Chapter 8
Jas Suarez
Napabuntong-hininga ako. Parang ang haba ng bakasyon ko kahit Sabado at Linggo lang naman ang dumaan. Miss ko na pumasok. Pero mas miss ko si Ron-Ron.
Nakaramdam ako ng bahagyang kirot sa dibdib ko nang maalala siya. Lalo na sa tuwing naiisip ko ang mga ngiti niya noong magkasama sila ni Chesca. Ganoon ba talaga kaliwanag ang mga ngiti niya? O talagang sobrang saya niya lang dahil nakita na niyang muli ang first love niya?
Mag-isa ako sa room habang nakapangalumbaba sa bintana. Idinikit ko ang mesa ko sa pader para matanaw ang labas. Ang aliwalas ng paligid, ang sarap siguro tumambay roon sa field. Ang ganda rin ng langit, asul ito at ang daming mapuputing ulap. Mukhang hindi naman uulan pero ang pakiramdam ko, sobrang bigat, parang may parating na bagyo. Idagdag pa sa isipan ko ang taong nakasalamuha ko – ang taong sinusundan ako.
Kung sa tingin ng marami ay nakakatuwang magkaroon ng stalker, ngayon pa lang ay sinasabi ko nang hindi. Sobrang creepy! Kahit sa loob ng kuwarto ko ay pakiramdam ko hindi ako ligtas. Kulang na lang ay ipako ko ang bintana para siguradong walang makapapasok.
Ang pinto ko ay lagi na ring naka-lock. Sa tuwing may kakatok, bago ko iyon buksan ay tatanungin ko pa muna kung sino. Nawi-weirduhan na sina Mama at Papa pero ayoko namang sabihin sa kanila.
Pakiramdam ko tuloy ay nag-iisa ako. Hindi ko alam kung kanino ko ba dapat ito ikuwento. Ayokong makaabala sa ibang tao kaya mas pinipili ko na lang na sarilinin.
"Good morning, Jas!"
Napabalikwas ako sa kinuupuan ko at saka napatingin kina Kimmey at Gelo na papasok ng room.
"Good morning, Kimmey at Gelo," nauutal na bati ko sa kanilang dalawa.
Nilingon ko ang kasunod nila pero bumagsak lang ang dalawang balikat ko nang hindi si Ron-Ron ang makita kung hindi si Jethro, isa sa mga kaklase ko. Bumalik ako sa pagkakatingin sa labas at bumuntong-hininga.
"Okay ka lang ba?" tanong ni Kimmey nang makaupo sa tabi ko. Hinawakan pa niya ako sa balikat upang ibaling ang atensyon ko sa kaniya.
Tumango ako bago pilit na ngumiti at tumingin sa kanila. "Oo naman," sagot ko.
Pinaningkitan lang ako ng mga mata ni Gelo ngunit walang sinabi. Pinagpatuloy ko lang ang kung ano ang ginagawa ko. Ni hindi ako umalis doon sa bintana nang dumating ang guro namin. Mas lalo lang akong nanlumo nang hindi pumasok si Ron-Ron – kung may ilulumo pa ba 'tong nararamdaman ko. Mukhang magkasama pa rin sila hanggang ngayon. At handa pa talaga siyang mag-skip para sa kaniya.
"HINDI MO YATA kasama 'yong kaibigan mo?" tanong ni Eiji, nakahiga sa sahig habang naka-unan sa dalawa niyang braso.
Nandito kami sa rooftop habang nakaupo ako sa sahig, nakatanaw sa kabuoan ng campus at nagpapahangin. Nakapikit lang siya at paminsan-minsang dumidilat upang tingnan ako. Tapos na kaming mag-lunch at ito kami, nag-uusap na para bang normal na iyong bagay.
"Wala pa nga eh. Mukhang absent pa," sabi ko sa kaniya sabay kagat ng sandwich ko. Medyo nabitin pa ang lunch ko kanina.
"Naaalala mo lang naman ako kapag mag-isa ka."
Napatigil ako sa pagkagat ng sandwich ko at nakakunot-noong tumingin sa kaniya. "You sound disappointed," pang-aasar ko sa kaniya. "Nagtatampo ka ba?" Lumapit ako sa kaniya pero umusod lang siya, hindi pa rin dumidilat.
"No, I'm not."
"Ayie, nagtatampo ka eh," sabi ko sabay kiliti sa tagiliran niya.
Agad siyang napapiksi at pagkatapos ay agad natigilan.
BINABASA MO ANG
Arkania's Seventh Princess
Romance[ARKANIA SERIES #1] Jas Suarez grew up doing silly stuff like pranks, together with her best friend Tyrone. And as time goes by, she realized that she barely knew her childhood. She didn't have any photos when she was a kid and she couldn't remember...