Chapter 7: Layunin sa Buhay

649 64 5
                                    

Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.


Mabituin ang kalangitan ng gabi, partikular ang north star na siyang pinakamaningning sa lahat. Buo ang maliwanag na buwan na sumasalamin sa malawak na karagatan. Banayad ang palo ng alon sa dalampasigan at gumagawa ng nakaheheleng tunog. Sa buhanginan kung saan naroroong nakaupo sina Kenji at Manolo, ay kaharap nila ang ginawang bonfire. Putok ng apoy ng sinisigang kahoy at ang maliliit na mga piraso nito'y lumulutang sa hangin na tila mga gamu-gamo. Dalawang tangkay na may tuhog na isda ang naluluto sa apoy at ito'y tangan ng dalawang mga sundalo. Amoy nila ang masarap na aroma.

"Is my fish cooked, Joe?" tanong ni Manolo.

"Yes."

Kinapa ni Manolo sa kanyang tabi ang bao ng buko na kanyang plato at doon inilagay ang isda matapos tanggalin sa pagkakatuhog. Mainit pa ang nalutong isda kung kaya't pakurot-kurot lamang muna ang pagkain nila, at lubos silang nasiyahan sa sarap ng kinakain. Maya-maya'y may inilagay si Kenji sa bao ni Manolo.

"Here," alok ni Kenji.

"Ano 'to? What is this?"

"Bird eggs."

Ang nilagay ni Kenji ay maliliit na itlog ng pugo na kanyang niluto sa loob ng kanyang canteen na nilagyan niya ng tubig at pinakuluan sa apoy.

"I found them inside the island," sabi ni Kenji.

Binalatan nila ang maliliit na itlog ng pugo at kinain. Katambal ang isda, masarap ang kanilang hapunan at tamang-tama dahil sa may okasyon.

"Merry Christmas, Joe," bati ni Manolo.

"Merry Christmas, Manolo," balik ni Kenji.

Bagama't isang Buddhist si Kenji ay pamilyar siya sa konsepto ng Pasko mula sa napapanood niya sa mga pelikulang dayuhan. At hindi lamang roon, nakita na niyang may mga nagdiriwang din ng Pasko sa kanyang bansa bagama't napakaliit ng porsiyento ng mga Hapon ay mga Kristiyano. At ito'y tradisyon din ng pagsasalo-salu at pagbibigay ng mga regalo bagama't nang sumiklab ang digmaan ay tila ipinagbawal na ito. Gayunpaman, sa munti nilang isla, ay malaya nilang ipinagdiwang ang okasyon, at sa mga sarili'y naisip nila'ng kanilang mga pamilya na hindi nila kapiling, at ito'y nagdulot ng kalungkutan.

Kinaumagahan ay maganda ang gising nila. Kumikislap sa tama ng araw ang mga metal nilang canteen na naiwan nila sa may tupok ng bonfire, katabi ng mga bao na pinagkainan nila. Ikatlong araw pa lamang nila sa isla, nguni't pakiramdam nila'y napakahaba na ng nagdaan. At mabilis din ang paglago ng kanilang mga bigote't balbas, partikular kay Manolo. Kinapa ng Pilipino ang kanyang mukha, at bagama't hindi niya nakikita'y nailalarawan na niyang kanyang hitsura. Nguni't hindi iyon ang inaalala niya kundi ang kati na idinudulot ng makapal niyang mga buhok sa mukha.

Sa di-kalayuan ay nakaluhod si Kenji sa buhangin, katapat ang nakalatag niyang unipormeng pangitaas kung saan niya nililinis ang kanyang pistol. Nakakalas ang mga parte nito na kanyang hinihipan ng dumi at nililinis gamit ang maliit na piraso ng tela. Napalingon siya kay Manolo at nakitang nagkakamot ito ng balbas.

"You want me to shave you?" ani ng Hapon.

Hindi agad alam ni Manolo kung u-oo ba o h-hindi. Nang mabuo na uli ni Kenji ang kalas na pistol ay inilapag niya ito sa tabi, dinampot ang kanyang samurai at tumayo at nagtungo kay Manolo.

"Come, I will shave you," aniya.

Pinaupo ng tuwid ni Kenji si Manolo sa malaking sangang upuan na nakatumba sa buhangin. Inayos niyang bahagya ang bandanang nakatakip sa mga mata ng Pilipino at nag-reflect ang mukha nito sa bakal niyang samurai. Nilagyan niya ng tubig ang isang bao ng buko at kanyang binasa ang balbas ni Manolo at sinimulan ang pagahit gamit ang samurai.

"Okay, do not move," utos niya sa kasama. "The blade is very sharp."

Nang marinig iyo'y agad na tumuwid ng upo si Manolo, at kanyang naramdaman ang bigat ng talim habang dumapi ito sa kanyang balbas. Pababa sa kanyang pisngi at dinig niya ang malutong na kaskas ng buhok na natatabas. Maingat ang mga kamay naman ni Kenji at kita na sanay siya sa pagahit, na tila maraming beses na rin niyang ginawa ito sa ibang tao, malamang sa kapuwa niya mga sundalo. Matapos sa pisngi ay sinunod niya ang ilalim ng ilong ni Manolo pagkatapos ay sa may leeg. Nang matapos ay hinugasan niya ng tubig ang mukha ni Manolo at ngayo'y makikitang malinis na ang mukha nito. Kinapa ni Manolo ang kanyang mukha at siya'y naginhawaan.

"Thank you...salamat," ngiti ni Manolo. "Now, it's my turn."

Nagulat si Kenji. "Your turn?"

"It's my turn to shave you," nakangiting biro ni Manolo.

"Oh, no, no," wagayway ng kamay ni Kenji. Wala siyang balak ahitan ng isang hindi nakakakita. "I will shave myself."

Nagtawanan sila. At nagtungo si Kenji sa may puno at ipinatong ang metal canteen sa sanga para gawing salaminan at sinimulang ahitan ang kanyang sarili. Si Manolo nama'y naupo at sumandal sa katawan ng punong niyog. Doo'y masarap ang simoy ng hanging umaga.

"I can't wait for my eyes to heal," sabi ni Manolo habang kinakapa ang bandana na nakatakip sa kanyang mga mata.

Napatingin si Kenji habang nagaahit.

"So I can see the island," dugtong ni Manolo, at siya'y ngumiti at hinayag. "And also, so I can see you, my friend!"

Natigilan sa pag-aahit si Kenji. Magkahalong takot at lungkot ang kanyang naramdaman—na kung dumating nga ang araw na gumaling na ang mga mata ni Manolo at kailanganing tanggalin na ang bandana na nakatali sa kanyang ulo, ay ano na lamang ang magiging reaksyon nito kapag nakita niyang ang kasama niya sa isla, na ang kaibigan niyang si Joe ay isa palang Hapon.

"Y-yes," ang nasabi na lamang ng Hapon.

#

Dinig ang agos ng tubig sa gripo.

Sa banyo ng hotel room, kakatapos pa lamang maligo ni Manolo at siya ngayo'y nakatapat sa salamin at hawak ang bakal na pang-ahit na may blade sa loob. Nasa kalagitnaan siya ng pag-aahit nang maalala ang panahon na inahitan siya ni Kenji. Tanda pa niya na tila kahapon lamang ito nangyari.

Patuloy ang agos ng tubig sa gripo at pinatay lamang ito ni Manolo nang mawala siya sa pagkakatulala. Sa salamin, nakatitig siya sa matanda niyang mukha at naisip kung naka-ilang beses na siyang nag-ahit ng kanyang mukha. Ilang beses na itong tumubo pabalik, at ilang beses pa niyang aahitin ito. Naisip niya kung ganoon din kaya si Kenji sa mahabang panahon na mag-isa ito sa isla. Kung napanatili niyang matalas ang samurai.

Tinapos ni Manolo ang pagaahit ng puti niyang balbas, nagpunas ng tuwalya sa mukha at lumabas ng banyo.

Nagbihis siya nang kaswal—plain colored na polo at slacks. Nilagyan niya ng Three Flowers na pomada ang buhok at sinuklay ito nang maayos, hinawi ang buhok na tumatakip sa kanyang tenga. Pagkatapos ay naglagay din ng cologne sa kanyang leeg at dibdib.

May kumatok sa pinto. Binuksan niya ito at nakitang nasa labas ang isang private.

"Sir, aalis na daw in 10 minutes," sabi ng sundalo.

"Sige, lalabas na ako."

Tumango ang sundalo at alistong lumakad paalis.

Naupo si Manolo sa kama at nagsuot ng medyas at ng balat niyang sapatos. Pagkatapos ay naupo pa sandali at pinagmasdan ang hotel room niya. Saglit lang siya rito pero pakiramdam niya'y mami-miss niya ito. Ilang beses pa lamang siyang nakaranas na manuluyan sa isang hotel at naisip niya na sana'y may ilang araw pa siyang maglagi rito bago sila pumunta ng Lubang at sa isla. Na-miss lang niya ang kapayapaan ng pagiging mag-isa. Sa malaking parte ng kanyang buhay ay hawak niya ang kanyang oras, pero sa pagkakataong ito ay kontrolado siya ng mga pangyayari. At sa kalooban-looban niya'y naramdaman niya, na hinahanap-hanap din niya pala ito. Na sa tagal ng panahon ay nagkaroon muli ng purpose ang kanyang buhay.

NEXT CHAPTER: "Simula Ng Biyahe"

Ang Huling PagsukoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon