Chapter 21: Ang Paghihiwalay

528 56 3
                                    

Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.


Nang humupa ang bagyo ay bumulaga ang nakasisilaw na araw, at ang galit na karagatan ay nanahimik na para bang nakamit na nito ang masamang nais. Ang bagyo ay bigla na lamang lumisan na parang estranghero at sa dagat, iniwan nitong lumulutang ang mga piraso ng kawayan at mga dahon na dating layag ng balsa—balsa na nangalahati na sa lupit ng parusa. At sa iilang natirang mga kawayan na magkakasama pa, ay naroong nakasampa si Manolo. Nagawa niyang makaligtas sa tiyak na kamatayan sa pagkapit sa lubid.

Buhay nguni't tila walang malay. Nang maramdaman na lamang ng Pilipino ang init ng araw sa kanyang balat ay saka pa lamang siya nagkaroon ng ulirat. At nang siya'y mamulat ay nakitang lumipas na nga ang bagyo at namayapa na muli ang alon. Nguni't ang kapayapaan ay napalitan ng paghihinagpis. At si Manolo'y sumigaw.

"Kenji! KENJI!!!"

Ilang ulit niyang tinawag ang kaibigang Hapon, nguni't nabingi lamang siya sa kanyang sariling boses. Walang ibang tinig sa karagatan kundi sa kanya. Unti-unting tumulo ang kanyang luha hanggang sa siya'y humagulhol.

Si Kenji. Wala na ang kanyang kaibigan. Namaos siya't yumuko sa dagat at sa gitna ng kanyang mga hikbi, ay ibinulong ang pangalan ng kanyang kaibigan, at sa bawak hikbi ay tila nabibiyak ang kanyang puso. Sa tubig, aninag niyang kanyang repleksyon. Sa mukha niya ang matinding hinagpis. Hindi niya matanggap na bagama't ang bagyo'y kalaban nilang mortal, ang dagat nama'y itinuring nilang isang kaibigan. At bagama't dagat rin ang prumeso sa kanila sa isla, ang yaman nito ang siya ring bumuhay sa kanila.

Hindi niya matanggap na sa kaluanan, ay dagat rin ang kikitil sa buhay ni Kenji.

Maya-maya'y ang repleksyon ng kanyang mukha sa tubig ay bigla na lamang nahaluan ng kulay pula. Doon, nakita niyang lumulutang ang bandana ni Kenji. Ang bandana na may imprenta ng Japanese Rising Sun. Agad na inabot iyon ni Manolo at nilatag sa kanyang mga kamay. Ito—ito na lamang ang natitirang ala-ala niya ni Kenji. Humigpit ang kapit niya sa bandana at muling naluha sa paggunita. Ang huli niyang ala-ala sa kaibigan ay ito'y nakakapit sa balsa tulad niya, sila na kapuwa bahid ang takot sa mukha. Nagkatinginan pa sila sa huling pagkakataon at nang bumagsak ang higanteng alon ay hindi na niya muli itong nakita.

Nakaramdam ng panibagong bugso ng pagod si Manolo at siya'y napahiga habang ang hangin ay banayad na tinutulak ang balsa tungo sa Silangan. At bago mahimlay, ang huling nasa isipan ay ang kaibigan at kung paano sila tinalo ng kalikasan.

Nguni't hindi buong naging matagumpay ang bagyo. Ang tanging nagawa lamang nito'y paghiwalayin sila.

Sa isla, may mabibigat na yapak ng mga paa ang nagbalik, paakyat sa aplaya mula sa dagat.

Lumagpak ang samurai sa buhangin. Kasunod ang lifevest.

Napaluhod si Kenji at dulot ng matinding pagod ay bumagsak ang katawan sa buhangin.

Isang oras ang lumipas bago nagawa niyang bumangon, at nang tumayo'y namalas niya ang magandang panahon na iniwan ng bagyo. Mataas ang sinag ng araw. Nasa mukha niya ang pasasalamat na siya'y buhay at ang unang pumasok sa kanyang isipan ay si Manolo. Anong nangyari kay Manolo? Gunita pa rin niya ang malupit na bagyo na pinagdaanan.

Naalala ni Kenji ang mga sandali—siya na nakakapit sa balsa at nakitang ganoon din si Manolo. Nang bumagsak sa kanila ang higanteng alon at naramdaman ang bigat nito, ay saglit siyang nawalan ng malay. Nang siya'y matauhan ay nakita niyang sarili na lumulutang sa gitna ng karagatan at niyuyuga ng mga alon. Salamat sa lifevest na pinilit ni Manolo na kanyang suotin, ay hindi siya nalunod. Nguni't, Nasaan si Manolo? ani niya sa sarili. Natatabunan siya ng malalaking mga alon at hindi niya alam kung saan siya lalangoy. Hindi niya matanaw ang balsa. Hindi lang iyon, siya'y tila binubulag pa ng ulan, kaya't panay ang hawi niya sa mata.

