Chapter 2: Private Manolo Banlat

1K 73 8
                                    

Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.


Makapal na usok at alikabok ang iniiwan ng military jeep sa malubak na daan. Maneho ito ng isang sundalong mukhang kaka-gradweyt pa lamang sa kanyang training. Sa kanyang tabi'y kasama niya ang isang opisyal habang sa likuran ng jeep ay dalawa pang mga sundalo na armado ng armalite, mga nagsisipagtakipan ng mga mata upang hindi mapuhing, at ilong at bibig upang hindi malanghap ang polusyon.

Quezon Province. September 14.

Maganda ang tanawin ng kanilang kinaroroonan. Abot-tanaw ang malawak na mga palayan kung saan bilad sa araw ang mga magsasakang nagtatanim. Mga kubo sa pagitan ng malalagong mga puno kung saan ang kanila namang mga asawa'y hawak ang mga bilaong may bigas habang naglalaro ang mga bata sa paligid. Matapos magtahip ay tatawagin nila ang mga munti para piliin ang mga bato't ipa habang sila nama'y magwawalis ng bakuran. May mga kalabaw na naliligo sa lawa. May kambing na kumakain ng tuyong damo. Ang larawan ng mapayapa at malayang buhay ay tila ginuhit ni Amorsolo. Nguni't ito'y may mabigat na presyong kapalit.

Pagka't ang lugar ay hindi nalalayo sa digmaan. Sa may bundok ng Banahaw at ang malaking bahagi ng Bondoc Peninsula sa timog ng lalawigan ng Quezon ay sentro ng digmaan sa pagitan ng gobyerno at mga rebeldeng NPA. Naririyan ang nagbabantang panganib na parang natutulog na bulkan. May mga mga araw na magigising sa tunog ng elesi ng helicopter. May mga gabing ihehele ng tunog ng putukan sa malayo.

Para kay Lieutenant Laxamana ang opisyal na lulan ng jeep, ang presyo'y matagal na niyang binabayaran, at sa awa ng Diyos, siya'y buhay pa. Dalawang taon na siyang naka-istasyon sa lalawigan, at may ilan ng karanasan sa direktang pakikipaglaban, dahilan din kung kaya't mabilis siyang naangat sa kanyang katungkulan. Nguni't kung siya ang papipiliin ay hindi na niya nanaisin pang magtagal doon ng isang segundo, kung kaya't nang siya'y naatasan sa isang misyon na bagama't hindi karaniwan, ay agad niya iyong kinuha.

Utos ng Central Command ay kanyang hanapin ang isang retiradong sundalo mula noong ikalawang digmaan. Isang nagngangalang Manolo Banlat.

"Sir, 'di kaya lampas na tayo?" tanong ng nagmamanehong sundalo.

Tinignan ni Laxamana ang hawak niyang mapa. Lukot-lukot na ito sa matagal na ring pagseserbisyo, at kanyang itinupi upang hindi tangayin ng hangin. Pagkatapos ay tumingin siya sa kanyang side mirror. Dalawang kilometro pabalik ay may nadaanan silang malaking puno ng mangga sa kanto, isa sa umano'y palatandaan ng kanilang hinahanap na barangay. Ang hindi nila inaasahan ay marami pala ang ganoong kahalintulad na mga puno. Tumingin ang tinyente sa kanyang likuran at nakita ang mga pagod na mukha ng dalawa nilang mga kasamang sundalo.

"Itabi mo doon sa may tindahan," turo ni Laxamana sa kanilang harapan.

"Yes, sir," tango ng drayber at nag-minor para igilid ang sasakyan sa isang sari-sari store.

"Okay, take five!" hudyat ni Laxamana.

Masayang nagbabaan ang mga sundalo mula sa jeep. Halos dalawang oras na rin silang bumibiyahe at nangangailangan ng pahinga. Isa sa mga sundalo'y ihing-ihi na pala at nagmamadaling nagparaos sa gilid ng puno ng saging. Habang nagsipagbilihan sila ng softdrinks para palamigin ang tuyo nilang mga lalamunan ay nilatag nilang mapa sa taas ng hood ng jeep. Dapat lamang na madaling matukoy kung nasaan sila dahil iilan lamang naman ang kalye sa probinsya, pero mainam na ring magtanong. Nguni't ito'y sinuklian din ng tanong ng ginang na nagmamay-ari ng tindahan.

Ang Huling PagsukoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon