Ako si Dylan Natividad, isang tipikal na college student sa isang pamantasan sa Maynila. Tipikal ako as in tipikal, walang espesyal sa akin. Hindi ako mahirap pero hindi rin naman ako mayaman. Hindi rin ako kagwapuhan. Ako yung lalaking may itsura lang kung tawagin. Chinito, matangos ang ilong at may maninipis na labi. Hindi ako masyadong maputi. Hindi rin ako ganung kataas at wala akong kamukhang artista. Kasi nga, sobrang tipikal ako. Tipong sakto lang. Kung sa tingin niyo ay may hindi pa ako nabanggit at baka bumabawi naman ako sa pangagatawan, nagkakamali kayo. Payat ako pero hindi naman buto't balat. Tipikal nga di'ba?
Ako yung tipong pumapasok sa eskuwela at pag may vacant time ay maglalaro ng DOTA kasama ang aking mga solid na tropa. Pero hindi ako adik, sa totoo lang KJ nga ako dahil isang game lang solve na ako, manalo man o matalo. Bakit ba naman ako mag-aaksaya ng pera sa computer shop kung mayroon naman akong Garena sa bahay? Doon ko nalang ibinubuhos lahat ng oras ko. Madalas nga ay nakakalimutan kong matulog lalo na kung maganda ang laban. Pero hindi adik yun a? Nag-aaral pa naman ako. Sa katunayan nga ay member pa ako ng gazette sa school, mahilig rin kasi akong magsulat. Pero syempre, DOTA ang bonding moments naming magtotropa. Paminsan-minsang inuman na nauuwi rin sa isang game sa DOTA. Pero promise, hindi ako adik!
Minsan iniisip ko na nakakasawa na rin ang maging tipikal. Mabuti pa nung highschool ako, nananalo pa ako ng mga award sa essay writing contests. Ano bang nangyari sa akin?
Fourth year na ako ngayon sa kursong Journalism. First semester, as usual mainit ang panahon kaya naman nakatambay kami ng isa sa mga tropa ko na si Ace dito sa isang shed sa campus grounds. Unang araw ng klase ngayon, mabuti naman at maganda ang panahon.
"5v5 daw mamaya sabi nila Joshua." Sabi ni Ace habang nakasandal sa haliging bato ng shed. Dahil wala namang uniform ang eskuwelahan namin, suot niya ang isang puting T-shirt na may design na mga doodle characters. Nakamaong siyang pantalon at itim na sneakers. Nakasukbit sa isang balikat niya ang isa sa mga handle ng kanyang asul na backpack. First day na first day ang dating niya. Bagong gupit pa nga siya, fauxhawk daw ang tawag sa gupit na ito, medyo mohawk sa tagalog. Pero yung tigyawat niya sa mukha, as usual, patuloy pa ring namemeste sa kanya.
"Sino-sino daw?" Tanong ko na nakaupo sa batong bench ng shed. Syempre hindi ako papatalo dahil bago ang sneakers ko ngayon. Pinag-ipunan ko yata yun. Galing yon sa dugo at pawis ng mga hero na ginamit ko sa DOTA. Kada kasi may pustahan at panalo ako, napapasayaw ang wallet ko sa dami ng pera.
"Ikaw, ako, si Joshua, si Harold, saka si Arnie. Kalaban natin yung tropahan nila Macky. Ano game?" Sagot ni Ace na patuloy ang panghihikayat sa akin na sumama sa kanila magDOTA mamaya.
"Game," sagot ko. "Sila Macky lang pala. Mga weak yung mga yun." Payabang kong buwelta. Kamusta naman sa nag-aapoy na kulay ng T-shirt kong pula. Ganyan din ang magiging laban mamaya. Sisiguraduhin ko yun. "Teka, kamusta nga pala si Joshua? Dito pa rin ba yun? Hindi kasi nagrereply. Iba nanaman yata number." Dagdag ko pa.
"Ang alam ko may back subject yun. Nagbabad kasi sa DOTA last year." Sagot ni Ace.
Napailing ako sabay sabing, "Loko talaga yun."
Sa gitna ng pag-uusap namin, isang babae ang dumaan sa harapan namin. Sinundan siya ng tingin ni Ace pero dahil may pagka-egoistic ako, kunyari ay hindi ako naakit sa angking ganda niya. Pero deep inside sumagi talaga sa isip ko na maganda siya. Mataas siya, lampas balikat ang buhok, medyo singkit ang mata, matangos ang ilong at maputi. Para bang Korean beauty.
"Pre, ang ganda nun!" Wika ni Ace na bigla nalang hanggang tenga ang ngiti.
"Sakto lang." sabi ko sabay kibit balikat.
"Wag mong sabihing hindi mo pa rin type yun?" tanong niya.
"Pwede, pero alam mo namang ayoko muna ng lovelife. Sawa na kasi ako. DOTA muna bago chicks." Paliwanag ko. Sa totoo lang pinipigilan lang ako ng pride ko na ipakita sa iba ang paghanga ko sa babaeng iyon. Kung ako lang siguro mag-isa, baka mapasulyap rin ako. Takaw atensiyon siya, mukha pang new student. Parang ngayon ko lang siya nakita sa campus.
"Grabe, pwede lang sayo yun? Lupet mo brad. Taas naman yata ng standards mo." Kumento niya sa pagpapakita ko ng kawalang interes.
"Ilang beses ko ba sasabihin sayo na ang type ko, si Mirana?" Biglang buwelta ko.
"Ay oo nga pala. Sorry naman." sagot niya.
Dinadaan ko nalang ang lahat sa biro pero sa totoo lang ay medyo masama pa kasi ang loob ko dahil sa pagbebreak namin ni Jane. Ayoko lang ipahalata dahil alaskador ang mga tropa ko. Hindi nila dapat malaman na broken-hearted ako dahil kay Jane.
BINABASA MO ANG
Satanna Salvation (ON HOLD)
General FictionKain-Tulog-DOTA-LOL-Repeat! Wala na yatang mas lalabo pa sa future ni Dylan na nilamon na ng computer games. Mula noong magbreak sila ng ex-girlfriend na si Jane ay isang paulit-ulit na routine nalang ang naging buhay niya. Sinarado na rin niya ang...