✉
Nais kong mag-pasalamat sa pinag-saluhang samahan noon. Ikaw ang pinaka-unang tao na sa aki'y nag-trato ng matalik na kaibigan at wala akong pinagsisisihan sapagkat higit pa ito sa pagkakaroon ng tayo.
Salamat sa mga pagkakataong sa aki'y ang iyong mga sikreto ipinatago- sa mga panahong pagod ang iyong puso, ako'y pinili upang ito'y isabit para sa pansamantalang pamamahinga. Salamat sa mga mahigpit na yakap, sa mga nigiti at tuwang inukit sa aking mukha. At sa gabi ng Prom na naging bangungot para sa akin, hindi ko makakalimutan ang pagpahid mo ng aking mga luha na kahit sa huli iniwan mo rin ng mag-isa.
Marahil hindi ko malalaman kung minsan ba'y nakita mo ako bilang higit pa sa kaibigan subalit isang kasiguraduhan ang aking pinanghahawakan: nakita at tinanggap mo kung sino ang totoong ako.
Alam kong tinanong kita kung hindi ka naging ganyan ka-gwapo nagkaroon kaya ng tayo? Pasensya na kung medyo naging madaya. Dapat kasi tinanong rin ang sarili. Kung hindi naging ganyan kagwapo, nagkagusto kaya sa'yo?
Syempre naman ang sagot ay 'oo'. Sa'yo ko unang naramdaman, bukod sa aking pamilya, kung paano mapahalagahan. Siguro yung tulang ginawa noon ay naglalaman ng totoong damdamin para sa'yo.
Siyanga pala, huling liham ko na'to. Walang kasiguraduhan kung mababasa mo pero kung sa isa sa milyong tsansa masumpungan ang mga ito, sampu man, may isa akong tinitiyak sa'yo. Hindi ko ito ginawa sa paghahangad na magsilbing dugtong upang magkaroon ng katiting na posibilidad na maging tayo ngayon. Sabi kasi nila dapat may closure, kaya nais kong matuldukan kung anuman ang damdaming hindi pinansin nang nakaraan.
At baka sakaling posible ang maglakbay sa nakaraan may gusto akong ipaabot sa batang ako. Hindi mo kailangang maging maganda kagaya ng iba, sapat na ang maging ikaw sa sariling mong Maria. Huwag mong hayaang lamunin ka ng sariling kahinaan ng loob, sana mapagtanto mo ito ng mas maaga.
Lahat ng iyong pinaniniwalaan ay gawa ng sariling isipan. Sana sa kaligayaha'y pilliin mong tumahan. Huwag mo sanang paniwalaan na may katiting na romanitiko sa kalungkutan. Sana matutunan mong palayain ang isipan na ikinanlong mo sa karimlan. Bata ka pa kaya minsan hindi maiwasang maging tanga. Hindi mo kailangan ang iba, sana gamitin mo ang sarili mong mga mata upang makita ang sariling halaga.
Gawa ka sa sining at ang buhay mo'y isang blangkong kambas. Sa halip na pagkamuhi sa sarili, piliin mo sanang ipinta ang ikaw na obra maestra.
Sa batang ako, nais kong malaman mo na bago madurog ang iyong puso, may isa ka lang pagkakataon na magmahal ng buo pa ito. Kaya ayos lang na walang naging kayo sapagkat nabigyan ka pa ng mataas na panahon upang makita ang karapat-dapat para nito.
BINABASA MO ANG
Pwede Pa Ba?
Proză scurtăang sampung liham na 'to ay marahil para sa'yo, sana mabasa mo... Short Story: #23 (22.12.17) #25 (30.11.17) #36 (27.10.17) #63 (13.10.17)