Chapter 17: Dalawang Taong Lumipas

519 54 0
                                    

Ang tablang board ay galing sa haligi ng malaking puno mula sa loob ng gubat

Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.

Ang tablang board ay galing sa haligi ng malaking puno mula sa loob ng gubat. Ang mga maliliit na piraso ay mula sa bato na inukit, kulay puti at itim para sa magkalabang pangkat—ng hari, reyna, bishop, horse, rook at pawns.

Naglalaro ng chess sina Manolo at Kenji, nakaupo sa table set na gawa sa tuod ng puno at dalawang kahoy na bangko. Nasa kasagsagan na sila ng kanilang labanan. Dinampot ni Kenji ang itim niyang reyna at tumira sabay hudyat ng:

"Checkmate!" sigaw niya. "I win again!"

Nagtatatalon si Kenji sa tuwa habang ang katunggali ay inis naman na umiiling. Sa dismaya ay hinawi ni Manolo ang mga piyesa ng chessboard na nagtalsikan sa buhangin, kung kaya't lalo pang lumakas ang pagdiriwang ng kanyang kalaban.

"Kenji Nishina. Champion!" sigaw ng Hapon.

May scoreboard na kahoy na nakasabit sa puno ng niyog. Nakaukit ang pangalan nila sa magkabila at marami na itong mga "slash" marks. Tumakbo dito si Kenji, dinampot ang maliit na matalas na bato at ginuhitan ang ilalim ng kanyang pangalan ng isa pang panalo. Marami na silang nalaro. Simula nang likhain nila ang chess board ay halos araw-araw silang naglalaro, minsa'y hanggang sa paglubog ng araw, sa ginintuang liwanag, at nagaayawan na lamang kapag hindi na nila makita ang chess board.

"Hoy! Bumalik ka dito! Babawi ako!" sigaw ni Manolo kay Kenji na may kumpas ng kamay. "Isa pang laro," aniya sa wikang Hapon. Sa scoreboard, doble ang lamang ng Hapon sa panalo, at ito ang dahilan ng hindi matigil nilang laro ay sa dahilang nais lagi ni Manolo na makabawi.

"No more game! Talo ka! Ako champion!" pagmamayabang ni Kenji.

Nagsisisigaw si Kenji sa saya habang may kinuha sa may silong na tulugan nila.

"Champion. Lintik kang Hapon ka," bulong ni Manolo sa sarili.

Pagbalik ni Kenji ay hawak na niya ang speargun—ito'y gawa sa hollow na bamboo na may matalas na sibat sa loob, na gamit ang goma para patalsikin ito. Dala din niya ang goggles niyang noo'y gamit niya sa pagpiloto na ngayon ay gamit na sa pangingisda. Kanyang inabot ang mga ito kay Manolo.

"Loser will now fish and cook," utos ng Hapon.

Nagmamaktol na kinuha ni Manolo ang speargun at goggles, at inis na naglakad tungo sa dagat. Usapan nila na ang matatalo sa chess ay siyang mangingisda, at walang magawa si Manolo kundi sundin ito.

"Bye-bye! See you later, loser!" pang-aasar pa ni Kenji.

Dalawang taon na ang lumipas mula nang mapadpad sila sa isla at sa nilakbay ng panahon na ito ay may mga pagbabago.

Una, sa pangangatawan nila'y sila'y namayat. Sa kawalan ng kanin ay nasanay sila sa isda, halaan at edible roots mula sa gubat. Nguni't ang mga yamang gubat ay nangaunti na. Ang mga itlog ng mga ibon na madalang na sa umpisa'y kanila na ring naubos. Ganun din ang mga buko, na kailangan uli nilang antaying mamunga. Sa kanilang inumin naman, naperpekto na nila ang paglikha ng maiinom na tubig mula sa tubig alat gamit ang plastic ng lifevest at ang paraan ng condensation. Hindi rin naman problema ito dahil madalas ang ulan sa bahaging ito ng Pilipinas at nagagawa nilang makapag-impok ng tubig gamit ang iba't-ibang salaan diretso mula sa langit o sa mga naiwang ulan sa mga dahon ng puno.

Mapalad naman sila na mayaman sa isda ang dagat, kung kaya't dito sila nabubuhay. Bagama't maninipis ang pangangatawan, ay hindi nawawala ang taglay nilang sigla't lakas. May araw sila para sa pag-eehersisyo. At ang madalas nilang pagsisisid ay nagpapalakas sa kanilang mga resistensiya.

