Chapter 10 - Gloomy Sunset

13 2 0
                                    

Hindi kami dumiretso pauwi dahil hindi pa man nakakalayo ang jeep nagkasundo-sundo na sila Anna at ang dalawang almost lovers na magpunta muna sa Mall of Asia bago umuwi. Wala na kong nagawa kundi ang sumama. Una ay kumain at nagfrappucino muna kami sa Starbucks sa may seaside. Tapos ay naisipan ni Vince at Myra na panuorin ang paglubog ng araw.

Nakaakbay si Vince kay Myra habang kumukuyakoy ang mga paa nila sa ibabaw ng mga malalaki at makikinis na bato nakalatag sa dalampasigan. Samantalang kami ni Anna ay may ilang pulgada ang layo sa isa't isa at hindi nagkikibuan.

"Ang sweet talaga nang dalawa. Pwede ba next time na kayo maging sweet pag kasama na natin si Martin para hindi ako mainggit." Reklamo ni Anna na bigla nalang nagpout na parang grade six.

Napatawa si Vince. "Tiisin mo nalang ang inggit. Saka andyan naman si Dylan o."

"Naku itulak pa ko niyan sa tubig. Ayaw na niyan ng lovelife" Naka-ismid na sabi ni Anna. Nakakainis. Bakit ko naman siya itutulak sa tubig, e, araw-araw, gabi-gabi ko nga siya pinapangarap. Ang manhid talaga! Hindi ba obvious na kaya ako nananahimik kasi nagseselos ako kay Martin?

"Ay oo nga pala, sorry!" Sabi ni Vince.

Tuloy lang ang pananahimik ko. Napapaisip ako kung gumaganti lang ba talaga si Anna o gusto niya talaga si Martin dahil ibang-iba siya simula pa kanina. Yung dating malamig at matigas na pananalita nito ay biglang nagkaroon ng sigla.

Ang sakit-sakit kada babanggitin niya yung pangalan nung lalaki na iyon. Parang sumasama ang sikmura ko. Gusto kong isigaw na tama na, wag na niyang banggitin pa si Martin dahil nasasaktan ako. Pero ano bang karapatan ko?

Leche naman kasing pride to. Bakit ba hindi maalis-alis sa katawan ko? Marami ng dumaan na pagkakataon para makapagtapat ako kay Anna pero pinapalagpas ko palagi, dahil sa pride ko. Iniisip ko na kabawasan sa aking pagkatao ang mabasted ng isang babae kaya naninigurado muna ako. Pero ngayon na nararamdaman ko na may gusto ng iba si Anna, napag-isip-isip ko na pagdating sa pag-ibig, kailangan willing ka palang isugal ang pride mo. Pero paano? Matindi ang kapit ko sa pride ko.

Ito naman kasing si Anna napakamanhid. Nasanay ako sa mga babae na nakukuha lang sa paramdam. Yung bang tipong wala ng aminan ng feelings dahil obvious na pero itong si Anna parang hindi marunong makahalata. Nagagawa niya tuloy akong saktang ng hindi niya alam.

Pero kapag pinagtatanto ko ang lahat, naiisip ko na bakit kaya mas gusto niya pa si Martin kumpara sa akin? Lahat naman ginagawa ko. Siya na nga halos ang lagi kong kasama. Lahat ng tulong na dapat ibigay ko sa kanya binibigay ko. Mali lang ba ang pagkakakilala ko sa kanya at tulad lang din siya ng isang tipikal na babaeng nagkakandarapa pag nakakakita ng gwapo?

Naguguluhan ako. Hindi ko talaga maintindihan ang mga babae. Napasulyap ako kay Anna na bigla nalang malamlam ang mga mata. Kanina lang ay masayang-masaya pa ito na nakikipagkwentuhan tungkol kay Martin. Bigla yata siyang nalungkot. Nakatitig siya sa papalubog na araw at nakapatong sa kandungan ang mga kamay.

"O, bat bigla kang nalungkot?" Tanong ko.

"Naisip ko lang na lahat ng bagay sa mundo may katapusan. Parang araw, nawawala ito para palitan ng gabi. Ganun din kasi ang tao, pagdating ng araw, tatanda at mamamatay." Paliwanag niya na may kakaibang lungkot sa mga mata.

"Ang lalim nun a. May pinaghuhugutan? Malamang mamatay ang tao, edi hindi na tao yun pag hindi namatay. Wala namang taong immortal." Kumento ni Vince.

"Kaya kapag ang isang immortal nagmahal ng tao, malulungkot lang siya ng paulit-ulit dahil ang tao hindi pwedeng magtagal sa mundo." Dagdag ni Anna.

"Grabe ka girl, dahil lang dun nalungkot ka na?" Tanong ni Myra. "Ayan ang masama sa mga book lovers, masyadong lumilipad ang isip."

"Teka parang alam ko yang linya na yan a? Dun yan sa The End of Forever ni Abby Hahn. Tinagalog mo lang." Bigla kong tugon dahil tanda ko pa ang mga linya na sinabi ng character doon sa libro: "I just thought that, all the things in this world has an end. Just like the sun that has to set and be replaced by the moon. Just like humans, someday they will grow old and die. That is why an immortal like me, is forbidden to love a human." Ito ang librong huling isinulat ni Abby bago siya biglaang mawala kasama ang kanyang boyfriend na Amerikano. Tungkol ito sa isang succubus na nagmahal ng isang tao. Nagpakasal sila, sinubukan nilang tawirin ang linya na hindi dapat tawirin. Malungkot ang ending nito dahil namatay ang lalaki sa huli dahil sa kagustuhan niyang mahalin yung babae sa kabila ng isa itong immortal at mapanganib na nilalang na mula sa kailaliman ng impyerno.

"Katulad kasi nung babae sa nobela, namatayan din ako ng taong mahal ko. Kaya nga ayoko ngayon ng seryosong relasyon, natatakot lang ako baka maulit uli." Kwento ni Anna habang nakatungo.

"Bakit namatay?" Tanong ni Vince.

"Leukemia. Habang pinapanuod ko tuloy ang sunset naaalala ko ang unti-unting pagpikit ng mga mata niya." Sagot ni Anna sabay buntong hininga. "Parang kinuha ang lahat sa akin. Wala na kong parents, parang siya na ang tinuring kong pamilya ko at buong buhay ko. Tapos pati pala siya mawawala rin sakin."

"Easy, baka naman maiyak ka pa niyan?" Tanong ni Vince.

"Sa five years ko siyang iniyakan gabi-gabi, wala na siguro akong dahilan para umiyak uli." Sagot niya. Inangat na niya ang kanyang ulo. "I've moved on na rin naman. Sanay na ko mag-isa. Ayun nga lang hindi ko alam kung kailan ko gugustuhin magseryoso. Pero willing to date na ako. If that's okay with Martin."

Hay! Martin nanaman. Pero this time parang humupa ang inis ko. Naisip ko kasi na malungkot pala ang naging karanasan ni Anna sa buhay. Mahirap nga takasan yung ganung klaseng nakaraan. Siguro si Anna, parang ako lang din, na kunyari ay hindi naniniwala sa pagmamahal. Pero ang totoo, takot lang ang pumipigil samin para huwag maniwala.

Sa tuluyang paglubog ng araw at pagdilim ng paligid, naisipan naming umuwi na sa kanya-kanya naming mga tinitirahan. Umalis na kami sa kinauupuan namin. Kumukulog na kasi at mukhang uulan. Pati yata ang panahon ay nalungkot sa kwento ng buhay ni Anna.

Nararamdaman ko ang paunti-unting pagpatak ng ulan sa aking braso at pisngi. Nagbukas ng payong si Vince at pinayungan nito si Myra. Si Anna naman ay binubuksan palang ang itim niyang payong na kakakuha lang niya sa bag. Ako naman, dahil wala akong payong, gumilid nalang ako at tinupi ang mga braso at hinayaang mabasa ng ulan ang sarili.

"Dylan, ano ka ba naman? Para kang emo dyan, e, may payong naman ako." Sabi ni Anna sabay payong sa akin. Hindi ko alam na kahit puro Martin pa ang bukambibig niya may concern pa rin siya sa akin. Dahil medyo gumaan na ang pakiramdam ko, kinuha ko ang payong sa kanya. Hindi kasi maganda tignan na babae pa ang nagpapayong sa lalaki kaya ako nalang ang naghawak nito para sa kanya. Malakas ang ulan kaya naman magkalapit na magkalapit kaming nakasukob sa isang payong. Thank you ulan a?

Satanna Salvation (ON HOLD)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon