Chapter 1

25 1 0
                                    

SIX-THIRTY pa lang ng umaga ay nakarating na si Relaina sa Oceanside Rose University sa Altiera kung saan siya mag-aaral simula ngayong second semester. Pero hindi niya maintindihan kung bakit hindi niya magawang ihakbang ang kanyang mga paa papasok sa building ng College of Engineering and Architecture. She was having butterflies in her stomach. At the same time, nanlalamig ang mga kamay niyang parehong nakahawak nang mahigpit sa magkabilang strap ng kanyang backpack.

Muli siyang nagbalik sa Altiera mula sa Aurora. Walong taong gulang siya nang mailipat ang papa niya sa Aurora kung saan nakabase ang isang branch ng Cervantes Construction and Development Company. Architect ang papa niyang si Leon Avellana sa Aurora branch ng CCDC. Two months ago, muling inilipat ito sa Altiera. Ang mama niyang si Cassandra Avellana ang general manager ng isang chain of supermarkets. It has been nine years since she had last seen Altiera. Aminado siya na malaki ang ipinagbago ng nasabing lugar. Mas naging modernisado pa ang bayang hindi niya ninais lisanin noon. Kaya lang, nang madestino ang papa niya sa Aurora ay napilitan silang mag-anak na lumipat kasama nito. Isa pa, hindi siya sanay na malayo sa ama kaya napapayag siya nito na lumipat ng tirahan.

Patuloy pa ring lumilipad sa kung saan ang kanyang isipan. Hindi na niya namalayan ang paglapit sa kanya ng isang babae. Ang pinsan niya iyon—si Rianne—na nagkataong ka-blockmate niya para sa semestreng iyon. Tulad niya ay Architecture din ang kursong kinuha nito. Pareho silang freshman. Sabay nilang tinalunton ang daan patungo sa pakay nilang building. Hindi niya naiwasang mamangha sa istruktura ng unibersidad habang binabagtas nila ang daan patungo sa building. Wala siyang maipipintas sa nakikita niya. Kunsabagay, noon pa man ay nakakakitaan na niya ng pagkamodernisado ang bayan ng Altiera sa tulong na rin ng dalawa sa ilang kilalang angkan sa bayan—ang mga Cervantes at dela Vega. Kabilang sa board of trustees at administrative council ang ilan sa mga ito.

Sa pag-iisip niya ay hindi na niya namalayang pataas na sila ni Rianne sa hagdan.

"Watch out!" narinig niyang sigaw ng isang tinig.

"Ha?" Bago pa man siya makahuma ay hindi na niya inasahan ang mga sumunod na pangyayari.

"Out of the way!" Pero hindi na niya nagawa ang utos na iyon. Pasalubong sa kanya ang isang lalaking nagmamadaling bumaba sa hagdan. Sa sobrang pagmamadali nito ay bigla itong natalisod, dahilan upang mawalan ito ng balance. Bago pa siya makakilos ay sa kanya ito napadagan na naging sanhi ng pagbagsak nilang dalawa sa sahig. Matindi ang pagkakabagsak niya roon dahil siya ang nasa ibaba ng hagdan. Idagdag pa ang bigat ng taong dumagan sa kanya.

"Ouch!" daing niya. Dahil sa lakas ng pagkakabagsak niya, muntik na siyang mawalan ng malay sa tindi ng sakit pero tiniis niya. Sinikap niyang huwag panawan ng ulirat kahit napapapikit na siya dahil sa sobrang sakit. Isa pa, alam niyang nakadagan sa kanya ang taong dumamba sa kanya. Gusto niyang malaman kung sino iyon upang mabulyawan niya ito sa ginawa nito.

Naramdaman niyang gumalaw ang taong nakadagan sa kanya. Unti-unti niyang binuksan ang kanyang mga mata at tumambad sa kanya ang mukha ng taong iyon. Subalit tila umurong ang dila niya sa nakita at tinangay ng hangin sa kung saan ang kagustuhan niyang bulyawan ito. Sa tingin niya, ito na yata ang pinaka-good looking na lalaking kanyang nasilayan sa tanang buhay niya. Okay, good-looking might be an understatement. Pero ayaw niyang sabihing napakaguwapo nito kahit na iyon naman ang totoo. At ayaw niyang sabihing ginising na ng guwapong ungas na ito ang puso niyang may siyam na buwan na ring natutulog. Dahil ng mga oras na iyon, hindi niya mapigilan ang pagrigodon ng kanyang dibdib habang pinipilit na tingnan ang mukha nito. Nag-init ang mga pisngi niya nang sa wakas ay mapuna niya ang ilang pulgadang lapit ng mga mukha nila sa isa't isa. Naaamoy rin niya ang pabangong gamit nito na sa hindi malamang dahilan ay nagpaliyo sa kanya. The scent wasn't that strong; just enough to disturb her senses even without him knowing that.

✔ | I'll Hold On To YouTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon