“MARAMING salamat sa paghahatid mo rito kay Charisma, hijo.”
“Wala po iyon.”
Kunot ang mga noong pinanood ni Charisma ang pag-uusap ng mama niya at ni Theo sa hapag-kainan nila.
Nagulat siya kanina nang imbitahan ng mama niya si Theo na kumain ng hapunan sa kanila. Wala na siyang nagawa kundi ipakilala si Theo bilang 'kaibigan' kuno niya.
“O, Theo. Tikman mo itong chicken adobo. Paborito iyan ni Charisma.”
“Talaga ho?”
Pinagtaasan niya ng kilay si Theo na siyang kaharap niya sa hapag-kainan. Naiinis siya dahil masyado itong 'feeling close' kung umusta sa harap ng mga magulang niya.
“Kain lang ng kain, ah. Huwag kang mahiya sa'min.”
Pasimpleng napairap siya sa sinabi ng ina. Hindi niya maintindihan kung bakit masyadong magiliw ang pakikitungo nito sa lalaki
Hay naku, ma. Kung alam mo lang kung gaano kasama ang lalaking iyan!
“Kuya Theo, matagal na ba kayong magkaibigan ni ate?” tanong ng nakababatang kapatid niyang si Christian kay Theo.
“Actually, ilang araw pa lang kaming magkaibigan. Nagkakilala kami sa gym ng St. Jerome.”
Tiningnan niya ng masama si Theo. Kung hindi lang nila kasama ang mga magulang niya, kanina pa niya ito tinarakan ng tinidor sa mata. Talagang pinanindigan nito ang pagkukunwari niyang magkaibigan sila. Ang sarap sipain sa mukha!
“Varsity player ka ba kuya Theo?” Isa pa itong kapatid niya. May pakuya-kuya pang nalalaman.
“Yeah,” nakangiting sagot ng kaharap. “I'm the captain of the school’s basketball team.”
“Really? Cool.”
“Christian!” saway niya sa kapatid. Pinandilatan pa niya ito. “Tumahimik ka nga. Ano naman ang cool sa pagiging basketball player, aber?”
“Ano ka ba, ate? Hindi mo ba alam na ang hirap makapasok sa varsity team. Itong si kuya Theo, hindi lang basta member, team captain pa!” Interesadong bumaling ito kay Theo. “Sikat na sikat ka siguro sa eskuwelahan niyo, kuya Theo?”
“Tumigil ka nga sa pagtatanong mo, Christian!” muli niyang saway sa kapatid.
Her brother just frowned at her. “Masama bang magtanong, ate?” Sinimangutan siya nito. “Ang sungit mo talaga. Kaya kahit maganda ka, walang pa ring nanliligaw sa’yo.”
Nanliit ang mga mata niya sa galit. Lalo pang tumaas ang pag-iinit ng dugo niya nang marinig niya ang tawa ng halimaw. “Isa, Christian!” Gusto niyang ihagis ang kubyertos na hawak sa magkabilang kamay. Isa sa mukha ni Theo at isa sa mukha ng lintik niyang kapatid.
“Tumigil kayong dalawa,” marahang saway sa kanila ng ina. “Nasa harap tayo ng pagkain. Mahiya naman kayo sa bisita natin.” Tumingin ang ina niya kay Theo. “Pagpasensiyahan mo na itong dalawa. Ganito talaga ang mga iyan, laging nagtatalo..”
“Ayos lang po iyon, ma'am..” nakangiting sagot ni Theo.
Tumawa ang mama niya. “Tita na lang, hijo.”
Napailing at napairap siya sa kawalan. Ano ba ang nakain ng mama niya at ni Christian? Bakit ganoon na lang ang pakikitungo ng mga ito kay Theo? Palibhasa, hindi nito alam na sa kabila ng guwapong mukha ng lalaki, nagtatago ang mala-halimaw na ugali.
“Charisma, okay ka lang ba?”
Binigyan niya ng pilit na ngiti ang ina. “Yes, ma.”
“Siyanga pala, anak. Kumusta na ang pagpasok mo sa sorority ng eskuwelahan niyo?”