"Ano!? Tumayo ka na at dalhin mo na 'yan!" saad pa ni Michael. Binalak pa nitong sipain si Pam subalit agad na inawat ito ni Kiko.
"Dude! Tigilan mo na 'yan, ano ba?" At sinubukan pang lumapit ni Kiko subalit sa kaniya naman itinutok ni Michael ang baril.
"Tigilan?! Tingnan nga ninyo ang ginawa ng babaeng iyan sa akin?" at pinunasan ng likuran ng kaliwang kamay ang dugong nasa noo. Tumulo na rin iyon sa pagitan ng kaniyang mga mata. "Habang nasa matino pa akong pag-iisip, sundin n'yo na lang ako!" Nanlisik ang mga mata ni Michael ng mapansin na walang hawak na mga plastik garbage ang dalawa. "Nasaan ang mga plastik?! Mga gago ba kayo? Basta na lang ninyong iniwan kung saan?"
Nagkatinginan sina Kiko at Troy, tumikhim ang huli bago alanganing nagsalita. "Ahm, ano... may... may nakita kaming balon. Tama, balon nga. Luma na 'yung balon. Doon namin itinapon." Bumuga pa ng mahinang hangin si Troy bago pasimpleng hinawakan sa braso si Kiko na nakuha naman ang nais na ipahiwatig ng katabi.
"O-oo nga. Medyo malayo naman at mukhang wala ng gumagamit nun." Pinatatag ni boses ni Kiko para mas kapani-paniwala ang kanilang sinasabi.
"Ganun ba?" saad ni Michael. Sinulyapan niya si Pam na nanatiling nakaupo sa mabatong daan. Bakas sa mukha nito ang sakit na dulot ng pagkakabaril sa kaniya. Pinipigilan niya rin ito gamit ang kanang palad.
Dali-dali namang pumilas si Kiko sa dulo ng kaniyang T-shirt at nilapitan si Pam. Agad niyang itinali ang kapirasong tela sa sugat nito. Napapakagat sa ibabang labi si Pam pero tiniis niya at galit pa ring nakatingin kay Michael na nanatiling nakatutok ang baril sa kanila.
"Sige, tumayo na kayo. Ikaw," tinanguan ni Michael si Kiko. "Buhatin mo ang plastik at pupuntahan natin ang sinasabi ninyong balon." At nakangisi nitong sabi habang nagkakatinginan sina Kiko at Troy. Paika-ika namang naglakad si Pam palapit kay Troy na agad na niyakap siya.
"Ano kasi... Medyo hindi na namin alam ang papunta roon. Masiyadong madilim at masukal ang daan. Narinig namin ang putok, sinundan namin ang tunog kaya nakarating kami rito." Matatag pa ring saad ni Kiko. Nakikipagtitigan pa siya kay Michael. "Maaari namang iwan na natin dito," inilibot ni Kiko ang flashlight sa paligid at may natapatan siyang malaking puno. Nilapitan niya ito at isang malaking butas ang nakita niyang nasa ibabang bahagi niyon. Napatango siya at sinenyasan ang mga ito gamit ang ilaw ng flashlight. "Dito, dali!"
"Mukhang kasya nga riyan ang plastik. Takpan na lang natin ng mga tuyong dahon. Sige, kunin mo na." Balewalang-saad ni Michael kay Kiko habang sinisipat niya ang butas sa may puno. May kalaliman iyon at mangangamoy na iyon bago pa may makakita. Mahigpit namang magkayakap sina Troy at Pam. Hindi man nila nais na gawin iyon kay Amaris, wala silang choice kung hindi sundin na lang ang sasabihin ni Michael.
Tiim-bagang na sumunod na lang si Kiko, upang matapos na lang at makauwi na silang lahat. Matapos na matapatan ng liwanag ng flashlight, dadamputin na sana ni Kiko ang plastik ng bigla iyong gumalaw. Nagulat at bahagyang napaatras si Kiko. Saglit na nakatutok lang ang ilaw ng flashlight dito at napapalunok, pero hindi na muling gumalaw iyon. Baka guni-guni lang niya iyon. Sa sobrang pagod ng katawan at isip.
"Hoy! Bakit ang tagal mo riyan?" Hindi nilingon ni Kiko ang sumigaw na si Michael. Tinitigan niya lang ang plastik at ng ikalawang beses na pasigaw na tawag ni Michael, walang pag-aatubiling hinawakan na niya ang garbage bag at iniangat. Napaatras pa siya nang biglang may tumulo sa kaniyang hawak. Dala marahil ng mga natusok na matutulis na bato, nabutas iyon at nangamoy malansa. Ang dugo ni Amaris.
