ShaSha's POV
Mahimbing akong natutulog sa kama ko nang mga sandaling iyon. Dulot na rin marahil ng pagod na naranasan ng katawan ko sa araw-araw na paghahanap namin sa nawawalang bangkay ng suspek sa lumang bahay kung saan ay muntik na rin mawala ang aming buhay.
Kasama ko roon ang lalaking pinakaiinisan ko at iyon ay walang iba kung hindi si T J. Sa tuwing maalala ko ang pagmumukha niya ay hindi ko talaga maiwasan ang mainis nang sobra.
Magkababata kami. Kung baga, sabay kaming lumaki. Nagka-isip. Naging magkaibigan. Naging matalik na magkaibigan pa nga. Kung ano ang gusto ko ay iyon din ang gusto niya. Kaya nga pati sa pagiging police at detective ay hindi kami naghihiwalay. Liban na lamang noong ako ay niligawan niya.
Siyempre dahil babae ako ay kinilig naman ako at... UMASA! Umasa talaga ako kasi noon pa man ay may lihim na akong pagtingin sa kaniya. Kahit maraming umaaligid sa kaniya o palibhasa ay guwapo e, dinededma ko na lang. Wala rin namang mapapala kong magseselos ako.
Sa tuwing naiisip ko nga kasi na pinagtangkaan. Pinagtangkaan ligawan at pinaasa sa kaniyang mabulaklaking pananalita at pa-rega-regalo, sa huli ay hindi rin pala natuloy na... maging KAMI!
Bakit? Hindi ko rin alam! Ang alam ko lang ay hindi niya ako sinipot sa araw na sasagutin ko na siya dahil umabot lang naman ng halos isang taon, anim na buwan, isang linggo, bent kuwatro oras at animnapunh segundo, walang dumating na TJ sa ilalim ng puno ng Mahogany.
Bumuhos pa ang malakas na ulan nang araw na iyon. Naghintay ako pero walang dumating. Kaya simula noon ay ipinangako ko sa sarili kong hinding-hindi ko na siya bibigyan ng pagkakataong umasa muli ako.
Ngunit, tadhana na naman ang nangialam. At sa kasamaang palad ay siya ang karibal ko sa kasong hindi ko pa alam kung hanggang kailan ko mareresolba ito. Baka hindi na nga ma-solve e.
Napabuntong-hininga na lamang ako. Sa sobrang lalim ay nalunok ko pa ang laway ko at nakagat ko pa ang dila ko. Kapag minamalas ka nga naman o.
Nakahiga ako ngayon at pilit na ipinipikit ang aking mga mata. Hindi talaga ako dalawin ng antok. Tumayo na lamang ako at lumabas ng silid ko. Bababa na sana ako ng hagdan papuntang kusina upang uminom ng isang basong tubig nang bigla na lamang namatay ang ilaw.
Sa tantiya ko ay tumagal iyon ng limang minuto tapos lumiwanag ulit. Ang nakakapagtaka pa ay patay-sindi ito habang pababa ako ng hagdan.
Ramdam ko na ang pagsitayuan ng mga balahibo ko sa leeg, braso at paa. Umaandap-andap pa rin ang ilaw sa loob ng bahay ko at dahil nga madilim ay natapilok ako at gumulong pababa sa hagdan.
Ngiwing-ngiwi ako at aray nang aray na sapo-sapu ang aking likod at ulo. Pinilit kong tumayo. Dahan-dahan. Bigla na namang lumiwanag tapos mamamatay. Kinikilabutan na talaga ako. Hindi ko pa naman dala ang cellphone.
Gumapang na lang ako patungo sa kusina kahit patay-sindi pa rin ang ilaw. Kabisado ko naman ang pasikot-sikot sa bahay kaya nilakasan ko na lamang ang loob ko. Nang malapit na ako sa kusina ay steady na ang liwanag. Nang tumayo ako ay naramdaman ko ang pagtulo ng pulang likido sa aking noo.
Muli kong sinapo ito dahil tuloy-tuloy ang pag-agos mula sa noo pababa sa aking tainga at leeg. Nanginginig ang mga kamay ko nang maramdaman ang paglapat ng malamig na bagay mula sa aking batok paakyat sa aking buhok at hinila ito nang malakas na halos matanggal ang anit ko at iniuntog ako sa pader.
Then, namatay na naman ang ilaw. Parang mga duguang kamay ang umuntog sa akin sa pader. Panay na ang paghinga ko. Inhale. Exhale. Iyan ang nasabi ko sa isip ko. Tinalasan ko na lamang ang aking pakiramdam at kinapa-kapa ang pader upang matunton ko ang switch ng ilaw.
Ngunit nang makapa ko na at mapindot iyon ay may humawak naman sa kaliwa kong kamay at hinila ako. Maliwanag na iyon at kitang-kita ko ang dalawang kamay na nakadikit sa aking paa na hila-hila ako.
Doon na ako sumigaw para humingi ng saklolo. Subalit mas lalo lamang akong dinala sa panganib dahil naramdaman kong may puwersang bumuhat sa aking katawan na parang iniikot ako kahit nakakapit pa ang dalawang kamay sa paa ko.
Iniharang ko ang aking mga braso sa aking ulo upang hindi ako masaktan pero hindi ko maiwasan dahil nahihilo ako. Kaliwa't kanan akong pinag-uuntog sa pader, sa upuan, at maging sa iba pang sulok ng bahay.
Nanghihina na ako pero kailangan kong maging matapang. Hindi ako takot sa multo. Alam kong multo lang ito at kaya ko siyang labanan. Pero paano? Sugatan na ang mga braso ko at binti maging ang aking mukha.
Sumigaw na lang ulit ako upang humingi ng saklolo pero nagulantang na naman ako. Akala ko ay nawala na ang dalawang kamay pero narito naman ito ngayon sa harapan ko at may hawak na kutsilsyo.
Nang itarak iyon sa akin ay naiharang ko ang aking braso at doon ako nasugatan. Punong-puno na ng dugo ang katawan ko. Hindi ko na kaya.
"SINO KA? MAGPAKITA KA SA AKIN!" nanggagalaiti na ako sa galit. Kahit nanghihina ay nilakasan ko pa rin ang tinig ko.
Mukhang demonyo yata ang kalaban ko. Hindi ako puwedeng mamatay. Kailangan kong makalabas dito. Tatagain na naman sana ako pero buong lakas ko iyong sinangga. Ngunit malakas ang putol na kamay at kaunti na lamang ay mahihiwa ang mukha ko.
"ShaSha!" boses ng isang pamilyar na tinig na kumakatok sa labas ng aking bahay. Pinipigilan ko pa rin ang kutsilyong hawak ng putol na kamay na lumapat sa akin. Sumigaw na rin ako upang marinig ni TJ ang boses ko.
"TULONG! TJ! TULUNGAN MO AKO!"
"SHASHA!"
At hindi ko na napigilan ang pagtarak ng punyal sa aking kaliwang pisngi. Ang huling narinig ko na lamang ay ang kalansing ng nahulog na kutsilyo at malakas na pagkasira ng pintuan ng aking bahay.
Isang bisig naman ang naramdaman kong sumalo sa akin bago ako tuluyang mawalan ng ulirat.
BINABASA MO ANG
SAMPUNG MGA DALIRI
HorrorSampung daliri sa kamay. Sampung magkakaibang kuwento ng... Mga daliring mapaghiganti... Sa sampung taong nakatakdang kikitil ng buhay sa iisang lugar.