✉
May tanong ako. Kapag ba tinutukso ng marami ang dalawang tao na sila ay may gusto sa isat-isa, sa huli nagkakatotoo?
Apat na buwan na lang at nasa huling-taon na tayo sa paaralang sekundarya. Binibiro mo noon kaming dalawa ni Jin na bagay kami. At dahil kasing-bilis ng kidlat kumakalat ang tsismis, nalaman ito ng buong klase na siyang hudyat na kami'y pagtuksuhin.
Sa bawat pagkakataong makita, hindi nakakaligtaan na kami'y pagtambalin. Kapag may pagpapangkat na ginagawa, dapat laging magkasama. Sa tuwing makikita na nag-u-usap kaagad naghihiyawan at binibigyang malisya. Noong nasa haiskul tayo, ang hilig-hilig ng lahat gumawa ng "love-team" hanggang sa pati ang mga guro nakiki-uso narin sa panunukso.
Wala lang naman sa akin iyon nang una subalit sa kalauna'y nahuhuli ko ang sarili na napapangiti. Nababalisa kapag siya ay nakikita, umiiwas sa kanyang direksyon upang hindi magkasabay at nahihiyang tumingin ng diretso sa kanyang mga mata.
Aaminin ko, kinilig ako nun kaya siguro napapayag mo ako kahit ipinagkanulo mong magkipag-blind-date sa kanya. Lagi mo akong tinatanong tungkol sa tunay kong nararamdaman subalit hindi ko iyon maamin. Wala kasi sa bokabularyo ko noon ang romantiko. Sa isip ko, kung anuman ang damdaming nakakalito, ito ay parte lang ng pagbabagong-hormonal dulot ng pagdadalaga.
Hapon iyon ng linggo nang hila-hila mo akong dinala sa Cuisine. Pumunta tayo sa mesa kung saan nag-a-antay si Jin subalit sa hindi inaasahan, hindi siya nag-i-isa.
May kasama siyang iba, ang ex-girlfriend mong si Maria Teresa. Hindi mo pinagbalingan ng atensyon ang dati mong kasintahan ng dalawang buwan, sa halip itinuon mo ito sa magiging ka-date ko sana.
"Akala ko ba may katagpuan kang iba?" Ang sabi mo sa seryoso mong tono. Sinagot ka ni Jin na nagkita sila ng ex mo at dahil wala siyang ibang kasama, napagkasunduan nilang kumain ng sabay. Nagdahilan siyang tinext ka niya kanina na ipa-kansela na lang ang blind-date muna.
"Lio, huwag mong sabihing si Ria ang sinet-up mo sa akin?"
Inakbayan mo akong bigla at sinabing, "hindi pa nasisira ang ulo ko para iset-up ang best-friend ko sa baliw na katulad mo! Kakain kami dahil nangako ako sa kanya na mangli-libre."
Nang may panunuya, winika mong nakakapuri ang kanyang pagkalalaki sa pagpapa-asa ng isang babae. Hinila mo ako palabas sa restawran at nang nakalayo na tayo, niyakap mo ako at humingi ka ng pasensya.
Sinabi mong mabuti na lang nandun ka dahil hindi mo mapapatawad ang sarili mo kapag pinagmukha mo akong tanga. Nginitian lang kita at tiniyak na ayos lang ako. Kung anuman ang naramdaman para sa kanya ay hindi naman seryoso.
Para makabawi, buong mag-hapon nilibre mo ako sa Arcade at iginala mo sa perya. Sinabi mong kapag iseset-up mo ako muli, sisiguraduhin mong sa lalaking totoo.
Bakit kaya laging ipinagpipilitang pagtambalin sa iba? Mahirap ba talaga noon para sa'yo na makita ang sarili mo na magkaroon ng tayo?
BINABASA MO ANG
Pwede Pa Ba?
Short Storyang sampung liham na 'to ay marahil para sa'yo, sana mabasa mo... Short Story: #23 (22.12.17) #25 (30.11.17) #36 (27.10.17) #63 (13.10.17)