Day 18 - Avoidance Dance

6.9K 625 91
                                    

A/N: Sorry for the late update. Medyo waley but promise babawi tomorrow. I shall return

Past: May 31, 2007

Kahit medyo nakakalungkot dahil naalala niya nang pinasyal siya ng nanay niya sa Manila Zoo at matiyagang nilarawan ang hitsura ng mga hayop habang pinakikinggan nila ang mga tunog nito, na-enjoy pa rin ni Menggay ang araw na ito kasama ni Doc Ann.

Level up dahil dinala siya ni Doc Ann sa museum. First time niya. Merong museum tour for the visually-impaired. Ang mga paintings ay sadyang dinisenyo at ginuhit para sa mga bulag na tulad niya at hinayaan sila na kapain ang mga linya at shapes sa paintings. May kasama pang mga interactive activities para palawakin ang kanilang imagination. Meron din silang mga guide na matiyagang nagpapaliwanag ng mga display.

Pagkatapos ay kumain sila sa fastfood at nagpapicture sa mascot na sa wari niya ay sobrang laki nang niyakap siya.

Pero ang highlight ng buong araw nila ay nang isama siya ni Doc Ann sa sunset cruise sa Manila Bay at doon na rin kumain habang lumulubog ang araw. Hindi niya malilimutan ang naramdaman niya habang nakatayo sa gilid at dinadama ang hangin habang naglalayag sila.

"Ano Menggay, na-enjoy mo ba?"

"Siyempre po. Sobra-sobra na nga po e."

"Pero hindi pa tayo tapos. Handa ka na ba sa pinaka-bonggang surprise? Lumabas na resulta ng tests mo!"

"Ano po, naperfect ko ba? 100 ba grade ko o 95?"

"Mas maganda pa sa 100% na grade. Ready ka na?"

"Pipikit po ba ako para mas surprise?"

"Puro ka talaga kalokohan, Menggay. Eto na ...... may pag-asa ka pang makakita."

Balita pa lang ay halos mangiyak-ngiyak na siya. "Talaga po? Hindi kayo nagbibiro? Paano po nangyari yon?" Parang hindi siya makapaniwala.

"Hep, huwag ka muna iiyak. Kung biro lang to, e di sana noon pa. Na-validate na kasi natin na ang may problema lang sa mata po ay ang cornea."

"Cornea? Ano po yon? Corny siya, or corny ko?"

"Gusto mo bang maging komedyante? Ang cornea ay yung manipis na tissue na parang salamin or plastic na tumatakip sa harap ng mata natin. Yun ang na-damage sa 'yo nung bata ka. Kaya ibig sabihin puwede siyang palitan. Ang kailangan mo ay cornea transplant. Hindi naman kasi puwedeng i-transplant ang buong mata"

"Transplant din? Pero saan po tayo kukuha ng donor? May magvovolunteer po ba na mabulag para sa ibang tao?"

"Hindi naman, meron kasing mga nagvovolunteer na maging organ or tissue donor pagkamatay nila. Pero siyempre kailangang siguraduhin na healthy sila at walang nakakahawang sakit. Halimbawa ako, may organ donor card ako.  Ibig sabihin pumapayag akong maging donor kung sakaling maaksidente ako kung anuman ang organ or tissue na puwedeng maisalba."

"Hindi po ba nakaka-guilty yon? Mamamatay ka na lang kukuhanan ka pa ng parte ng katawan?"

"Kaya may association na namamahala diyan at karaniwan ang default, hindi nakikilala ng recipient yung donor at vice versa. Hindi katulad ng liver o kidney na puwede mong i-donate kahit buhay ka pa. Yung ibang organ tulad ng puso o yung tissue donation tulad ng cornea, pagkamatay lang puwede ma-donate. Naintindihan mo na? Kaya ang gagawin natin ngayon, ipipila natin ang pangalan mo. Bakit mo nga pala sinabi kaninang transplant din? May naalala ka?"

"Naalala ko lang po yung mga pasyente na dinadalaw ko sa ospital."

"Akala ko cancer patients sila?"

The Heart Can See (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon