✉
Kumusta? Sana nasa maayos ka.
Marahil ang limang salita na ito ay gasgas na, subalit hindi ko batid kung paano magsisimula. Wala akong ibang alam na paraan kung paano punan ang puwang na iniwan ng sampung taong nagdaan. Paano nga ba ako mag-uumpisa kung sa panahong lumipas ni isang beses hindi tayo nagkita at nagka-usap? Kaya napapa-isip ka siguro ngayon kung bakit sa isang iglap nabuo ang mga liham na ito.
Sampung liham bilang paghahalintulad sa sampung taong lumipas buhat noong huli tayong magkita. Isinulat ko para sa'yo kahit alam kong imposibleng mabasa mo. Nais ko lang ipahayag at bigyang diin ang damdaming kailanman ay hindi ko pinansin.
Ganito kasi ang nangyari, sa isang pambihirang pagkakataon dumalaw ka sa panaginip ko kagabi. Sinubukan kong gunitain kung patungkol saan subalit sa kasamaang-palad mailap ito tulad ng unti-unting pagkawala ng usok sa kahanginan. Ngunit bago pa man tuluyang palisin ng aking kamalayan ang aking napanaginipan, may dalawa kang salitang binitawan na hindi ko makalimutan.
"Gusto kita," seryoso subalit banayad ang iyong naging bukambibig.
Nagulat ako sapagkat hanggang kaibigan lang naman ang turing mo sa akin. Pinilit ko man na ibaon sa limot ang iyong sinabi, sa huli pinagtaksilan ko rin ang aking sarili. Dahan-dahang dumilat ang aking mga mata- nagising ako na sa loob ng tiyan ko ay binubuhol na lubid at may bakas na ngiti sa aking mga labi.
Sa apat na taon na tayo ay naging matalik na magkaibigan, ngayon ko lang napagtanto na nahulog pala noon ang loob ko sa iyo. Sana may paraan upang maalala muli ang panaginip na sadyang nagkanlong sa lilim ng aking isipan. Ma-replika ng malinaw kung anuman ang kabuuan nito sa likod ng aking mga balintataw. Hindi lang sa rason na ang panaginip na iyon ay mala-pelikula kung saan tayo ang bida subalit nais ko ring maintindihan kung bakit ka nagkagusto sa akin.
Simula noong pinagbuklod na tayo ng buhay-kolehiyo kahit minsan hindi ka sumagi sa aking isipan, subalit ng dahil sa panaginip ko kagabi wari ba'y tinapik ang mga ala-ala ko tungkol sa iyo sa payapa nitong himlayan. Bawat hibla ng natitirang gunita ay hinabi upang mabuhay muli ang mga sandaling tayong dalawa ay magkasama.
Sa liham na ito, hayaan mong masinag kong muli kung paano nahubog ang ating pagkakaibigan hanggang sa unti-unti nitong pagkadurog at ang mga piraso na pwede pa sanang maisalba ay tuluyan nang nabaon sa kahapon. Hayaan mong balikan kong muli ang mga batang tayo upang maipahayag ko ang aking sarili ng mas mabuti.
Bago ko tuluyang ipinid ang unang liham na ito, may nais lang akong itanong sa iyo. Dumalaw ka sa aking panaginip ng hindi inaasahan, kung hindi man madalas, may isang beses din ba na sumagi rin ako sa iyong isipan?
At kung sa pambihirang pagkakataon ang sagot mo ay oo, naalala mo rin ako, naglalaro ngayon sa aking isipan...ipinapa-hiwatig kaya ng pagkakataong ito ang posibilidad na baka sakaling magkaroon ng tayo?
BINABASA MO ANG
Pwede Pa Ba?
Short Storyang sampung liham na 'to ay marahil para sa'yo, sana mabasa mo... Short Story: #23 (22.12.17) #25 (30.11.17) #36 (27.10.17) #63 (13.10.17)