Sa wakas ay nakita niya ang balsa, mga limampung talampakan ang layo mula sa kanyang kinalulutangan. Lumangoy si Kenji tungo roon nguni't tuwing gagawin ito'y inaanod lamang siya pabalik. Kahit anong langoy niya'y tila lalo pa siyang lumalayo. Naaninag niya si Manolo na sumisigaw at palingon-lingon, bagama't hindi dinig ang Pilipino ay alam niyang pangalan niya ang tinatawag.

"Manolo!" sigaw pabalik ni Kenji.

Ilang ulit pa siyang sumigaw sa pag-asang marinig siya ng Pilipino, nguni't nalulunod lamang ang mga salita niya sa dagundong ng bagyo. Pinilit pa ni Kenji na lumangoy papunta sa balsa nguni't tinataboy siya pabalik ng mga alon na tila nananadya na sila'y paghiwalayin ni Manolo, hanggang sa siya'y napagod na nang husto at nawalan na ng lakas. Nakaramdam siya ng matinding panganib. Wari niya'y siya'y bumibigat at na siya'y lulubog. Nakita niya lumulutang ang pangkat ng malalaking kawayan at lumagoy siya tungo roon. Doo'y nakita niya ang kanyang samurai na nakaipit sa pagitan ng mga kawayan at doo'y kumapit. Sa pagdating pa ng sunod-sunod na malalakas na alon, ay tuluyan na siyang inanod papalayo sa balsa, hanggang sa mawala na ito sa kanyang paningin...at si Manolo.

Malupit ang huling mga ala-ala. Malungkot na dinampot ni Kenji ang samurai mula sa buhangin. Sa kanyang belt buckle, ay nakita niyang naroong nakasukbit ang kanyang baril. Naglakad siya tungo sa dagat, nakatanaw sa malayo, at buong lakas na sumigaw.

"MANOLO!"

Habang tumulo ang kanyang luha.

#

Nakapikit ang matandang Manolo sa loob ng malaking bangka. Maingay ang makina sa tenga, tulad ng hangin, ay nakakabingi. Nagulat siya nang may tumapik sa kanyang balikat at siya'y napadilat at nakitang si Mayor ay may tinuturo sa dagat.

Lumingon si Manolo sa dagat at nakita na may grupo ng mga lumba-lumba ang sumasabay sa gilid ng bangka. Tila nakikipag-karera pa ang mga ito. Masayang nakatingin din ang lahat sa mga lumba-lumba. Si Paula ay kinakawayan pa ang mga ito.

"Hello! Dolphins!" sigaw ng binibining reporter.

Malapit sa kanya, kinukunan ni Robert ang mga lumba-lumba gamit ang Betacam.

Masaya rin ang mga pulis at sundalo na pinapanood ang pagdaan ng mga matalinong isda. Maging si Lt. Laxamana na hindi palangiti ay nagawang ngumiti. At bakit hindi? Hindi ito isang karaniwang tanawin na nasasaksihan araw-araw—lalo na ng mga sundalo.

Nagkatinginan sina Manolo at Lt. Laxamana.

"Iruka!" sigaw ni Manolo, nguni't hindi siya agad narinig ng opisyal.

"Ano 'yon?" balik ni Lt. Laxamana.

Tinuro ni Manolo ang mga lumba-lumba.

"Iruka! Iruka!" sigaw pa niya.

Natanto ni Mayor ito.

"Iruka!" ulit ng alkalde.

"Ahh, Iruka!" gaya ni Lt. Laxamana.

At nagpalitan ng mga masasayang tango ang tatlo.

Nang lampasan sila ng mga lumba-lumba ay tahimik na nagsibalikan bawat isa sa mga upuan at nagsipagsandalan. Sa mga mukha nila ang kasiyahan na puro at pagluluwag ng loob na matagal na nilang hindi naranasan. Isa-isa silang nagsipikit para matulog. Ang karamihan sa kanila'y nakikita pa ang mga lumba-lumba sa kanilang isipan. Sa ngayon, ang binabaybay na ng mga bangka ay dagat na walang tanaw na isla o lupa sa lahat ng bahagi. Hindi tulad ng nakaraang oras, lumakas ang sumasalubong na alon galing Kanluran tungo ng islang kanilang hangad.

Nakapikit si Manoloat naglakbay ang kanyang isipan. Nalala rin niya ang mga lumba-lumba nakanilang nakita nila ni Kenji at siya'y napangiti. Iruka! Hudyat nila noongaraw na iyon. At naisip niya na kung ano kayang mga pinagdaanan ng Hapon. Anokayang naging buhay ni Kenji noong siya na lamang ang nag-iisa sa isla?


NEXT CHAPTER: "Mag-isa sa Isla"

Ang Huling PagsukoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon