CHAPTER FIVE: Dog
Iyak.
Sa buong buhay ko, ngayon lang ako umiyak nang ganito katindi, 'yung tipong parang mauubos na ang lahat ng likido sa katawan ko kakaiyak.
Kasi naman, ang sakit lang ng mga salitang binitiwan sa'kin ni Papa. Eh hindi ko naman sinasadya itong nangyari sa akin ah?
Gusto ko sanang ipaglaban ang sitwasyon ko kay Papa. Pero kahit saang anggulo tignan, ako pa rin ang may mali eh. Gusto ko rin sanang mag-sorry sa kanya, pero hindi ko naman alam kung paano. Galit na galit na siya sa'kin eh, at ang sakit lang. 'Yung tatay ko na prinsesa ako kung ituring dati, tinakwil na ko ngayon.
"Tahan na, askal..."
Tsk. Bwisit na pusandi 'to. Askal pa rin ako kung tawagin sa kabila ng pagbe-breakdown ko dito.
Pero ah, nagpapasalamat ako't dinadamayan niya ko ngayon. Sa ilang minuto ko nang pag-iyak dito sa sahig, ito, yakap niya pa rin ako't patuloy na inaalo.
Sa totoo lang, naguguluhan ako sa kanya. Bigla-bigla na lang kasi siyang sumulpot dito at agad-agad na inako ang pagbubuntis ko. Eh ano bang ibig bang sabihin nun? Naalala na ba niya na ako talaga ang babaeng kasama niya nung Valentine's night? O nagpapaka-good Samaritan lang siya? Ganun kasi si Levi eh. Pusang malandi at siraulo nga siya, pero may tinatago rin naman siyang katinuan at kabaitan.
"Askal naman eh," Hinawakan niya ang isang pisngi ko't yumuko siya para tignan ang mukha ko. "Basang-basang na mukha mo oh. Wala pa naman akong panyong dala."
Humikbi lang ako. Tumingin-tingin naman siya sa paligid, hanggang sa may tinuro siya sa may pintuan.
"Ah, ayun na lang ipamumunas ko sa'yo. Basahan."
"G-Gago ka!" Humiwalay ako sa kanya at binira siya sa braso.
"Joke lang!" Ngiting-ngiti niyang sabi sabay hawak sa magkabilang pisngi ko. At gamit ang parehong palad at hintuturo niya, pinunasan niya ang luhaang mukha ko. "Tahan na kasi."
Sa muli niyang pagsabi na tumahan na ako, naluha ako ulit. Paano ba naman kasi ako makakatahan sa sitwasyong kinakaharap ko ngayon?
"Tahan na, Millie. Please." Naging malambing na ang boses niya. "Baka makasama 'yan sa magiging baby natin eh."
Baby natin--bigla akong nawalan ng ganang umiyak ng banggatin ni Levi ang mga salitang iyon.
Oo nga pala, may bata akong dinadala ngayon sa sinapupunan ko. May ibang buhay na sa loob ng katawan ko. Kung anumang maramdaman ko, hindi na ko nag-iisang makakaramdam nun. Mararamdaman na rin iyon ng... ng baby ko--ng baby namin ni Levi.
Pinupunasan pa rin ni Levi ang mukha ko nang bumalik na dito sa kuwarto ko si Mama. Mukha siyang problemado.
Tumayo naman na si Levi pagkarating ni Mama. Inalalayan din niya akong tumayo, at hindi na niya binitawan ang kamay ko pagkatapos.
Narinig ko ang napakalalim na pagbuntung hininga ni Mama bago siya sumandal sa study table ko at sinabihan kami na maupo rin.
Umupo nga kami ni Levi sa kama ko. Magkatabi kami at hawak pa rin niya ang kamay ko.
"Talagang galit na galit ang papa mo, Milliana. Hindi ko siya makumbinsi na..." Sobrang nag-aalangan si Mama sa mga susunod na sasabihan niya. Napabuntung hininga na lang ulit siya at napa-iling bago nagpatuloy. "Hindi talaga matanggap ng papa mo ang nangyari sa'yo..."
Nanikip ang dibdib ko't may namuo na namang luha sa mga mata ko. Maiiyak na sana ako, kung hindi ko lang naramdaman ang paghigpit ng hawak ni Levi sa kamay ko.
"Tita, pasensya na po talaga..." Salita ni Levi. Malungkot naman siyang tinitigan ni Mama.
