CHAPTER ELEVEN
TINANGGAL ni Celine ang suot na salamin sa mga mata. Isinandal niya ang likod sa sofa bago pinagkrus ang mga bisig sa tapat ng dibdib. Tinitigan niya ang mga impormasyong nakasulat sa monitor ng kanyang laptop. Sinisimulan na niyang imbestigahan kung ano ang sakit ni Daniel. Ayon sa research niya, posibleng appendicitis, cholecystitis, o kaya ay pancreatitis. Ang mga iyon kasi ang kinatutunguhan ng mga senyales na nakita niya sa binata, lalo na ang sobrang pananakit ng abdomen. Ganoon pa man, alam niya na malayo iyon sa katotohanan. Kung appendicitis lang iyon, sasabihin agad iyon ni Daniel o ni Lino. Agad na paooperahan iyon ni Daniel. Pero nakita niyang ini-endure ng binata ang sakit na para bang hindi lang iyon minsan nadama.
Could it be cancer? Colon cancer? Ah, kung bakit kasi hindi siya nakakuha ng pagkakataon para kumuha ng sample ng gamot na ininom ni Daniel. Malaking tulong sana iyon sa research niya. Kung sana ay malalaman din niya kung saang ospital may record ang binata. Iyon ang pinakamabisang paraan na puwede niyang kuhanan ng lahat ng kailangan niyang impormasyon.
Isinara na ni Celine ang laptop. Kinuha niya ang cell phone at sinulyapan. Hindi pa nagpaparamdam si Daniel. Lilipas na ang beinte-kuwatro oras na hindi ito tumatawag sa kanya at nakakadama siya ng frustration. Ah, bakit ba ito ang hihintayin niyang tumawag?
Idinayal niya ang numero ng binata. Ring lang nang ring. "Baka busy..." usal niya. Tatawagan naman siguro siya ni Daniel kapag nakitang may missed call ito. Naghintay siya ng tawag ng binata subalit lumipas ang mga oras ay wala siyang natanggap. She tried calling him again. And again. Sa pangatlong pagsubok ay saka may sumagot. "Daniel...?"
"Yes?"
Ano nga ba ang dapat niyang sabihin? As far as she could remember, wala silang commitment ni Daniel sa isa't isa. Wala itong obligasyon na tawagan siya parati o ano. They were just enjoying each other's company.
"Celine, may sasabihin ka ba?"
Bigla siyang nailang. Ang boses at emosyong nakasaad sa tinig ni Daniel, animo isa lang siyang pangkaraniwang kakilala. Wala siyang mahimigang affection o kahit kaunting pagpapahalaga. He sounded so bland. Lumunok siya. "Ahm, itatanong ko lang sana kung libre ka bukas?"
"Bakit?"
"Nagyayaya kasi si Luka na mag-outing. I mean, opening ng resort ng kapatid niya, so iniimbitahan niya tayo na sumama. It will be fun, Daniel. Marami daw sea activities like sailing, speed boating, diving. Name it, they have it. I'm looking forward to those activities, actually, lalo na ang mamangka. May yate sina Luka. Sabi niya ay magdi-deep surfing daw tayo."
Matagal na hindi sumagot si Daniel. Ang akala ni Celine ay naputol ang tawag pero nang i-check niya ang cell phone, aktibo pa rin ang tawag. Nasa personalidad naman ni Daniel na tahimik, pero bakit gusto niyang mailang nang mga sandaling iyon? "Daniel..?"
"Ano pa ang mga gusto mong gawin, Celine? You seem to be an athletic person."
"Oh, you bet. I am actually an outdoor person. Hindi lang halata dahil natural na maputi ako, pero kapag may libre akong oras ay palagi akong nakababad sa ilalim ng araw. Kapag off ko, ginugugol ko iyon sa labas. Madalas akong sumali sa mga fun run. We go hiking, trekking..."
"I see..." sabi nito.
"So, uhm, ano, libre ka ba bukas? Sama ka na, Daniel..." Pinalambing niya ang tinig. Gustong-gusto niyang maranasan na maglakad sa dalampasigan habang magkahawak-kamay sila ng binata. Gusto niyang mamangka sila, magsabuyan ng tubig, maghabulan sa dagat. "Gusto kitang ipakilala sa mga kaibigan ko."
BINABASA MO ANG
POD: Sunshine And You (COMPLETED!)
RomancePinilit si Celine na dumalo sa isang masquerade ball--- ang Party of Destiny. Ayon sa host na si Lolo Kupido, doon makikilala ni Celine ang lalaking babago sa buhay niya. True enough, nakilala niya sa pagtitipon si Daniel Cavelli. He was every inch...