Walang nakahuma ni-isa man lang sa kanila. Si Pam, na tila nagising ay agad na nanlisik ang mga mata kay Michael.
"Si Amaris?"
Salit-salitan ang tingin nang naguguluhang si Michael sa nakakunot-noo na si Kiko, at kay Pam na nakakuyom na ang palad.
"Hi-hindi ko rin alam, pero..." nanginginig na lumingon si Michael sa loob ng kuwarto.
Bumilis ang tibok ng puso ni Pam sa sobrang kaba, kaya kagyat niyang hinawi si Michael sa bukana ng pinto. At gayon na lamang ang panlalaki ng kaniyang mga mata sabay tutop sa kaniyang bibig sa sobrang kabiglaan.
Si Amaris, tuwid na tuwid na nakahiga sa kama, hubo't hubad, at puno ng dugo ang mukha at paligid ng ulo.
Agad na nilapitan ni Pam ang kaibigan at pinulsuhan sa kanang pulso, wala. Itinapat niya ang pinagdikit na hintuturo at panggitnang daliri sa ilalim ng bandang kanang leeg nito, idiniin, wala pa rin siyang maramdamang pulso.
Patay na si Amaris!
Hindi kinaya ni Pam kaya napasigaw siya habang pilit na ginigising at tinatawag ang pangalan ng kaibigan. Subalit, nanatili mang nakamulat ang mga mata nito, wala nang indikasyong humihinga pa ito.
Agad na hinila ni Kiko ang braso nang nakatulalang si Michael palabas ng pinto, hinaklit iyon palapit sa kaniya.
"Putcha naman p're! Anong ginawa mo? 'Langya naman, sabi mo titirahin mo lang, bakit mo pinatay?!" Madidiin ang bawat salita ni Kiko bagamat mahina lang ang kaniyang pagkakasambit. Tumatalsik pa ang ilang laway niya dahil sa puwersa ng kaniyang pagsasalita.
"Gago ka ba?! Hindi ko pinatay! 'Di ko kayang pumatay lalo na kung si Amaris."
Masusing tinitigan ni Kiko ang kaibigan na lumaban din ng titigan. Pagkatapos na makumpirmang marahil nga ay nagsasabi ito ng totoo, pabuntong-hiningang binitiwan niya ito at nalilitong tumingin sa loob. Patuloy na pumapalahaw ng iyak si Pam at inuuga-uga pa si Amaris, sa pagbabakasaling magising ito.
"Bakit patay na?"
Bago pa man makasagot si Michael sa tanong ni Kiko, isang pasuray-suray na Troy ang nagsalita.
"Kainis naman! Bakit n'yo naman iniwan ang dyosa sa labas? Ano bang ganap dito?" Tuloy-tuloy siyang pumasok sa loob at napakapit sa hamba ng pinto nang tumambad sa kaniya ang umiiyak na si Pam habang yakap-yakap ang duguang si Amaris.
"Oh, God! Anyare?!" Nawala ang kalasingan ni Troy at natatarantang nilapitan si Pam. "Sis, anyare kay Amaris?"
Tila nagising naman si Pam sa paghawak ni Troy sa kaniyang kaliwang balikat. Agad na binitawan ang katawan ni Amaris at galit na nilingon ang dalawang lalaki na nanatili sa labas ng pinto.
"Hayup ka! Ikaw ang pumatay kay Amaris!" At galit na susugurin sana ni Pam si Michael, pero agad siyang nahawakan ni Troy at pilit na pinakalma.
Nataranta naman si Michael at Kiko. Kahit na sound proof iyon, halos nagwawala na si Pam at sobrang naririndi na sila sa pagmumura nito at pagsigaw ng walang humpay.
Agad na pumasok ang dalawa at pabiglang isinara ang pinto at in-lock. Hindi na nila naawat si Troy nang pabiglang sinampal nito si Pam.
"Letse ka! Bakit mo ko sinampal?!" pasigaw na saad ni Pam at binalak na sabunutan ang may hanggang balikat na buhok ng bakla.
"Ang ingay mo kasing gaga ka! Basag na 'yung eardrum naming tatlo sa kakasirena mo!" At bahagya siyang umurong dahil maabot na nito ang buhok niyang tanging maganda sa kaniya.
"Buwiset! Lalo ka na, Michael! Hayop ka! Isusuplong kita sa pulis, pakukulong kita! Mabubulok ka sa kulungan!" At mabilis siyang nakalapit sa kinaroroonan ng binatilyo at walang humpay na pinagbabayo niya ang dibdib nito.
BINABASA MO ANG
I'm Sorry: Amaris's Death
Horror"I'm sorry... " Patatawarin kita, kung sasama ka sa impyerno!
