CHAPTER SIX: Dog
"Welcome sa bahay namin, askal!" Bati ni Levi nung makapasok na kami sa bahay nila.
Gusto ko sana siyang barahin, pero wala akong lakas para gawin 'yun. Ang nagawa ko lang ay nanlalatang dumiretso ng upo sa may mahabang sofa nila.
"Uy askal," nilapag ni Levi sa sahig ang malaking bagpack ko na puro damit, at saka siya nag-squat sa tapat ko. "Anong gusto mong almusal? Dali, kahit ano, bibilhin ko para sa'yo."
Napatitig ako sa kanya. Oo nga pala 'no, hindi pa ako nag-aalmusal. Kanina bago kami umalis sa'min, niyaya ako ni Mama na kumain muna pero tumanggi ako at sinabing dito na lang ako kakain.
"Wala..." Mahina kong sagot kay Levi. Wala naman kasi akong ganang kumain.
Ngumiti siya nang nakakaloko. "Weh? Siguro, AKO ang gusto mong almusalin 'no?"
"Magtigil ka nga sa kalandian mo." Binato ko siya ng throw pillow na nahatak ko sa tabi ko. Saktong sa mukha niya 'yun tumama.
"Tss," Binato niya rin 'yun pabalik sa tabi ko. "Umamin ka na lang, askal. Buong puso ko namang ibibigay ulit sa'yo 'tong katawan ko eh."
Natulala na ko sa kanya. Naalala ko kasi 'yung nangyari sa'min, pati 'yung pagsabi niya noon na Mimi raw ang pangalan ng babaeng nakasama niya, at 'yung bigla na lang niyang pag-ako kanina sa pagbubuntis ko. Naguguluhan na ako sa kanya.
"Levi, 'yung totoo," Bigla kong salita. sa medyo nag-aalangan na tono. "Uhm, simula't sapul ba, alam mo na ako talaga 'yung... 'yung ano... 'yung babaeng nakasama mo nung Valentine's night?"
"Oo naman." Mabilis niyang sagot. "Hindi naman ako lasing nun eh. Naka-inom lang ako, tapos umarteng lasing para maka-tsansing sa'yo."
Nanlaki ang mga mata ko sa sinabi niya.
"Teka! Pero 'di ibig sabihin nun na pinlano ko 'yung nangyari sa'tin ah!" Depensa niya agad. "Nakaw na yakap lang gusto ko nun! T'saka ano," napakamot siya ng batok.
"T-T'saka ano?" Natensyonado ako. Hindi agad-agad maabsorb ng sistema ko ang pinagsasabi ng pusandi na 'to.
Oo, alam ko ngang malandi siya. Hindi na iba kung mang-tsansing siya sa kung sinumang babae. Pero ang gawin niya 'yun sa'kin? Parang napakalabo! Kasi naman, never siya nagparamdam na type niya ko. Type asarin, puwede pa. Pero 'yung type tsansingan? Napakalabo talaga!
"Ano kasi, Millie," seryoso siyang tumingin nang diretso sa mga mata ko. Nagsimula naman ang puso ko sa sobrang pagkabog. Lalo akong na-tensed sa hindi ko malamang dahilan. "A--"
Naputol ang pagsasalita niya dahil may cellphone na biglang nag-ring, which is cellphone niya. Kinuha niya iyon mula sa bulsa ng jogging pants niya, at ngumiti nang mabasa niya kung sino 'yung tumatawag.
"Oh Ma!" Tuwang-tuwa niyang sagot dun sa tawag sabay salampak ng upo sa tabi ko. Si Tita Tess pala 'yun eh, 'yung mama niya. "Napatawag po kayo? Mmm, oo naman po. Ayos lang ako, at guwapo pa rin as usual." Sabay hilot sa baba niya.
Eh kung sapakin ko kaya siya? Ang yabang eh.
"Ay Ma, may balita nga po pala ako sa inyo!" Bigla siyang tumingin nang nakangiti sa'kin. "Magkaka-apo na po kayo!"
Bumalik ang malakas na pagkabog ng puso ko at ang pagka-tensyonado ng buong katawan ko. Narinig ko pa na napasigaw ng 'Ano?!' si Tita Tess sa linya.
Natawa naman si Levi na para bang ma-amused pa siya sa reaksyon ng mama niya. "Huh? Magkaka-apo na po kayo kasi malamang, magkaka-anak na ko!" Patuloy namang sumisigaw ang mama niya sa linya habang siya, natatawa pa rin. "Ano ba namang tanong 'yan, Ma! Magkakaanak na ko kasi malamang nakabuntis ako! Naman oh! Para namang hindi kayo nabuntis ni Papa!"