CHAPTER FOUR: Cat
Bakasyon na. Wala nang pasok. Kapag ganito, normal na sa'kin ang magising nang tanghaling-tapat. 'Yung tipong gigising lang ako kapag nakaramdam na ko ng gutom. Kaso ngayon, maaga akong nagising eh. Pasado ala-sais pa lang, nagising na ko.
"Tsk."
Iritado kong hinilamos ang mga palad ko sa mukha ko habang nakahiga pa rin ako sa kama. Nakakainis kasi. Naiinis ako sa sarili ko. Ilang araw na ang lumipas mula nang mangyari 'iyon'. Isang buwan na nga rin ang lumipas eh. Pero ano ako? Ito, nganga. Wala pa ring nagiging improvement sa relasyon namin ni Millie matapos ng 'nangyari' sa'min. Wala rin naman kasi akong magawa bukod sa magsinungaling at umarteng hindi ko naaalala na siya ang babaeng nadale ko ng gabing iyon. Kasi naman ang askal na 'yon! Layuan at pagtaguan ba raw ako matapos nun? Eh hindi ako sanay na ginaganun niya ko!
"Ughhh!"
Nauwi ang mga palad ko sa pagsabunot sa buhok ko. Ang tanga ko rin kasi! Hindi naman dapat magiging ganito ka-kumplikado ang sitwasyon namin ni Millie eh! Kung hindi lang ako masyadong naka-inom ng gabing 'yun, edi sana nakontrol ko ang sarili ko; edi sana nagawa ko nang maayos ang pinlano kong pagtatapat sa kanya; edi sana nanliligaw na ko sa kanya ngayon!
Sa totoo lang, hindi ko alam kung papayag si Millie na magpaligaw sa'kin. Dati kasi nung third year high school pa lang kami--mga dalawang taon na ang nakararaan--nagtapat na ko sa kanya at naglakas loob akong nagtanong kung puwede ba akong manligaw sa kanya. Pero takte, binasted niya agad ako! At mukhang lalayuan pa niya ko pagkatapos nun! Ang ginawa ko tuloy nun eh nagsinungaling gaya ng ginawa ko nitong huli, para lang sa hindi siya mailang sa'kin at para 'di niya ko layuan. Sinabi ko na joke lang ang mga sinabi ko sa kanya--na nagpa-practice lang ako ng mga sasabihin ko sa ibang babae na gusto ko talagang ligawan. At ayun, naniwala naman ang askal kong 'yun sa palusot ko. Halos isumpa pa nga niya ko sa mga sinabi ko.
Pero nitong huli, desidido na talaga akong magtapat at manligaw sa kanya. Mula kasi nung mag-kolehiyo kami, napansin ko na maraming lalaki ang walang kahabas-habas na nagpapapansin sa kanya. Wala pa namang nanliligaw, pero bilang kapwa nila lalaki, nararamdaman ko ang intensyon nila kay Millie--intensyon na ayokong maisakatapuran nila.
Umupo na ako sa higaan at bumuntung hininga. Kailangan ko nang makapag-isip ng dapat gawin para linawin kay Millie ang mga nangyari. Kaso... hindi na ako makapag-isip nang maayos. Nagugutom na ko. Dapat kumain muna ako.
Naghilamos na ako at saka nag-exercise--stretching at sit-ups lang naman gaya ng lagi kong ginagawa pagkagising. Matapos nun ay nagsuot ako ng sweat pants at lumabas ng bahay. Magjojogging ako paikot ng subdivision namin hanggang sa marating ko ang convenience store sa labas. Dun na ko mag-aalmusal. Wala naman kasing makakain sa'min. Mag-isa na lang akong nakatira sa bahay namin dahil nasa Amerika na parehas ang mga magulang ko. Dapat nga doon na rin ako nakatira ngayon. Hindi lang ako sumama sa nanay ko dahil kay Millie. Ayoko kayang mapalayo sa askal kong 'yun.
Pagkakain ko sa may convenience store, nagjogging ako pabalik sa bahay namin. Napahinto nga lang ako sa tapat ng bahay nina Millie dahil parang naririnig ko ang tatay niyang si Tito Jack na sumisigaw mula sa ikalawang palapag ng bahay nila. Malabo ang bawat katagang sinisigaw niya pero alam ko, galit siya. Hindi naman siya sisigaw nang ganito kung hindi siya galit eh. Ang tanong na lang eh, bakit kaya siya galit? Nag-away ba sila ng asawa niya?
Tuluyan na akong inatake ng pagka-tsismoso ko. Nag-doorbell ako sa may gate nila at nagbaka sakaling isa kina Millie o Jun-Jun ang sasagot sa'kin.
Nagbukas ang pinto ng bahay nila at si Jun-Jun, ang nakababatang kapatid ni Millie, ang sumilip sa'kin.