Chapter 24: Asan Ka, Nishina?

546 57 4
                                    

Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.


"Pero, bakit kaya siya lumipat sa loob?" tanong ni Paula.

Naglalakad ang grupo sa gubat ng isla. Dito, malalago ang halaman, matataas ang puno at makapal ang damuhan sa kanilang mga paa. Sa kapal, hindi mo dinig ang kanilang mga yapak, mas maingay pa ang kaluskos na ginagawa ng hangin sa mga dahon.

"Dumami na kasi ang mga turista dahil sa mga bagong tayong beach resorts," sabi ni Lt. Laxamana. "Siguro may mga napagawi dito at natakot si Nishina."

Matataas ang mga puno, dinig ang huni ng mga ibon.

"Doon sa Puerto Galera madaming nag-i-scuba," sabi ni Robert, ang kanyang Betacam nakapatong sa balikat at bumaling kay Paula na nasa likuran niya. "Minsan golets tayo roon. Pasyal kita, say mo?"

Nagtaas ng kilay ang dalaga.

"Neknek mo."

Lumingon si Hepe na siyang nauuna sa kanila.

"O, huwag kayong maingay. Malapit na tayo."

Maya-maya'y tumigil si Hepe at sumenyas ng kanyang kamay. Nagsihintuan ang lahat. Marahang humakbang si Hepe at hinawi ang makapal na halamanan na humaharang sa daanan nila, at tumumbad sa kanila ang kubo sa gitna ng gubat—ang kubo ni Kenji.

"Hayun," turo ni Hepe sa mahinang boses.

Nagsisilipan sila at naglakihan ang mga mata sa nakita. Naisip ni Manolo kung ano kayang naging buhay ni Kenji dito, mag-isa, malayo sa liwanag ng dagat, nagtatago sa dilim, at nakaramdam siya ng lungkot para sa kaibigan.

Tinuro ni Lt. Laxamana ang sigaan na puno ng abo, patunay na may nakatira nga dito. Hindi pa sila umaalis sa kanilang kublihan sa mga halaman, nangangamba na kung susugod sila'y baka matakot si Kenji. Mabuti na ring nag-iingat, proceed with caution, ang instruction ni Lt. Laxamana noong nasa beach sila.

Sumenyas si Hepe sa Translator.

"Tawagin mo," sabi niya, at ibinigay ang kanyang megaphone.

"NISHINA-SAN!" sabi ng Translator sa megaphone at umalingawngaw kanyang boses sa katahimikan ng gubat.

Walang sagot.

"NISHINA-SAN" ulit pa niya.

At nag-antay sila at nakiramdam. Nguni't, muli, walang sumagot.

"Isa pa. 'Yung mas may feeling," sabi ni Hepe.

Napaigtad bahagya ang Translator bago tumango, hindi sigurado kung siryoso nga ba ang pulis. Bumuwelo siya at sumigaw muli, mas malakas at mas ma-drama.

"NISHINA-SAAAN!!! NISHINA-SAAAN!!!"

Nguni't, hindi sila nakakuha ng kasagutan. Nag-antay pa sila, pero, wala talagang bakas ni Kenji. Ni hinga, wala.

"Tingin mo?" baling ni Hepe kay Lt. Laxamana.

"Let's move in. Dahan-dahan," sabi ng tinyente.

At kanilang sinenyasan ang dalawa nilang tauhan na nagsipagtanguan at humigpit hawak sa kanilang mga armalite. Binunot na rin ng hepe't tinyente kanilang mga sidearms.

Ang Huling PagsukoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon