Abril a Uno

16 0 0
                                    

Mahal kita.
Mahal pa rin kita.
Hindi magawang ipahalata,
Kaya’t idaraan na lamang sa isang tula.

Naaalala mo pa ba,
Unang beses tayong nagkita?
Hindi tulad sa mga nobela, ako sa iyo ay hindi natulala,
Sapagkat sa aking paningin, ikaw ay isa lamang ordinaryong binata.

Nagdaan ang mga araw,
Ang iyong ngiti sa aking pansin ay nakapukaw.
Ngiting pilyo, tawang kadahilanan ay mababaw,
Ibang-iba sa titig mong tila malalim ang natatanaw.

Kinimkim ang damdamin sapagkat hindi nararapat,
Na puso nating dalawa ay maglapat.
Lupa ako, ikaw ay dagat,
Magkarugtong, ngunit magkasalungat.

Sa kabila ng pagtutol ng marami,
Ikaw ay inibig pa rin, aking bahaghari.
Hinamak ang lahat akin lamang masabi,
Na ikaw ay aking minimithi.

Napakasaya ko noong sinabi mong akin ang iyong damdamin,
Tila pangarap na kay tagal ninais at ngayon nga ay naangkin.
Bawat araw, biyayang itinuring,
Bawat araw na ikaw ay nasa aking piling.

Napakasaya, ngunit sa isang iglap hindi ko nawari,
Tila ba damdamin mo ay hindi ko na pag-aari.
Mahal, ano nga ba ang nangyari?
Pagsinta mo ba ay isa lamang pagkukunwari?

Sa iyo ay tunay na inialay, puso at damdamin,
Ngunit ako ba ay totoong minahal mo rin?
Pag-ibig nating tila ba halik sa hangin,
Kay tamis ngunit kay sakit alalahanin.

Ngayon, pilit kong nililimot,
Bawat ala-alang ikaw ang nagdulot.
Kasiyahang kalaunan ay napalitan ng kirot,
Mga matang umuulan sa tagtuyot.

Sa iyo, mahal, inilalaan itong awiting sa musika ay hindi naisaliw.
Himig ng damdaming biyak ngunit pilit na inaaliw,
Ng isipang sa katangahan sa iyo ay halos hindi pa rin magmaliw,
Dahil ikaw pa rin, ikaw lamang ang aking mahal, giliw.

ThoughtsWhere stories live. Discover now