Pangalawa, sa araw-araw nilang komyunikasyon, ay unti-unti na nilang natututunan ang magkaiba nilang mga wika. Tinuturuan nila ang isa't-isa ng Tagalog at Niponggo, at nakakapag-usap na ng mahaba sa banyagang pananalita. Kanila ring ibinabahagi ang mga kultura ng magkaibang bansa...bagama't hindi sila sang-ayon sa maraming bagay ay mainam itong pampalipas oras sa isla na bilang lamang ang gawaing rekreaksyon.

Ang ibang pagbabago ay hindi sa ikabubuti ng kalagayan nila. Tulad ng mga kasuotan nila na gula-gulanit na't nilapatan na ng dumi na hindi na matanggal. Ang uniporme ni Manolo, ang flight suit ni Kenji—magaspang na ang tela ng mga ito at madali nang mapunit. Kung kaya't, kung minsa'y nagtitiyaga muna sila na nakahubad maliban sa salawal, ng maraming oras. Sinubukan nilang gumawa ng salawal gamit ang mga dahon nguni't nagdulot lamang ito ng pangangati. Sa kabutihang palad, nuong nagdaang bagyo ng Hulyo 1946, ay maraming debris ang napadpad sa kanilang isla. Kasama na ang isang raft at parachute na ginawa nilang kasuotan.

Ang isa pang pagbabago ay ang kanilang pag-iisip. Kung nagkataon na nag-iisa si Manolo, o si Kenji sa isla, ay malamang na nagdulot ito ng kabaliwan. Maaaring sa lungkot o takot. May mga gabi na sila'y nakakaramdam ng kawalan ng pag-asa na maliligtas pa, ang ideya na roon na sila mamamatay ay nagdudulot ng matinding hinagpis na humantong sa pagnananais na magpatiwakal. Nguni't, nakahanap sila ng lakas sa isa't-isa para ipagpatuloy na mabuhay...at patuloy na umasa pa.

#

Ang sinag ng araw ay tagos sa ilalim ng dagat. Mayaman ang dagat sa makukulay na corals, isda at iba pang hayop-dagat. Malago ang halamang-dagat.

Suot ni Manolo ang goggles at tangan ang speargun. Pag-sisid niya'y kanyang tinugis agad ang mga isda na nagtatago sa mga corals, inasinta at may natuhog. Pag-ahon niya'y makikitang nasa may kalayuang bahagi siya ng isla kung saan may malalaking formation ng mga bato. Hinugot niyang nasibat na isda at inilapag sa maliit na patag ng batuhan. Pagkatapos ay nag-floating siya, naghanap muli ng isda sa paligid ng corals at sumisid nang may nakita. Pag-ahon niyang muli ay may natuhog na naman siya.

Matapos ang ilang ulit na ganito ay tuluyan siyang umahon na mula sa dagat at naupo sa batuhan. Ang maitim niyang balat ay kumikislap sa araw. Hinubad niyang suot na goggles at inalis ang tubig. Sa tabi ng kanyang kinauupuan, ay may limang isda na siyang nahuli. Mataas ang sikat ng araw kung kaya't medyo nasisilaw siya, kung kaya rin hindi niya agad napansin ang bagay na lumulutang sa dagat.

Isang papel.

Kunurba niyang kanyang palad at ginamit na pantakip sa araw at maiging sinipat ang lumulutang na bagay. At nang nasiguradong papel nga ay mabilis na tumalon sa dagat at lumangoy para kunin ito. Makulay ang papel nang kanyang lapitan. Tila may naka-imprenta sa tintang itim, asul at pula na mga letra. Maingat niya itong kinuha para hindi mapunit.

Nang makabalik sa batuhan ay inilapat niya ang papel para matuyo sa araw, at kanyang napagtanto na ito ay isang flyer. Kasinlaki ito ng bond paper at nakasulat ang malaking headline na "I CEASE RESISTANCE." Ang ibang nakasulat ay sa wikang Hapon. Napuno ng excitement si Manolo, isa itong flyer na maaaring magbago sa kalagayan nila ni Kenji.

NEXT CHAPTER: "AngDesisyon"



Ang Huling PagsukoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon