✉
Sa makailang balik ko sa daang tinatahak pauwi,
Ngayon ko lang napansin ang halamang tumubo sa gilid ng palitada
Dalawang uri ng kulay ang mayroon-- rosas at puti, namumukod-tangi
Paanong nakaligtaan ang kariktan ng Daisy sa ubod at taglay nitong ganda,
Na sa kabiguan, ngayo’y unti-unti nang nalalanta.
Ihip ng amihan ang dumampi
sa aking mga pisngi
Kaluskos ng mga pulutong ng dahon
sa aking ibabaw
Isang hele na siyang panunuya
sapagkat ako nito ay ginising
Sa katotohanang gaano kadalas hindi nabibigyang pansin ang importante
Nasanay na kasi na laging nandiyaan o ‘di kaya’y sadyang nagbubulag-bulagan
Maswerte kapag sa panahong ito na
ay napuna
‘Hindi pa huli upang ipadama ang halaga.
Ang bulaklak na aking nakita ay kagaya ng iyong pangalan
Nakakahiya mang aminin, subalit kung hindi kita iniibig, ‘di ito mapapansin
Mga talutot ng Daisy na tumubo sa gilid ng palitada ay nalalagas na
Kaya bago mahuli ang lahat para sa akin, itong lihim na damdamin
Ilalahad sa’yo nang patula, makinig ka sana.
Sa tuwing ako ay dumadating sa skwela,
Ikaw agad ang hinahanap ng aking mga mata
At kapag ikaw na ay nakita, ang dibdib ay binabalot ng sigla
Matatamis na ngiti na tila ba’y sumasayaw sa aking mga labi
Kaya ito’y pilit na ikinukubli sa pangambang ang lihim na pagtingin ay iyong mawari.
Hindi ko ibig matandaan kung paano at kailan,
Subalit sa aking naging araw-araw, sa puso’t isip ang laman ay tanging ikaw
Ang tunay na saloobin ay hindi dapat tinatago
Bagkus, ito’y ipinapahayag upang sa huli ang sarili ay sa pagsisisi hindi mapako.
Tanging tangan ay pag-ibig na nadarama, sana’y bigyan mo ito ng tsansa…Naa-alala mo pa ba? Naka-upo tayo ulit noon sa ilalim ng punong Mahogany pagkatapos ng ating klase.
"Ba't nasa sa'yo pa yan? Akala ko ba binigay mo na sa kanya?" Dumungaw ka mula sa kuwadradong-salamin mong suot pamporma pagkatapos mong basahin ang tula.
"Sinulat ko muli at iyon ang ibinigay ko sa kanya. At syempre, dapat nasa akin ang orihinal na kopya, gawa mo ito kaya mahalaga!" Ang naging iyong wika.
"Ria?"
"Hmmm...?" ang paghugong ng nakatikom kong bibig na siyang paraan kong pag-tugon nang binanggit mong marahan ang aking pangalan.
"Ikaw na talaga!"
Isang linggo na rin ang lumipas nang kinukulit mo akong gumawa ng tula para ibigay mo sa iyong nililigawan. Dahil sa buong araw na iyon na hindi mo ako tinatan-tanan, wala akong ibang magawa kung hindi magpamalas ng katha. Mabuti na lang at hindi ito nawalan ng saysay sapagkat matapos ang iyong panunuyo, napasagot mo rin siya ng 'oo'.
"Bes, maraming salamat talaga, ha?" Kahit nakakarindi na, iyon pa rin ang paulit-ulit mong naging tugon.
"Hoy Emilio, sobrang OA mo! Sariling-sikap mo iyon na naging kayo, wala akong kinalaman dun!" Ang pag-saway ko sa'yo nang nakasimangot.
"Alam ko naman eh," ang iyong naging dahilan. "Pero malaki ang naging parte nang ginawa mong tula para magkaroon ng kami."
"Yeah...whatever!" Nagkibit-balikat akong sumagot sa'yo ng walang-bahala.
Ngayon ko lang napag-tanto. Ang tulang iyon kaya ay galing sa sarili kong damdamin; nangungusap sa'yo na sana'y nagkaroon ng tayo?
——
Five more letters to go before its ending ! I've been enjoying writing in tagalog thus far esp writing my first poem in our language. I also learned a lot of new words ^^.
BINABASA MO ANG
Pwede Pa Ba?
Short Storyang sampung liham na 'to ay marahil para sa'yo, sana mabasa mo... Short Story: #23 (22.12.17) #25 (30.11.17) #36 (27.10.17) #63 (13.10.17)