✉
Pagpasensyahan mo na sana kung hindi kita masinsinang nakamusta. Ano bang pinagkaka-abalahan mo ngayon? Wala man akong balita tungkol sa'yo subalit alam kong nasa matuwid kang daan; iyan ang nais kong paniwalaan.
Kagaya ko, sana unti-unti mo nang naa-abot ang iyong mga pangarap.
Naalala ko pa ang dati nating pananabik sa hinaharap. Walang kaba at pagka-bahala tila ba ang mundo'y isang malaking teatro ng pantasiya kung saan posible ang mahika at sa mangarap ng malaki tayo'y malaya. Labing-apat na taong gulang, sa buong mundo'y ating mga hangarin inilatag ng walang lihim. Mga pangarap at pag-asa na kung saan pinanday natin sa palihan ng ating kabataan.
Nais mong maging doktor—tagasulsi ng mga sugatan at tagaligtas ng mga bahagyang nakabitin sa natitirang hibla ng buhay. Habang ako naman ay tagasulsi ng mga salita upang makahabi ng isang katha na sana'y makapag-bigay kasiyahan sa mundong laganap na ang trahedya.
Iisang layunin na makapag-bigay buhay, dalawang magka-ibang sandata— sayo'y karayom at Siyensya, sa akin nama'y pluma at Literatura. Ngayon na ginugunita, isang pala-isipan tuloy kung siyang pagsusulsi ay may kaya na pagtagpihin ang nawasak na pinagsamahan?
Gayunpaman, kanina isinigaw ni mama ang buo kong pangalan. Alam mo naman diba na lagot ako sa kanya sa tuwing ito'y kanyang ginagawa— katumbas na naman ang pangangaral na napakahaba. Paano ba kasi, nalasing ako kagabi at sa bahay inihatid ako ng isang lalaki.
Binigyan ako ng Welcome Party ng isang pahayagan bilang selebrasyon sa pagiging ganap ko ng manunulat. Nasa wastong edad na naman ako ng dalawampu't-dalawa upang uminom; nagalit sa akin si mama sapagkat nang magising, sa bagong karpet niya ako sumuka. Dumagundong ng isang malaking 'Mariaaa!' ang buong bahay kaninang umaga.
Pagkarining ko nito, hindi ko tuloy mapigilang maitapon pabalik sa landas ng aking memorya— kung saan may ikaw at ako kahit sa maikling minuto.
Nasa ikatlong-taon na tayo sa mataas na paaralan nun at pagkatapos ng klase, naglalaro nang taguan kasama ang ating mga kaibigan. Dahil sa iyong katangkaran, nakasandal ang iyong likuran sa pader at ang aking noo sa iyong dibdib habang ang iyong mga kamay ay nakapatong sa aking mga balikat. Sa hindi inaasahan, nagkasabay tayong magtago sa isang sulok, nagsisiksikan.
Nanatili tayo sa ganoong posisyon ng ilang saglit. Maliban sa kalabog ng iyong dibdib at biglaang pagbilis nang aking pag-hinga, walang ibang tunog ang maririnig mula sa ating dalawa. Siguro, natakot lang tayo nun na gumawa ng katiting na ingay baka tayo makita at maging taya.
"Ria..." Matapos ang ilang minuto, bumulong ka. "May aaminin ako sa'yo."
Ipinihit ko nang pataas ang aking ulo at nagkasalubong ang ating mga tingin. Sinabi ko sa'yo na ang weird ng kinalalagyan natin ngunit ngumiti ka lang at sinabing 'bakit? Mag best-friends naman tayo'.
Inamin mong may bago kang girlfriend at gusto mo siyang ipakilala sa akin. Sinabi mong siya'y maganda at sa pangalan kami'y magkapareha.
Kung sakali bang ako ri'y naging maganda, hindi ka kaya naghanap ng ibang Maria?
——
BINABASA MO ANG
Pwede Pa Ba?
Historia Cortaang sampung liham na 'to ay marahil para sa'yo, sana mabasa mo... Short Story: #23 (22.12.17) #25 (30.11.17) #36 (27.10.17) #63 (13.10.17)