Chapter Twenty One: DOG

25.1K 631 49
                                    

CHAPTER TWENTY ONE: Dog

Salamat sa taxi na nasakyan ko at nakauwi ako nang maayos. Kung pinilit ko kasing mag-commute, ewan ko na lang. Baka hindi ko magawang makauwi agad dahil sa matinding galit at sakit na nararamdaman ko. Hindi rin kasi mawala-wala sa isip ko 'yung paglilinaw ni Levi noon sa relasyon naming dalawa; 'yung pagtitiwala ko sa kanya; at 'yung lihim na pagkikita nila nung Jo kanina.

Pagkaakyat ko sa kuwarto namin, hindi ko malaman ang gagawin ko. Gusto kong sumigaw. Gusto kong itapon ang lahat ng gamit ni Levi. Ah, hindi--gusto ko siyang ipa-salvage kasama ang Jo na 'yun!

Sa naisip ko, bigla akong naiyak na parang bata habang nakaupo sa kama ko. Ipa-salvage? Hindi rin eh. Ayokong mawala si Levi. Gusto ko siyang saktan sa mga oras na 'to pero ayun lang 'yun. Ayokong iwan siya, o siya na iwan ako. Pero paano kung sa hiwalayan na kami humantong ngayong pagtitiwala na ang nasira sa aming dalawa? Paano na itong baby namin?

Speaking of baby, ito lang yata ang dahilan kaya sinasamahan ako ni Levi. Gusto niya lang akong panagutan kaya pilit niya lang din akong minamahal. Pilit lang kaya hindi niya mapigilang maghanap ng ibang babae. Kasi naman, ano bang kamahal-mahal sa akin? Kung ikukumpara ako sa Jo na 'yun, anong panama ko? Wala, 'di ba? Wala, wala, wala.

Hindi ko na makontrol ang emosyon ko. Nagpatulay lang ako sa pag-iyak, hanggang sa mapagod ako't makatulog.

*

7pm na nung ginising ako ni Mama para maghapunan. Napansin niya at pamamaga ng mga mata ko kaya nagkuwestiyon siya. Hindi ko naman feel umamin kaya nagsinungaling ako. Sinabi ko na lang na may dinibdib at iniyakan akong pelikula kaninang hapon.

Binigyan ako nun ng nagdududang tingin ni Mama hanggang sa magbuntung hininga siya.

"Sabagay, nagiging masyadong emosyonal talaga ang mga buntis kahit sa mga simpleng bagay lang." Sabi pa ni Mama sabay kibit-balikat. "'Yung iba pa nga, umiiyak nang walang dahilan eh."

"Para namang baliw 'yung ganun..." Mahina kong sagot.

"Grabe ka naman, anak." Halos naka-ngusong tumingin sa akin si Mama. "Para mo na ring sinabi na para akong baliw nung pinagbuntis kita."

Nanlaki ang mga mata ko dun. Ibig sabihin...

Nagbuntung hininga si Mama bago nagpaliwanag. "Oo na. Dati, nagkaganun ako habang pinagbubuntis kita. Naglilinis lang ako ng kuwarto tapos bigla na lang akong naiyak nang walang dahilan. Nawindang nga sa akin ang papa mo nun eh. Hindi niya malaman kung paano ako papatahanin."

Natawa ako sa kuwento ni Mama. Na-imagine ko sila ni Papa sa ganung eksena. Nakakatawa talaga at para ngang baliw si Mama. Buti na lang hindi ko naranasan iyon.

"Oh siya, tara na sa baba, Millie. Gutum na gutom na ang kapatid mo." Tumayo na si Mama at nag-alok ng kamay para akayin ako. Tinanggap ko iyon at hanggang sa kainan, inakay niya ako.

Ang sarap nun sa pakiramdam. Naisip ko tuloy, na kapag lumaki na ang anak ko, gagawin ko rin iyon sa kanya. Aakayin ko siya basta kailangan niya.

Sa buong pagkain ng hapunan, naiisip ko naman si Levi. Ano kayang ginawa niya kanina nung makaalis na ako? Binalikan si Jo, nag-sorry, tapos? Pumasok kaya siya sa trabaho o nagsama lang sila maghapon? Hanggang ngayon kaya magkasama sila?

Hindi maganda ang pakiramdam ko kaya hindi ko na naubos ang pagkain ko at umakyat na ako. Naghilamos na rin ako at pumuwesto na sa higaan ko.

Hindi naman ako makatulog. Ang totoo nito, hinihintay ko si Levi. 9:30pm na, nandito na dapat siya, pero hindi pa siya nagpaparamdam. Ni text, wala siyang pinapadala sa akin.

Cat & Dog BabyTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon