AD 8

1.8K 94 27
                                        

"Paulit-ulit na lang ba ito? Hindi ako susuko! At hindi ako makakapayag na idamay n'yo ako. Sige, tutal kayo naman ang may suggestion niyan, kayo na ang magbuhat sa bangkay ni Amaris." At umatras ito para senyasan sila gamit ang baril. Pinapalapit sila nito sa kotse, partikular na sa likod ng sasakyan. Nanatili sila sa kani-kanilang puwesto, nagkakatinginan at muling ibabalik kay Michael ang paningin.

Kung tutuusin, kayang-kaya nilang labanan si Michael kahit pa may baril ito. Tatlo sila, laban sa isa. Subalit, masiyadong maimpluwensiya ang pamilya ni Michael. Malalaking kumpanya ang hinahawakan ng ama nitong business man gayundin ang ina at kapatid. Hinahasa na rin ito kahit pa nasa grade 10 pa lang ang binatilyo. Marami ring maimpluwensiyang tao ang kakilala ng mga ito. At ayaw nilang madamay ang pamilya nila kung sakali. Masiyado pa silang bata para sa mga ganito at dahil narito na, kailangan na lang talagang idispatsa ang katawan ni Amaris para matahimik na silang lahat.

Nauna nang tumalikod si Kiko habang nakakuyom ang mga kamao. Agad niyang tinungo ang driver's seat at pinindot ang unlock sa gilid niyon. Sina Pam at Troy naman ay pilit na pinapalakad ni Michael patungong trunk ng kotse. Mahigpit pa ring hawak ni Troy ang braso ni Pam habang pilit na pilit ang maliliit nilang hakbang. Halos parang ayaw na nilang maglakad pa.

Sinenyasan ni Michael si Troy na buksan na ang trunk nang makitang palapit na si Kiko sa gawi nila. Hindi naman kumilos si Troy at nanatiling nakakapit sa braso ni Pam kaya sa inis ni Michael, dinunggol niya ng dulo ng baril ang balikat ni Troy. Napipilitang hinawakan ng binabae ang handle ng trunk at nahihintakutang iniangat. Dinalawang kamay na niya iyon dahil medyo nabibigatan na ang may kapayatan niyang mga braso.

Inilawan naman ni Kiko ang loob ng trunk. Tumambad sa kanila ang mga plastic garbage bag. Walang nais na gumalaw man lang o humawak sa mga ito. Nakatingin lang sila at nakatulala sa loob niyon.

"O, ano pang tinutunganga n'yo? Kilos na!" At isang putok sa ere ang ginawa ni Michael na siyang nakapagpaigtad kay Pam at Kiko, samantalang sigaw naman kay Troy.

Napapalunok si Pam, bago kinuha ang isang plastic bag. Tinulungan siya ng dalawa at ibinaba nang maingat sa lapag. Doble-doble man ang plastic bag, madali pa rin iyong mapunit or mabutas. Sunod ang dadalhin naman ni Troy at ang panghuli ay ang kay Kiko.

Pare-parehong may kabigatan ang mga iyon kaya sandali nilang inilapag muna bago iniangat para buhatin. Nasusuka na si Pam at Troy pero hindi sila hinayaan ni Michael na hindi ipagpatuloy ang pagbubuhat.

Pumasok sila sa loob ng kagubatan. Masukal ang daan at tanging nag-iisang liwanag ng flashlight ang gabay nila na hawak ni Kiko na siyang nasa unahan.

"A-alam n'yo ba kung... saan tayo?" hinihingal na saad ni Troy. Halos sampung minuto na ata silang naglalakad at ilang beses na rin silang muntik-muntikang madapa, pero hindi pa rin sila tumitigil. Nahihirapan sila sa bitbit dahil iniiwasan nilang mabutas o matamaan man lang ng mga sanga ang plastic.

"Diretso lang. Masiyado pa itong malapit sa kalye. Lakad lang." Bagama't ibinaba na ni Michael ang baril, pinatalas niya ang pakiramdam lalo pa at tatlo itong mga kasama niya laban sa kaniya. Nasa likuran siya ng mga ito.

Labing-limang minuto at ngalay na si Pam kaya inis niyang ibinagsak ang plastic garbage. Tumama iyon sa mga bato, pero wala siyang pakialam. Muntik pang mabangga si Michael na siyang nasa likuran niya at kasalukuyang tumitingin-tingin sa paligid kahit pa wala siyang makita gawa ng karimlan.

"Ano ba?!" nagtitimping-saad ni Michael sa nag-inat-inat na si Pam. Galit namang napalingon si Pam at pinagpatuloy lang ang ginagawa. Ikiniling-kiling niya rin ang ulo at hinawakan ang gilid ng leeg. "Bilisan mo nga! Nahuhuli na tayo!"

Sabay pa silang napatingin sa unahan at medyo malayo na nga ang agwat nila sa mga kasama.

"Bilis na! Buhatin mo na 'yan!" At dinunggol-dunggol pa ni Michael ang balikat ni Pam ng baril. Huminga ng malalim si Pam at mabilis na yumuko. Mahigpit na hinawakan ang plastic garbage at inihanda na para buhatin. Sobrang nangalay talaga ang kamay niya kaya inunat-unat niya mga iyon. "Pucha! Ang dilim na pa naman dito!" Halos hindi na niya natatanaw sina Kiko at Troy.

Kinuha ni Pam ang pagkakataong iyon para kumuha ng isang tipak ng may kalakihang bato at walang sabi-sabing pinukpok iyon sa ulo ng nagulat na si Michael. Sa noo iyon tumama kaya naman nasapo iyon ng huli at naghihiyaw sa sakit. Tinangka pa muling hampasin ni Pam si Michael pero naiwasan na iyon ng huli.

Gigil na itinapat niya ang dulo ng baril dito at pinapatukan si Pam.

***

Napahinto sina Kiko at Troy nang makarinig ng putok. Agad silang napalingon sa likuran at inilawan pa ni Kiko ang daan na kanilang binagtas kanina. Pati ang magkabilaan ay kaniyang inilawan, subalit walang Pam at Michael silang nakita. Nagkatinginan pa sila ni Troy bago mabilis na binitawan ang mga hawak na garbage bag at patakbong tinungo ang daan pabalik.

Putok ng baril ang kanilang narinig. At may dalang baril si Michael.

"Juskolord! Huwag naman sanang binaril ni... Michael si Pam!" saad ni Troy habang tumatakbo. Nasa unahan niya si Kiko at halos magkandarapa na sila at walang pakialam kahit pa matusok-tusok sila sa mga halaman na nasa kanilang daraanan.

Hindi naman nagsalita si Kiko at nagpatuloy lang sa pagtakbo. Hinihingal na napahinto siya nang matapatan ng flashlight si Michael na nakatayo habang nakatiim ang bagang na nakatutok ang baril kay Pam na nakaupo sa lapag habang sapo ang balikat na tinamaan ng bala ng baril.

 Hinihingal na napahinto siya nang matapatan ng flashlight si Michael na nakatayo habang nakatiim ang bagang na nakatutok ang baril kay Pam na nakaupo sa lapag habang sapo ang balikat na tinamaan ng bala ng baril

Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.

I'm sorry:
Amaris's Death
2017
Jhavril

I'm Sorry: Amaris's DeathTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon