✉
Pilit mang isagunita subalit hindi ko talaga matandaan kung paano nag-umpisa. Pagkalipas ng isang buwan mula nang tumungtong sa huling taon sa mataas na paaralan, nagsimula kitang iwasan na kahit ako'y hindi alam ang dahilan. Siguro nasa antas ako ng buhay nun na sa lahat nawawalan ako ng gana- kahit nga ang mabuhay pa. Tinutulak kong papalayo ang mga tao at pinipilit kong mapag-isa.
Hindi ko alam kung saan hinuhugot ang aking pagdadalamhati subalit sa panahong iyon ramdam kong nag-iisa lang ako sa mundo at tahimik na sumisigaw ng saklolo.
Pinagbuklod na rin tayo ng magka-iba nating klase at siguro'y napagod ka na sa pag-unawa kaya hinayaan mo rin ako sa huli. Kapag mawari na ika'y nasa malapitan agad akong lilisan papalayo at sa mga pagkakataong hindi maiwasang nagkakatagpo, iiwas agad ng tingin at maglalakad na walang kibo. Nasa estado ako ng buhay nun na napakahirap kong unawain at siguro naghahanap lang ako ng isang taong hindi magsasawa sa aki'y umintindi.
Marahil umasa sa'yo na hahabulin mo subalit nagkamali ako. Hindi rin naman kita masisisi, sino ba naman kasi ako sa'yo? Hindi lang sa akin umiikot ang iyong mundo.
Marami kang kaibigan at gawaing-pampaaralan na iyong pinagkaka-abalahan. Hindi ko batid kung anong mga nangyayari sa buhay mo hanggang sa naatasan ang lahat ng nasa ika-apat na antas sa pagsasa-dula ng Noli Me Tangere. Ito'y proyekto nating lahat para sa ikatlong-markahan ng asignaturang Pilipinong Panitikan.
Sa unang araw ng pag-e-ensayo, lahat ng pangunahing tauhan ay tinipon upang pag-aralan ang gagamiting manuskrito. Gaganap ako bilang si Sisa, ikaw si Ibarra at ang iyong bagong kasintahan, na isa rin sa matalik mong kaibigan, ay si Maria Clara. Nabigla ako sa aking nalaman subalit ikinubli ko ito sa likod ng maskarang pang-poker na mukha.
Palihim ko kayong pinagmamasdan habang binabasa at minememorya ko ang aking mga linya. Bakas sa iyong mga mata ang pagtitig na puno ng pagmamahal at ang kanyang kamay ay madalas mong tangan. Naryan rin ang laging panunukso ng mga taong nasa paligid na kilala kayo na halata namang kinikilig kapag ginagawa nila ito. Nakalimutan ko na kung ano ang naramdaman ko nun, ang tanging naa-alala ng aking isipan ay kung ano kayang naging istorya niyo.
Kinabukasan nag-ensayo na naman tayo upang paghandaan ang ating pagtatanghal. Pagkatapos ng klase nagtipon ang lahat sa ilalim ng punong Mahogany na pinagkaka-upuan natin dati. Makalipas ang ilang minuto, nakatawag-pansin sa karamihan ng bigla kang napasigaw.
"Madi!"
Tinawag at sinundan mo si Madison nang galit itong magwalk-out sa'yo. Napag-alaman kong nag-away kayo dahil nagselos ito sa ex mo. Tatlong buwan na pala kayong magkasintahan at mag-iisang taon bilang matalik na magkaibigan. Natapos kaming mag-praktis nun na hindi kayo kasali.
Habang naglalakad ako pauwi, hindi ko makakalimutan ang isang tanong na naglalaro sa aking isipan.
Matalik mo rin naman siyang kaibigan pero bakit pwedeng naging kayo at kailanman ay hindi nagkaroon ng tayo?
BINABASA MO ANG
Pwede Pa Ba?
Короткий рассказang sampung liham na 'to ay marahil para sa'yo, sana mabasa mo... Short Story: #23 (22.12.17) #25 (30.11.17) #36 (27.10.17) #63 (13.10.17)