Pangako

189 1 4
                                    

PANGAKO


"TUMAKAS ka na, Linda! Iligtas mo na ang iyong sarili at ng magiging supling natin. Dalian mo!" Tagaktak ang malapot na pawis sa noo ni Selo- kabiyak ni Linda- habang pilit na pinipigilan ang pagbukas ng pintuan ng kanilang barung-barong.

"Ngunit... paano ka? Hindi kita maaaring iwanan dito." Nangingilid ang mga luha ni Linda. Takot na takot. Hindi niya maatim na sundin ang pinag-uutos ng kabiyak. Na iwanan ito upang siya ay makatakas sa kamay ng mga taong gusto silang dakpin. Hindi. Hindi niya kaya. Mas gugustuhin pa niyang pareho silang madakip kaysa iligtas ang sarili.

"Tumakas ka na!" Bahagyang tumaas ang tono ng boses ni Selo, kasabay noon ay ang pagbabago ng kulay ng mga mata nito. Ang dating kulay itim ay unti-unting naging kulay pula na tila tinapunan ng sariwang dugo. Maging ang maamong anyo nito ay napalitan ng mabagsik na wangis. "Susunod ako. Pangako."

Mabilis na lumandas ang mga sariwang luha ni Linda sa magkabila niyang pisngi. Iiling-iling. Pakiramdam niya ay isa siyang paslit na nasukol. Labag man sa kaniyang loob ay kailangan niyang sundin ang kabiyak. Para sa ikakabuti ng lahat. "Hihintayin kita, Selo..."

Walang lingon-lingon niyang tinungo ang likod na bahagi ng kanilang barung-barong at maingat na tinawid ang ilog na siyang naghihiwalay sa kanilang tirahan at ng lihim na lagusan patungong tuktok ng bundok. Nang makapasok sa naturang lagusan ay dali-dali niya iyong hinarangan ng mga tuyong dahon ng buko na nagkalat sa bukana ng kuweba.

"Ako ang harapin ninyo!" Dinig ni Linda ang bawat sigaw ng kaniyang kabiyak at ng mga taong gustong dumampot sa kanila.

"Isa kang halimaw!"

"Salot!"

"Hulihin siya. Patayin!"

Nagtatalo man ang puso't isipan ay wala na siyang sinayang pa na sandali at agad na tinahak ang daan patungong labasan. Makalipas ang halos isang oras na lakad-takbo ay humahangos na narating niya ang pinakatuktok na bahagi ng bundok. At mula roon, nasaksihan niya kung paano unti-unting tinutupok ng nagngangalit na apoy ang pook kung saan sila payapang namumuhay ng kaniyang kabiyak na si Selo.

Nanlulumo. Luhaan. Walang ibang nagawa si Linda kundi ang tumangis at isigaw ang kaniyang labis na kabiguan. Kasabay noon, ang pagbuhos ng ulan.

"NANANG, tumatangis na naman kayo?" Maliliit na daliri ang dumampi sa balingkinitang katawan ni Linda. "Naaalala ninyo na naman ho ba si Tatang?"

Marahang pumihit si Linda habang unti-unting tinutuyo ang luha sa magkabilang mata. Mababakas sa kaniyang mukha ang labis na kalungkutan na marahil ay dala ng pangungulila sa kabiyak. Ang dating itim na buhok ay tila tinina na ng panahon. Bahagyang kumulubot na rin ang kanyang balat na dulot ng hirap ng buhay. Sampung taon. Sampung na rin ang nakalilipas simula nang maganap ang trahedya na sumira sa tahimik nilang pamumuhay. Ngunit kahit mahabang panahon na ang nagdaan, umaasa pa rin siya na isang araw ay tutuparin ng kaniyang kabiyak ang pangako nito- na susunod ito anuman ang mangyari.

"Nanang, bakit ho gano'n? Bakit tila yata hindi ako pangkaraniwan tulad ng ibang paslit? Mas mabilis, maliksi at mas malakas ako kumpara sa kanila. Bakit gano'n, Nanang?"

"Dahil hindi ka nila katulad. Dahil espesyal ka," matipid na sagot ni Linda sa anak na si Leo. Nakaupo ito sa sahig habang pinagmamasdan siya sa paghahabi ng damit.

Kunot noong tinitigan ng batang si Leo ang ina. "Paanong espesyal, Nanang?"

Bahagya siyang ngumiti. "Sa ngayon ay hindi mo pa masyadong mauunawaan ang lahat. Pagdating ng tamang panahon, kapag nasa tamang edad ka na, sigurado akong ikaw mismo ang makakadiskubre ng ibig ko na iparating. Sa ngayon, bilang Nanang mo, gusto ko na maranasan mong mamuhay ng normal. Katulad ng mga batang ka-edad mo."

VOLUME 3: LIKE A SUPERNATURAL WOMANWhere stories live. Discover now