Dinapuan na ng antok ang mga sakay ng malaking bangka. Tila bumagal ang oras para sa kanila, lalo't kung ang tanging nakikita lamang ay puro dagat. Si Beth na suot ang kanyang Walkman ay napapapikit, si Translator ay tuluyan nang nakatulog kahit na maingay ang makina, ganoon din ang ibang sundalo at mga pulis. Si Robert na katabi ni Paula ay mukhang may-LQ.
Si Manolo ay nakasandal at malayo pa rin ang nilalakbay ng isipan, marahil hinahanda ang sarili, magkahalong kaba at pagkasabik. Si Mayor na katabi niya ay nagsisindi ng tabako. Si Lt. Laxamana ay gising at nakatingin lamang sa dagat. Si Hepe na malapit sa harapan ng bangka ay nakatuon ang atensyon sa kanilang pinatutunguhan. Maya-maya'y bigla siyang humudyat sa kanila.
"Tinyente! Mayor!"
Kahit na maingay ang makina ng bangka ay umibabaw ang malakas na boses ng punong pulis na kanya pang nagawang magising ang mga tulog. Nasa boses din kasi ng hepe ang tawag ng kahalagahan. Isang sense of urgency. Na tila batid na ng lahat ang dahilan sa pagtawag ng mga pangalang iyon.
Tinuturo ni Hepe ang direksyon sa harapan ng bangka.
"Malapit na tayo!"
Nagsipagsigla ang mga tao. Hindi lamang dahil masakit na'ng kanilang mga puwitan sa ilang oras na pagkakaupo sa kahoy at may pagkakataon na nilang maipahinga ito kundi'y naroon na'ng kasabikan na makita at makatuntong sa isla na naging alamat na sa kanilang mga isipan.
Tinapik ni Mayor si Manolo at tumayo.
"Halika."
Sinundan ni Manolo ang alkalde tungo sa harapan ng bangka para doon matanaw nila ang isla. Sa kanilang likuran, nagsunuran ang iba. Hinanda ni Robert ang betacam, ready nang kunan ang isla sa sandaling matanaw nila ito. Napuno sila ng kasabikan, walang nagsasalita.
Maya-maya'y, unti-unting lumitaw ang isla. Palaki nang palaki. Isang berdeng bagay sa malawak na karagatang asul. Nagliwanag ang mga mukha nila na sinundan ng daloy ng mga ngiti. Sa wakas, kanilang sambit sa isipan. Si Manolo na katabi si Mayor sa pinakaharap ay litrato ng kasiyahan. Isa itong sandali na tatlumpung-pitong taong inantay na maganap. Ngayon, kita na nila ang kabuuan ng isla sa liwanag ng araw.
Pinatay ng piloto ng bangka ang makina at kinuha ng ilang bangkero ang mahahaba nilang kawayang itinutukod sa lupa ng dagat upang maiwasan ang mga corals. Sa gayun din mapabagal ang usad ng bangka na tinutulak na lamang ng alon. Gumawa ng malakas na tilamsik ng tubig ang angkla na dire-diretso sa ilalim ng dagat at sakto na hininto ang bangka ilang talampakan na lamang sa pampang. Ibinaba ang mga kahoy na hagdan at nagbabaan ang mga sakay. Dumaong na rin ang mas maliit na escort na bangkang lulan ay mga pulis Lubang.
Malalakas ang mga alon sa isla, mahahaba na bumabakat sa dalampasigan. Walang makikitang mga bakas ng mga yapak dahil bihira itong daungan ng mga bangka. Kada taon, mailan-ilan lamang ang tumutuntong dito.
Unang nakababa sa kanila maliban sa mga bangkero ay si Manolo pagka't siyang pinakamalapit, siya at si Mayor ay maingat na inalalayan at sila'y nag-alis ng mga sapatos at yapak na tumuntong sa isla. Malamig sa talampakan ang buhangin at lumubog kanilang mga paa hanggang sa sakong pagka't malambot ito. Hindi ito inasahan ni Robert kaya't nainis siya nang malubog kanyang Grosby rubber shoes at siya'y napamura.
"Ikaw naman kasi," baling sa kanya ni Beth. "Ayaw mong masira porma mo."
Kanya-kanya naman ng talon ang makikisig na mga sundalo't pulis. Wala silang problema pagka't silay mga naka-bota, na bagama't mataas ang araw ay malakas naman ang hangin na tagusan sa kanilang mga uniporme. Nang lahat ng mga kawal ay makababa'y nagsipila sila para inspeksyunin ng Tinyente, gayun din ang Hepe sa kanyang mga tauhan. Pakiramdam nila'y sila'y nasa giyera at lumanding para sakupin ang isla, at agawin itong muli sa kamay ng mga kalaban.
At si Manolo?
Hindi maipaliwanag ang kanyang nararamdaman sa iisang kataga. Saya, sabik at daloy ng nostalgia. Sa tagal ng panahon ay hindi pa niya nakakalimutan ang hitsura ng kanyang isla. Mula sa pakurba nitong dalampasigan, ang cove, sa mga puno ng niyog at tabas ng mga halaman, mabilis na nanumbalik ang kanyang mga ala-ala na para bang ito'y kahapon lamang.
"Anong nararamdaman mo ngayon, kaibigan?" tanong ng Mayor sa kanya habang tumabi ito para pagmasdan ang kapaligiran.
Napangiti lamang si Manolo, sapat na ang ningning sa kanyang mga mata para ipahiwatig sa alkalde ang kanyang nararamdaman. Pinagmasdan pa niya ang beach. Halos hindi ito nagbago. Hindi niya ito kailanman nalimutan, sa ala-ala, maging sa panaginip, ang isla ay kasing pamilyar ng kanyang palad.
Inaya ni Mayor si Manolo kung saan naroon sina Lt. Laxamana, Hepe at ang Translator, habang nagsisipagunat sina Paula, Robert at Beth sa lilim ng mataas na puno, at ang mga sundalo'y nagsipaghanda ng kanilang mga armas.
"Maliit na grupo na lang ang susundo kay Nishina. Baka matakot siya kapag nakakita ng marami," sabi ni Lt. Laxamana. "Okay na ang isang sundalo at isang pulis."
Sumang-ayon ang lahat.
"Maiwan na ako, at sumasakit na ang aking likod, mapapabagal ko lang kayo," sabi ni Mayor at bumaling kay Manolo. "Importante na nandun ka. Ikaw ang gusto niyang makita."
Tumango si Manolo.
"Paano ang media?" tanong ni Hepe.
"Si Paula at yung cameraman. Maiwan na si Beth," ani ng tinyente.
Nagsitanguan sila. Agree ang lahat.
Nanalagi pa sila sa dalampasigan ng kalahting oras para makapaghanda at maalis ang liyo pa sa mahaba nilang biyahe. Boatlag tawag ni Mayor. Hinanap ni Manolo ang dating lugar ng silong at kanya itong natukoy at doon inaya si Mayor na maupo at kanilang pinagmasdan ang isla. Sa isang dako, kumukuha na ng footage si Robert kasama nina Paula at Beth.
Masarap ang simoy ng hangin na muntik nang dapuan ng antok ang ilan, at nagulantang sa malakas na boses ni Lt. Laxamana.
"Alright, men, let's go!"
Nagsipaghanda ang lahat. Nagtayuan ang mga nakaupo.
"Good luck!" hudyat ni Mayor sa lahat ng papasok sa gubat. "Makasaysayan ang araw na ito. Bring Nishina back!"
Sa sinabing ito ng alkalde, nakaramdam ang lahat ng matinding sense of responsibility, at pride na parte sila ng kasaysayan. Kay Manolo, may partikular na mensahe si Mayor.
"Nasasaiyo ang success ng operation na ito, kaibigan," sabi niya. "Alam kong magtatagumpay ka. Good luck."
Napangiti si Manolo at sila'y nagkamay.
"Salamat."
Si Manolo, Lt. Laxamana, Hepe, Translator, Paula, Robert, isang sundalo at isang pulis—ito ang grupo na susundo kay Nishina.
NEXT CHAPTER: "Asan ka, Nishina?"
BINABASA MO ANG
Ang Huling Pagsuko
Historical FictionDalawang sundalo, isang Pilipino at isang Hapon noong World War II ang na-stranded sa isang isla at kinailangang magtulungan para mabuhay. Fast-forward to 1984, at ang Japanese na holdout ay nadiskubreng buhay pa at susuko lamang sa kaibigan niyang...