6. #WokenUp

79 2 0
                                        

Chapter 6

JARED's Point of View

Nang imulat ko ang aking mga mata, muli akong napapikit dahil sa sobrang liwanag. Dahan-dahan kong muling minulat ang mga ito at pinilit na makaaninag kahit pa sobra akong nasisilaw.

Bumangon ako kahit di pa ganun kalinaw ang aking nakikita. Kumapakapa ako at dinig ko ang pagbagsak sa lapag ng isang bagay na nahawakan ko.

Pinilit kong tumayo at ramdam ko ang pagsakit ng aking paa at buong katawan na para bang matagal na panahon akong di nakagalaw.

Kinusot-kusot ko ang aking mga mata hanggang sa unti-unting luminaw ang aking nakikita.

Nilibot ko ang aking paningin dito sa buong kwarto at napagtanto ko na nandito na ako sa bahay namin sa Santa Clarita.

Nakita kong may dumapo na ibon sa bintana pero kaagad itong lumipad ng malayo.

Mula sa malaking bintana dito sa kwarto, kita ko ang matataas na puno sa labas ng bahay.

"Tapusin mo muna ang pag-aaral mo bago ka mangarap."

"Grabe naman kayo sa akin. Masipag naman akong mag-aral ah."

"Paanong masipag? Isang beses ka nga lang atang pumasok sa isang linggo."

Mula dito sa kwarto, dinig ko ang masasayang kwentuhan at tawanan ng mga tao sa labas.

Lumapit ako sa bintana at nakita ko ang mga kaanak ko na nagluluto at nag-iihaw sa labas ng bahay.

"Tingnan mo lang, tita. Darating ang araw, lalapit ka rin sa akin at uutangan mo rin ako," sabi ng pinsan kong si Jerry. Kasunod niyon ang tawanan nilang lahat.

"Mabuti sana kung sumusunod ka sa yapak ng pinsan mong si Sander."

"Saka nga pala, nasaan na nga ba si Sander? Ang sabi nya magbabakasyon sya dito. Tamang-tama at nandito rin si Jared."

"Baka sa mga susunod na araw pa."

"Tama na ba ang dami nitong isasaing ko?"

"Dagdagan mo nalang at baka kulangin tayo."

Mahigit dalawang taon na rin ang nakalipas mula nang bumalik ako sa lugar na ito. Sa lugar kung saan ako nasanay, sa lugar kung saan ako lumaki, at sa lugar kung saan ako kumportable.

Para bang napakagaan sa aking loob nang makita ko ang lahat ng mga kamag-anak ko na nagkakasiyahan sa labas habang abalang-abala. Tulad pa rin ng dati, nagluluto sa ilalim ng isang silong sa labas ng bahay at doon sabay-sabay na kumain.

"Luto na yan. Ilipat mo na sa lalagyan yan para maisalang ko naman itong karne," sabi ni Tita Jasmine sa isa ko pang pinsan na babae.

"Bantayan mo muna itong niluluto ko at kukuha muna ako ng tubig sa poso," sabi naman ni Tito Paul sa kanyang asawa.

Sa sobrang abala nilang lahat, hindi na nila napansin ang aking paggising. Hinayaan ko nalang muna sila.

"Magpapalit muna ako ng damit," sabi ng pinsan kong si Jerry.

Lumakad ako papuntang balkonahe at doon ko sila tinanaw pati na rin ang buong lugar na minahal ko simula pagkabata.

"K-Kuya Jared?"

Napatingin ako sa tumawag sa akin at nakita ko si Jerry.

Halatang gulat na gulat sya nang makita nya ako. "KUYA JARED! MAMA! TITA! GISING NA SI KUYA JARED!"

Napatingin silang lahat sa akin at bakas sa mga mukha nila ang kagalakan na makitang gumising na ako.

"JARED!" Napatakbo papunta sa akin si Tita Jasmine patin na rin ang iba pa.

Saan Patungo? (short story)Mga kuwentong kahuhumalingan mo. Tumuklas ngayon