“WALANGHIYA ka, Theo Villegas! Mamatay ka nang halimaw ka!”Nanggigigil na ibinato ni Charisma ang hawak na unan sa dingding ng kanyang kuwarto. Ilang beses pa niyang inulit iyon hanggang sa maubos ang unan sa kama niya.
“Buwisit ka talaga! Buwisit ka!” Ikinuyom niya ang dalawang palad. Mariing ipinikit niya ang mga mata at sinubukang kalimutan ang nakakapangilabot na karanasang nangyari sa kanya kahapon.
Muli siyang napamura. Kung hindi lang siguro krimen ang pumatay, malamang ay pinaglalamayan na si Theo Villegas.
Hinding-hindi niya mapapatawad ang lalaki sa ginawa nito sa kanya. Sukdulan ang galit na nararamdaman niya para rito dahil sa walang habas na paghalik nito sa kanya.
Ang kapal ng mukha nito! Hindi porke't guwapo ito ay puwede na nitong isipin na lahat ng babae ay may gusto rito. Hindi porke't sikat ito ay puwede na nitong halikan ang lahat ng babae sa campus. Ang kapal ng mukha nitong ibilang siya sa mga babaeng nagkakandarapa rito. Ano ang karapatan nito para nakawin ang first kiss niya? Ni sa panaginip ay hindi niya pinangarap na sa isang tulad lang ni Theo Villegas mapupunta ang unang halik niya.
At ang mas lalo pa niyang ipinagmamarakulyo, sa sobrang kahihiyang inabot niya, hindi man lang niya nagawang sampalin o suntukin man lang si Theo sa kapangahasang ginawa nito. Sa matinding pagkabigla niya, wala siyang nagawa kundi tumakbo na lang palabas ng gymnasium.
“Humanda kang lalaki ka. Hindi ako makapapayag na hindi mo pagbayaran ang ginawa mo sa'kin!”
“Charisma?”
Mabilis na lumipad ang mga mata ni Charisma sa bumukas na pinto ng silid. Iniluwa niyon ang nag-aalalang mukha ng ina.
“Ano'ng nangyari dito, anak?” nakaawang ang mga labi ng mama niya habang nakatutok ang tingin sa mga nagkalat na unan sa sahig ng kuwarto niya.
“Wala, ma.” Bumuntong-hininga siya. “May nangyari lang na hindi maganda sa school kanina.”
Naupo ito sa gilid ng kama niya at mataman siyang pinagmasdan. “Sino si Theo Villegas?”
“Huh?” nagtatakang tanong niya.
“Napadaan ako rito sa kuwarto mo nang marinig kong isinisigaw mo ang pangalan niya,” anito. “Sino ba ang lalaking iyon, anak?”
Bumalik ang panggigigil niya. “Hay naku, ma. Iyon ang pinakaantipako at pinakawalanghiyang lalaki sa buong eskuwelahan.”
“At ano naman ang ginawa niya sa'yo at ganyan na lang ang galit mo?”
“Ninakawan ako ng gagong iyon!”
Nanlaki ang mga mata nito. “Ninakawan ka? Dapat nagsumbong ka sa pulis! O sa mga official sa school niyo? Teka, anak, ano ba'ng ninakaw niya sa'yo?”
She bit her lower lip. “Ha..nky. Ninakawan niya ako ng hanky.” Hindi niya kayang sabihin sa ina na halik ang ninakaw sa kanya ng hayop na lalaki.
“Panyo?” Kumunot ang noo ng ina. “Baka naman may gusto sa'yo ang lalaking iyon kaya ka ninakawan ka ng panyo?”
“Ano'ng may gusto? May pagka-sira ulo lang talaga siya!”
Pumalatak ang ina. “Huwag ka nang magalit, anak. Panyo lang naman pala ang nawala sa'yo.” Hinawakan nito ang balikat niya. “Siyanga pala, hindi ba't nabanggit mo na sasalili ka sa sorority ng eskuwelahan ninyo para makukuha ng scholarship?”
“Opo, ma.” Hindi niya inilihim dito ang balak na pagsali sa sorority.
Bumalik ang pag-aalala sa mukha ng mama niya. “Huwag ka na lang kayang sumali sa sorority ng eskuwelahan niyo, Charisma. Inaalala ko na baka kung mapaano ka lang sa pagsali mo sa ganyan.” Bumuntong-hininga ito. “Hayaan mo, anak. Gagawa na lang kami ng papa mo ng paraan para makapagpatuloy ka sa St. Jerome.”