila sa casual dresses at natapos sa mga stilettos na nang tingnan niya ang presyo ay halos malula siya sa mahal.

Parang wala lang sa mga Rostiales ang mga presyong ewan ni Cass kung makakaya niyang bayaran sa tanang buhay niya. Enjoy na enjoy naman ang mga ito sa pamimili. Nagkakandarapa ang mga salesladies sa pagkuha ng mga damit na itinuturo ng bawat isa. Parang shopping lang ang buhay at kayang gawin ng mga ito.

Ilang oras din ang itinagal nila sa loob. Parang nalibot na nga nila ang mga high- end shops and boutiques at abot- teynga naman ang ngiti ng mga empleyado. Sino ba ang hindi matutuwa sa laki ng pumapasok na income sa ganoon kaaga.

Marami nang tao sa mall nang lumabas sila. Halos magkandakuba ang mga driver at alalay sa pagbitbit ng mga pinamili ng mga Rostiales.

Limang malalaking bag naman ang bitbit ni Cass liban pa sa limang kanya na. Tumulong na lang siya nang makitang medyo nahihirapan na ang isang alalay ni Ana Maria. Napansin niyang tumaas ang isang ng isa sa mga kambal.

"Si Juliane iyan." bulong ni Clementine na nakisabay sa kanyang paglalakad. "Tandaan mo, ang palaging nakanguso at bumubulong ay si Juliane at ang medyo busangot ang mukha at hindi mo nakitaan ng ngiti ay si Jenine. Pormal si Jenine. Tsismosa si Juliane. Don't cross them so you won't earn their hatred."

Kumibit-balikat lang si Cass. Wala siyang planong banggain ang kambal at lalong wala siyang balak na makipag-close sa mga ito.

"At Ate Cass, " bulong ulit ni Clementine. "Huwag mong aawayin si Kuya Bren pag nandiyan sila. Sinabi ko na sa 'yong die-hard fans sila ni Kuya."

Wala siyang balak na makipag-close kay Brennan pero hindi niya masisigurong di aawayin ang lalaki lalo pa kung aasarin siya nito ng wala sa lugar.

Kimi niyang nginitian si Clementine. Hindi niya alam kung sino ang dapat niyang pagkatiwalaan sa mga Rostiales dahil hindi pa niya masyadong kilala ang ugali ng bawat isa. Pero sa ngayon, si Clementine ang malapit sa kanya. Makikinig siya sa mga sinasabi nito, cautiously.
============================
😊😊😊

Wanted: Replacement BrideWhere stories live. Discover now