CHAPTER THIRTEEN: Cat
"Adrian?" Hindi ko makapaniwalang bulong sa sarili ko.
Sinisigurado ko pa lang kung ang best friend ko nga nung high school ang nakikita ko ngayong nakatayo sa tapat ng gate namin, nang bigla namang ibinagsak ni Millie pasara ang pinto.
"Paalisin mo nga ang walang hiyang 'yun dito!" Galit na baling niya sa'kin at saka ako nilagpasan para umakyat sa kuwarto ko. Nakalimutan ko, galit nga pala siya kay Adrian.
"Millie, alis na ko ah!" Sigaw ko.
"Bahala ka!" Sigaw niya rin mula itaas, at narinig ko na ang pagsara ng pinto ng kuwarto ko.
Bahala na nga. Bibilisan ko na lang din ang pamimili ko para 'di ako masyadong mag-alala sa kanya.
Nagmadali akong lumabas ng bahay. Buti na lang nasa may gate pa rin si Adrian. Nakatalikod siya at nakapameywang.
"Uy p're!" Halos tumakbo ako palabas ng gate. Inakbayan ko siya at sinikmuraan bilang bati. "Gago ka ah! Bakit ngayon ka lang nagparamdam?!"
Mag-iisang taon na rin kasi mula nang lumipat ang lalaking 'to sa Manila. Dun na siya nananatili habang nag-aaral.
Pero ang loko, hindi pinansin ang tanong ko. Tinignan niya lang ako. May bakas ng 'di paniniwala sa tingin niya.
"Oh bakit ganyan ka makatingin p're? Hindi ka ba makapaniwala sa kaguwapuhan at ganda ng katawan ko ngayon huh? Hindi ka makapaniwala na hindi na tayo magka-level 'no? Mas guwapo na kasi ako kaysa sa'yo ng ilang porsyento eh!"
"Siraulo," malakas niya akong siniko sa sikmura. "Pero p're, hindi ba ko nagkamali ng nakita kanina ah? Nandun sa bahay mo si Millie--at malaki-laki ang tiyan niya."
"Buntis tawag dun p're!" Matawa-tawa kong paglinaw. "Nabuntis ko eh kaya dun siya nakatira ngayon sa bahay ko."
"Ano?" Tumaas ang boses ni Adrian at nanlaki pa ang mga singkit niyang mata.
Natawa ako nun, at niyaya ko na siyang maglakad palabas nitong subdivision. Sinabay ko sa paglalakad namin ng pagkuwento ko sa mga nangyari sa'min ni Millie.
"Tang'na Levi," gulat na gulat siya sa mga nalaman niya. "Kung ako si Tito Jack, hindi lang isang sapak ang makukuha mo. Bubugbugin pa kita. Takte eh. Hindi mo naman niligawan ang anak ko, hindi naman naging kayo, tapos binuntis mo? Hayup na 'yan."
Natawa lang ako sa gulat at may galit na reaksyon ni Adrian. Nakakatuwa rin naman eh. Mahigit isang taon siyang hindi nagparamdam sa amin at hindi rin lingid sa kaalaman niya ang matinding galit na meron sa kanya si Millie--galit na nagsimula nung magtapos kami sa 3rd year high school namin. Pero ito si Adrian, parang kapatid pa rin ang turing kay Millie gaya nung mga panahong isang barkada pa kami.
"Basta p're, ninong ka ng magiging baby namin ah!" Sabi ko sa kanya nung nasa sakayan na kami ng jeep.
"Kung papayag si Millie," sagot niya sa medyo malungkot nang tono. Tsktsk. Oo nga 'no. Panigurado, hindi papayag ang askal kong 'yun sa gusto ko.
"Ikaw naman kasi..." Ayun na lang bigla ang lumabas sa bibig ko. "Wala ka pa bang balita kay Chelle?"
"Wala. Saan ka ba pala pupunta ah?"
Tignan mo ang lokong 'to. Kapag si Chelle ang topic, agad-agad iniiwasan. Kaya hanggang ngayon, galit na galit pa rin sa kanya si Millie eh.
Si Chelle ay best friend ni Millie na naging girlfriend ni Adrian nung nasa third year high school pa lang kami. Pero dahil dakilang playboy si Adrian, nakipag-break din siya kay Chelle--na paniguradong naging dahilan ng biglang pag-alis nito nang walang paalam bago matapos ang klase namin. Kahit kay Millie, hindi nagawang magpaalam ni Chelle--na masyado namang dinibdib ng askal ko.
BINABASA MO ANG
Cat & Dog Baby
Novela JuvenilAso't pusa, magkaka-baby? • 𝗖𝗢𝗠𝗣𝗟𝗘𝗧𝗘𝗗 / 𝗣𝗢𝗦𝗧𝗘𝗗: 𝟮𝟬𝟭𝟰 •