AD 5

2K 97 67
                                    

Hinampas ni Kiko ang balikat ni Troy bago inginuso ang bangkay ni Amaris. "Sige na, buhatin mo na."

Umismid naman si Troy bago tinaasan ng kilay ang binatilyo. "Duh?! Nevah! Ikaw na lang kung gusto mo." At binalak pa nitong humalukipkip, pero napa-aray siya nang haklitin ni Kiko ang buhok niya.

"Talaga? E, kung kalbuhin kita? Isasama ko pa 'yang kilay mo." At iwinagayway pa ni Kiko ang ulo ni Troy na napapaigik na sa sakit. Hawak din ng bakla ang kamay ni Kiko na nakasabunot sa kaniya.

"Isa ka pa! Magkaibigan nga kayo ni Michael! Bitawan mo nga siya." At pilit na tinatanggal ni Pam ang kamay ni Kiko sa umiiyak na si Troy. Inis namang binitawan iyon ng binatilyo na halos ikasubsob na ng binabae sa dibdib ni Pam.

"Buwisit! Buhatin na ninyo at kapag dumating pa si Michael, malilintikan tayo roon." Nanatiling magkayakap ang dalawa at hindi tumitinag. "Nakakainis! Sige na, diyan kayo sa uluhan, dito ako sa paa." Pumuwesto na si Kiko sa paanan ni Amaris at umakmang hahawakan na iyon nang hindi man lang tumitinag ang dalawa at mas lalo pang hinigpitan ang pagkakayakap sa isa't isa. "BIlis! Ano ba?!"

Marahang naghiwalay ang dalawa at nagkatinginan; umiling-iling si Troy na parang sinasabing hindi niya kaya ang gagawin samantalang tumango-tango naman si Pam.

"Anak naman ng tinapa, ano!?" Hinawakan na nang mahigpit ni Kiko ang bandang paa ni Amaris na nababalutan ng puting kumot, dalawang kamay na sinakop ang bukong-bukong nito at dito kukuha ng puwersa para buhatin ang dalagita.

Nakatiim ang bagang na pumuwesto si Pam sa uluhan ni Amaris at yumuko. Kahit nakatakip ito ay amoy niya ang malansang dugo na nagmumula sa kaibigan. Bumakat na rin ang kulay pula niyon sa bandang mukha ni Amaris, sakop na rin ang bandang leeg at balikat nito. Nasa gilid naman niya si Troy na takot na takot kaya hindi malaman ang gagawin; kung tutulong o titingin na lang.

Hinawakan ni Pam ang likurang ulo ni Amaris at inahanda na para sa pagbubuhat. Sinenyasan naman ni Kiko si Troy na sa bandang bewang ni Amaris ito pumuwesto. Matigas na iling sabay yakap sa sarili ang itinugon ng huli. Sinamaan lang siya ng tingin ni Kiko na may pagbabanta ay agad na lumapit si Troy sa bangkay, pumuwesto sa gitna at yumuko. Iniyakap ang kanang braso sa bandang tiyan ni Amaris at ang isa ay nakaalalay sa ilalim, bagamat medyo malayo ang katawan niya rito. Bakas din sa mukha niya ang disgusto sa ginagawa.

"I'll count one to three, tapos iaangat natin, okay?" hindi tumugon ang dalawa pero hindi na iyon binigyan pansin ni Kiko at pagkabilang niya ng hanggang tatlo ay sabay-sabay nilang binuhat ang walang buhay na katawan ni Amaris. Nakalungayngay ang dalawang kamay nito sa magkabilaan. Hindi na pinagkaabalahang sakupin iyon ni Troy, masiyado na siyang nangangalay.

May kapayatan ang katawan nito kaya hindi naman ito ganoon kabigat lalo pa at tatlo sila. Nauna si Pam patungong banyo, nasa kaliwang bahagi iyon ng kuwarto. Muntik pa siyang madapa dahil bahagyang itinitulak ni Kiko ang katawan ni Amaris. Inis na tiningnan ito ni Pam at inayos ang pagkakahawak niya sa ilalim ng ulo ng dalagita at sa bandang batok nito. Pabiglang nahila niya ang kumot kaya nawala sa puwesto ang nakatakip sa mukha nito. Medyo napaigtad si Pam dahil pakiramdam niya, sa kaniya nakatingin ang mga mata nito habang bukang-buka ang bibig. Itinulak na muli ni Kiko ang katawan ni Amaris kasabay ng pagsambit ng bilis, kaya hindi na inayos ni Pam ang kumot at dumiretso na papasok ng banyo.