"'Yung totoo... Gusto ko rin sanang magalit sa... sa sitwasyon niyo ngayon..." Naiiyak si Mama. Pero dinaan na lang niya sa paghinga nang malalim ang pagpigil sa mga luha niya. "Kaso wala namang magandang mangyayari kung sasabayan ko ang galit at pagkadismaya ni Jack. Hindi naman nun mababago o mapapabuti ang sitwasyon niyo. Kaya ngayon, puwede bang pag-usapan na lang natin kung ano nang mga plano niyo?"
Tumingin sa'kin si Levi. Napatingin din ako sa kanya. Diretso, seryoso, pero may pag-aalalang mga tingin niya sa akin.
"Mas mabuti po siguro kung kukunin ko po muna si Millie sa inyo," Suhestiyon ni Levi sabay balik ng tingin kay Mama na mukhang nagulat sa sinabi niya. "Galit na galit po si Tito Jack sa kanya. Magiging mahirap po sa kanya ang manatili rito kung ganun ang estado nila. Baka maapektuhan po ang pagbubuntis niya."
Hindi makasagot si Mama. Para bang hati siya sa pagsang-ayon at pagkontra.
"Wala naman po kayong dapat ipag-alala, Tita. Apat na bahay lang naman po ang layo ng bahay namin mula sa inyo eh, 'di ba?" Sa sinabing iyon ni Levi, parang gusto ko siyang tuktukan bigla. "T'saka... May balak naman po ako na pakasalan ang anak niyo."
Nanlaki ang mga mata ko sa huling sinabi ni Levi. A-Ako... balak niyang pakasalan?
Kung anu-ano nang naramdaman ko. Nakakatuwa kasi pangarap ko namang maikasal. Pero... hindi sa ganitong sitwasyon. Hindi sa ganitong paraan.
"A-Ayoko, Levi. Ayoko pang magpakasal." Bigla kong kontra. Parehas sila ni Mama na gulat na napatingin sa'kin.
"Pero Milliana? Bakit?" Naguguluhang tanong ni Mama. "Dapat ka lang niyang panagutan."
"O-Oo nga po. Pero pupuwede pa naman po niya akong panagutan kahit hindi pa muna kami ikasal, 'di ba?"
Napayuko si Levi at kamot ng ulo.
Ako naman ang naghigpit ng hawak sa kamay niya. "Magpapakasal pa rin naman po ako sa kanya, pero hindi ngayon..."
Hindi pa ngayon. May hinihintay pa ko. Gusto ko pa munang malaman kung mahal ba talaga ako ni Levi. At saka... May gusto pa sana akong mangyari at ma-experience bago maikasal sa kanya--bagay na hindi ko lang alam kung mangyayari pa nga ba dahil bobo ang pusandi na 'to para maisipang gawin 'yun...
"Hay Milianna," Hinilamos ni Mama ang mga palad niya sa mukha niya.
"Naiintindihan ko," Si Levi, tumingin na ulit sa'kin nang seryoso at diretso. Pero hindi naman siya mukhang galit o naiinis. "Kung hindi ka pa handang magpakasal, hindi kita pipilitin. Basta hayaan mo ko na alagaan ka at ang baby natin."
Napangiti ako--for the first time today. Napangiti rin sa'kin si Levi. At ang weird nito sa pakiramdam, lalo na't magkahawak ang mga kamay namin. Parang may nararamdaman din akong weird sa tiyan ko, na siguro ay 'yung baby namin?
Siguro nga, baby namin 'yun. Siguro pinapa-realize lang sa akin ng baby namin na bukod sa kamay namin ni Levi na magkahawak, eh siya rin ang kumukonekta sa aming dalawa.
Si Mama, sumang-ayon na lang din sa napagkasunduan namin ni Levi. Wala naman na raw siyang magagawa eh, bukod sa suportahan na lang kami sa mga magiging desisyon namin.
"Oh, tara na." Tumayo si Levi at nag-inat nung muli kaming iwan ni Mama. Kakausapin lang daw nito ulit si Papa. "Tara na't mag-empake na tayo ng mga damit mo. Dali, nang maiuwi na kita sa bahay namin--na magiging bahay na natin." Sabay ngiti nang nakakaloko.
Natulala at medyo napanganga naman ako sa kanya. Dun nga pala muna ko mag-istay sa kanila!
Na-eexcite ako na kinakabahan. Kami na aso at pusa, magsasama sa iisang bahay--at nang kaming dalawa lang! Kamusta naman kaya 'yun?!
xxxxxx TBC~
BINABASA MO ANG
Cat & Dog Baby
Roman pour AdolescentsAso't pusa, magkaka-baby? • 𝗖𝗢𝗠𝗣𝗟𝗘𝗧𝗘𝗗 / 𝗣𝗢𝗦𝗧𝗘𝗗: 𝟮𝟬𝟭𝟰 •