✉
"Noong unang panahon..." hinayaan kong hatakin ng sarili ko ang aking kanang kamay na magsulat sa kapirasong papel. Ganito lagi ang panimula ng aking katha sapagkat ito ang bumubungad sa mambabasa ng karaniwang kwentong pantasya. Magpapatuloy sana ako subalit wari ba'y niyugyog ako pabalik sa aking kamalayan.
"Ria!"
Pinunit ko ang aking mga mata na kanina pa nakatitig sa ibabaw ng hapag-sulatan. Ipinihit ko ang aking atensyon sa harap at sa hindi inaasahang pagkakataon, ikaw pala ang siyang tumawag ng aking pangalan.
"Pwede ka bang magbigay ng opinyon tungkol kay Eros?"
Naa-alala mo pa ba? Ikatlong-araw ng klase bilang unang taon natin sa paaralang sekundarya. Naatasan kang iulat ang mitolohiyang pang-griyego sa Pandaigdigang Panitikan na ating pangalawang asignatura. Hindi ako nakasagot dahil bukod sa para bang pinagnakawan ng kakayanan kong makapangusap nang mapagtantong nakikilala mo pa ako, hindi rin ako nakikinig sa'yo. Kung tutuusin halos lahat sa klase nababagot na, nag aantay sa pagtunog ng baser upang matapos ang ilang minutong natitira. Sa kabutihang-palad magulo ang paligid kaya walang nakapansin sa akin.
Pinakalma nang may babala ni Ginoong Conrad ang buong silid bago mo ipinag-patuloy ang pag-uulat sa harap. Ginawa ko ang makakaya kong taimtim na makinig subalit sa aking pagkadismaya tinangay ako ng agos ng pagkabagot at lumipad ang isip ko kung saan.
"Ria!" Tinawag mong muli ang aking pangalan.
"Lio, ini-idolo mo ba si Ria? Bakit siya ang laging laman ng iyong bibig?" Namagitan si Sir na siyang tono ay nag-uumapaw sa panunukso.
Hindi ko narinig ang sagot mo sapagkat sabay-sabay nang naghiyawan ang buong klase at ngumiti sa akin ng nakakaloko. Inudyok ako ni Sir na sumagot at dahil kaya kong makipagsabayan sa kalokohan at para na rin matakpan ang hindi ko pagsa-diwa sa ginawang diskusiyon, bahagya akong tumawa saka nagsalita.
"Naku Sir, dahil kay Lio na mental-block tuloy ako!"
Naging malapad ang ngiti ni Sir at kasabay nito ang muling paghiyaw ng ating mga kaklase na di-kalauna'y nasapawan ng biglaang pag-tunog ng baser— hudyat ng labin-limang minutong pamamahinga. Unti-unti tayong nagsilabasan sa silid upang magtungo sa kantina.
Bago pa man ako makahakbang sa unang hagdan, nagulat ako sa iyong pag-akbay ng biglaan. Dahil hindi sanay na pisikal na hinahawakan ng mga kalalakihan, agad kitang naitulak na siya namang paghagip ko sa iyong pambabang uniporme. Layunin ko noon ang mahadlangan ang pagkahulog mo patungo sa ikalawang palapag kaya ang nangyari: sa kaliwa, hawak-hawak ko ang iyong sapatos at sa kanan, hila-hila ko ang iyong slacks pababa. Mabuti na lang makinis ang iyong balat at Calvin Klein ang brief mong suot sapagkat dito nakatumbok ang atensyon ng lahat.
Dahil sa pagkabigla hindi ko namalayan kung ano ang sumunod na nangyari. Nang ako'y matauhan, tayong dalawa ay kaharap na si Prinsipal sa loob ng kanyang opisina. Umiling-iling ako sa hiya at nanginginig sa kaba. Nang ito'y iyong mapansin, hinawakan mo ang aking kamay.
"Bes, huwag kang mag-alala," nakangiti mong sinabi.
Kung sakaling hindi matalik na kaibigan ang naging turan mo, nagkaroon kaya ng tayo?
BINABASA MO ANG
Pwede Pa Ba?
Cerita Pendekang sampung liham na 'to ay marahil para sa'yo, sana mabasa mo... Short Story: #23 (22.12.17) #25 (30.11.17) #36 (27.10.17) #63 (13.10.17)