LINTIK ka talaga, Theo. Wala naman sa usapan natin na dito tayo pupunta.” Naaasar na tiningnan ni Charisma si Theo nang huminto ang sasakyan nito sa basement parking ng isang condominium tower.
Akala niya kanina, sa hospital sila pupunta. Hindi niya inaasahang dito siya sa dadalhin ni Theo. Sa condo kung saan marahil ito nakatira.
“Ano'ng problema? Bakit parang natatakot ka?”
Pinandilatan niya ng mga mata ang lalaki. “Malay ko kung ano’ng gawin mo sa'kin?”
Naaliw na ngumiti ito. “Huwag kang mag-alala. Hindi kita iniligtas sa mga iyon para gawan lang ng masama. I'm safe, baby.” Kinindatan pa siya nito bago lumabas ng sasakyan.
“Ano'ng safe-safe, baby. Eh, kung sipain kita diyan!” Bumalik ang galit niya sa lalaki. Nanggigigil na kinuyom niya ang palad. Subalit nang bumukas ang pinto ng front seat ay wala siyang nagawa kundi lumabas. No choice siya kundi gamutin niya ang lalaking ito at nang makaalis na.
Hindi naman siguro siya gagawan ng masama ni Theo? Bumuntong-hininga siya. Sana nga.
Subukan lang nitong pagtangkaan siyang gawan ng masama, humanda ito sa kanya.
“Let's go.” Nakangiting hinawakan ni Theo ang kamay niya at hinila siya patungo sa elevator.
“Hindi mo naman kailangang hawakan iyong kamay ko,” wika niya rito.
“Uhm, okay.” Marahang binitawan nito ang kamay niya.
Bumaba ang tingin niya sa kamay niya. Bakit gano'n? Tila may isang parte sa kanya ang gustong pang maramdaman ang mainit na kamay ni Theo.
Nababaliw ka na, Charisma! sikmat niya sa sarili. Ano ba iyang iniisip mo?
Tahimik na pumasok sila sa elevator. Magkatabi silang pumuwesto sa sulok na bahagi niyon nang pumasok ang pitong teenager sa loob.
Halos magkadikit na sila ni Theo so loob habang nakasandal sa dingding ng elevator. Paano ba naman kasi, kay lilikot ng mga babaeng nasa harap nila.
“Huwag ka ngang dumikit sa'kin,” mahinang sikmat niya kay Theo. Sa sobrang lapit nila sa isa't-isa, halos masinghot na niya ang pabango ng lalaki. At lintik, bakit parang gustong-gusto naman niya ang amoy ni Theo? Hindi tuloy siya mapakali sa puwesto niya.
Bahagyang tumawa ang katabi niya. “Ang arte mo talaga.”
Napasimangot lang siya. Lalo na nang marinig niya ang bulungan ng mga babae sa harap nila.
“My gosh. Ang guwapo niya.”
“Sinabi mo pa.”
Lumingon sa kanila ang mga babae at nangniningning ang mga matang tumitig kay Theo.
“Uhm, excuse me. Artista ka ba?”
“Hindi,” nakangiting sagot ni Theo.
Napairap siya sa kawalan. Ano ba naman itong mga babaeng ito? Hindi man lang nahiya.
“Ang guwapo mo kasi, eh. Dito ka natira?”
“Yeah.”
Napaingos siya. Isa pa itong lalaking ito. Masyadong babaero. Pati yata itong mga teenager na ito, gustong patulan!
“Uhm, kuya, puwedeng magpa-picture?”
Bumaling siya sa bumukas na pinto ng elevator. Saka siya kunot-noong bumaling kay Theo.
“Sorry, girls. Lalabas na kami. Maybe next time.”
“Grabe naman,” iiling-iling na wika niya kay Theo habang naglalakad sila sa pasilyo. “Ano ba'ng nakita ng mga iyon sa'yo at gano'n na lang kung makapagreact. Akala mo si Brad Pitt ang kaharap.”