Mabilis na lang niyang dinala iyon sa kinaroroonan ng tatlo. Iminuwestra ni Michael na si Troy ang tumulong kay Kiko na magpasok ng plastik sa loob ng uka ng puno. Subalit, umiling-iling ito at niyakap si Pam na nagsisimula ng humikbi kasabay nang pagtawag sa pangalan ni Amaris.
Inis namang isinuksok ni Michael ang baril sa bulsa at dalawa sila ni Kiko na nagpasok sa may kabigatang plastik na kinalalagyan ng katawan ng dalagita. Medyo hindi kasya kahit anong pilit nila. Tagaktak na ang pawis nila sa mukha pati na rin likuran subalit parang ayaw makapasok ang naturang itim na garbage bag.
Urat na tumayo si Michael at pinatabi si Kiko. Tikom ang bibig at halos maglabasan na ang ugat niya sa leeg sa matinding sipang kaniyang ginawa para tuluyang makapasok ang buwisit na plastik na iyon.
Lalong lumakas ang iyak ng dalawa nang makita ang ginagawa ni Michael. Inaawat na rin siya ni Kiko dahil tiyak na durug-durog ang kalamnan ng kawawang si Amaris. Subalit, mas lalo pang sinipa nang sinipa ni Michael iyon hanggang sa tuluyang pumasok sa loob. Natalsikan pa sila ng ilang dugo mula roon. Hinihingal na sinabihan niya si Kiko na takpan na ng tuyong dahon ang butas.
Tulala silang apat habang naglalakad pabalik. Walang nais magsalita isa man sa kanila. Pasinghot-singhot na lang sina Pam at Troy habang blangko ang reaksiyon ng mukha nina Kiko at Michael na pamaya-maya ang punas sa mga dugong tumalsik sa kanilang mukha at braso.
Nang makarating sa kalye, walang pagmamadaling tinungo nila ang kotse. Tahimik pa rin ang apat nang makapasok sa loob.
"Alam na ninyo ang mangyayari, oras na may makaalam nito." At matapos ang nagbabantang tingin sa tatlo, sinubukan ni Michael kung mag-iistart na ba ang sasakyan. Tatlong pagsubok pa at napangiti siya nang malawak nang umistart iyon. Nagkatinginan pa sila ni Kiko bago walang sabi-sabing pinaharurot ang sasakyan paalis sa lugar na iyon.
***
Sabay-sabay na napaigtad ang apat nang makarinig ng kalabog sa likurang bahagi ng sasakyan. Agad na naapakan ni Michael ang preno kaya muntikan na rin ang kanilang pagkakasubsob sa unahan. Malalakas ang tibok ng kanilang puso habang nagsasalitan sila ng tingin sa isa't isa. Walang nais na magsalita. Tanging tunog ng makina ang maririnig sa tahimik at madilim na paligid.
At isa muling pagkalabog ang kanilang narinig kasabay pa ng mahinang pag-uga ng kotse. Napasigaw tuloy si Pam at Kiko dahil sigurado na sila sa narinig; galing sa trunk ng sasakyan.
"Hindi ko na ito kaya!" at mabilis na lumabas si Pam ng sasakyan. Sumisigaw namang tinawag siya ni Troy pero nagpasya na rin itong bumaba ng sasakyan at sundan ang kaibigan.
"Ano? Bababa ka rin? Sige, maiwan kayong lahat dito." Baling ni Michael kay Kiko bago balewalang sumandal habang hawak ang kambiyo ng sasakyan. Ipinapaalam niya kay Kiko na oras na bumaba ito, paandarin na niya ang kotse.
Tiim ang bagang na binuksan ni Kiko ang sasakyan bago umibis. Malakas niya pang isinara ang pinto. Napamura naman ng malakas si Michael.
"Bahala kayo." Saad niya sa sarili bago marahang pinaandar ang sasakyan. Subalit, sunod-sunod na kalabog ang narinig sa likurang bahagi ng sasakyan. Malalakas at parang may taong nais kumawala roon.
Hindi na nakapagpigil si Michael at pinindot ang open button ng trunk. Agad din siyang bumaba habang binubunot sa bulsa ang maliit na baril. Nanatili naman sa kabilang kalsada ang tatlo habang tinitingnan ang ginagawa ni Michael.
Lumapit siya sa trunk at tumigil naman iyon sa pag-iingay. Pabiglang binuksan niya iyon gamit ang kaliwang kamay habang nakaumang ang baril.
At nanlaki ang mata ni Michael sa tumambad sa kaniya!
*pcto*
I'm sorry:
Amaris's Death
2017
Jhavril
BINABASA MO ANG
I'm Sorry: Amaris's Death
Horror"I'm sorry... " Patatawarin kita, kung sasama ka sa impyerno!