May kalakihan ang loob niyon at sa isang bathtub na naroon nila balak na ilagak ang bangkay nito. Nangangalay na si Troy sa kaniyang puwesto kaya sinabihan niya si Pam na pakibilisan ang kilos. Ipinuwesto na nila sa tapat ng puting-puting baththub ang katawan nito at nagsabing muli si Kiko na sa pagbilang ng tatlo ay saka nila ibaba iyon ng marahan.

Nasa dalawang bilang palang si Kiko nang may maramdaman si Troy na may humawak sa kaliwang braso niya; mahigpit. Kaya pabiglang nabitawan niya ang katawan ni Amaris, sabay sigaw. Nagulat din ang dalawa kaya nabitawan na rin nila ang kanilang mga hawak.

Lumagpak nang nakatigilid si Amaris sa bathtub. Rinig pa nila ang malakas na pagbagsak ng katawan nito.

"Punyeta ka, Troy! Ano na naman bang kabaklaan 'yan at binitawan mo?" Inis na sinulyapan nito ang katawan ni Amaris bago naniningkit ang matang tumingin sa umiiyak na si Troy. Hawak nito ang kaliwang braso habang nanginginig.

"Hi-hinawakan niya ako. Hi-hinawakan ako ni Amaris..." pamaya't maya ang sulyap nito sa braso at sa katawan ni Amaris habang humihikbi.

"Ano?" Napalapit si Pam kay Troy at tsinek ang braso nito, pero wala naman siyang makita na ano mang bakas na nagsasabi ito ng totoo.

"Naramdaman ko... dito!" At nanginginig na itinaas nito ang kaliwang braso.

"Gago ka ba! Patay na 'yan paanong makakahawak? Baka dumampi lang 'yung kamay niya sa braso mo kaya akala mo hinawakan ka!" Pigil na pigil ni Kiko ang inis.

"Pero, paano nga kung buhay pa siya?" At mabilis na nilapitan ni Pam ang bangkay ni Amaris kahit pa narinig niya si Kiko na nagsabing kalokohan, tsinek mo 'di ba kanina? Patay na.

Nanatili itong nakatagilid at hindi gumagalaw o humihinga man lang. Yumuko si Pam para pulsuhan muli sana ang kaibigan nang mapaigtad dahil may nagsalita sa may bandang pinto. Napalingon silang tatlo roon at nanlaki ang mga mata sa hawak ni Michael.

"Ano, okay na ba ito?" Itinaas nito ang dalawang butcher knife at ilang garbage bag.

Napailing sila nang mapagtanto kung ano ang gustong mangyari ng binatilyo sa katawan ng kanilang kaibigan.

***

Tahimik na pinahid ni Pam ang luha sa pisngi habang nakasandal ang kaliwang gilid ng ulo sa salaming bintana ng kotse. Katabi niya si Kiko na tahimik lang ding nakasandal at hindi man lang hawak ang cellphone na kadalasang ginagawa nito. Samantalang, pumuwesto naman si Troy sa tabi ni Michael na nasa driver's seat. Ang pinagpira-pirasong katawan ni Amaris ay nasa trunk ng sasakyan. Tatlong garbage bag ang nagamit nila na pilit isiniksik ni Kiko at Michael sa likurang bahagi ng sasakyan.

"Walang dapat makaalam nito. Hindi alam ng mommy ni Amaris kung sino ang kasama niya kaya hindi tayo pagdududahan. Mag-deny kung kinakailangan. Alam kong ayaw ninyong makulong o mabahiran ng ano man ang apelyido ng pamilya ninyo." At isa-isang tiningnan pa ni Michael ang tatlo. "Pam, alam mo na siguro ang sasabihin sa tita mo?"

Ni hindi tumingin si Pam kay Michael. Pinahid niya lang ang luhang ayaw tumigil sa kaniyang mga pisngi.

"Alam ko naman na hindi mo kami ipapahamak, dahil madadamay ka." Nakangising in-start na ni Michael ang sasakyan at paharurot na umalis sa lugar na iyon.

Madali nang nakuha ni Michael ang butcher sa kusina ng walang nagtangkang magtanong sa kaniya dahil kilala siyang kapatid ng may-ari. May daanan ang VIP room patungong car park. Inutusan ni Michael ang guard na may kunwaring nakalimutan sa loob. Nang makaalis ito ay saka nila inilabas ang mga garbage bag. Ang CCTV ay ginawan na rin ng paraan ni Kiko. Magaling ito sa mga may kinalaman sa gadget kaya ligtas na sila.

At iyon ang akala nila.

At iyon ang akala nila

Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.

*pcto*

I'm Sorry:
Amaris's Death
2017
Jhavril

I'm Sorry: Amaris's DeathTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon