“MAY problema ka yata, anak?”Mula sa pinagmamasdang mga bituin ay lumingon si Charisma sa ina. “Ma?”
Tinabihan siya ng ina. Nandito siya ngayon sa balcony kung saan malaya niyang pinagmamasdan ang madilim na kalangitan.
“Sabihin mo sa'kin kung ano ang bumabagabag sa'yo, anak.”
Bahagya siyang napangiti sa ina. Hindi pa siya nagsasalita ay alam na nitong may problema siya.
Ilang oras na ang lumipas subalit hindi pa rin maalis sa isip niya ang mga ipinagtapat sa kanya ni Theo. At iyon ang labis na bumabagabag sa kanya ngayon.
Sumeryoso siya at humugot ng malalim na hininga. “Ma, ano ang ibig sabihin kapag...bumibilis ang tibok ng puso mo sa isang partikular na tao?”
“Ano ang ibig mo'ng sabihin?”
Kinagat niya ang ibabang labi. “Halimbawa, sa tuwing nagkakalapit kayo ng lalaking iyon, bigla ka na lang kinakabahan. Sa tuwing tinititigan niya ang mga mata mo, parang automatic na nagbabago ang pintig ng puso mo.” Pumikit siya at inalala ang mga pagkakataong naramdaman niya iyon sa harap ni Theo.
“Isa lang ang sabihin kung bakit ganoon ang epekto sa'yo ng lalaking iyon. Iyon ay dahil may espesyal kang nararamdaman para sa kanya.”
Hindi makapaniwalang tiningnan niya ang ina. “E-espesyal?”
Tumango ang ina. “Gusto mo ang taong iyon o nahuhulog ang loob mo sa kanya. O baka nga, mahal mo na siya.”
Tila huminto sa pagtibok ang puso niya. May espesyal siyang nararamdaman kay Theo? Imposible! “Sigurado ka ba sa sinasabi mo, ma?” diskumpiyadong tanong niya sa ina. “Paanong magiging pagmamahal iyon kung halos wala pang isang buwan mong nakikilala ang lalaking iyon?”
“Hindi nasusuka't ang pag-ibig sa tagal at panahong nakilala niyo ang isa't-isa. Tingnan mo ako, anak. Nang una ko'ng makita ang papa mo, na-in love na ako sa kanya.”
Love at first sight ang love story ng mga magulang niya. Ayon sa kuwento ng mama niya, nagtagpo ang landas nito at ng papa niya sa isang aksidente. Tumaob ang sinasakyang bus ng mama niya. Ang papa niya ang siyang naglakas ng loob na tumulong at nagdala sa mama niya at sa iba pang pasyente sa hospital.
“Iba ang kaso niyo ni papa. He was your knight in shining armour. Kung ako man siguro ang maaksidente, maiin love talaga ako sa lalaking magliligtas sa'kin, lalo na kung kasingguwapo ni papa. But my case is different. That guy...he was the beast in my life. Galit ako sa kanya. Imposibleng mahulog ang loob ko sa taong kinamumuhian ko.”
Bumuntong-hininga ang ina. “But there's a thin line between love and hate, anak. Minsan, hindi natin namamalayan, iyong labis na galit mo sa isang tao, puwedeng mawala at mapalitan ng pagmamahal. Lalo na kung mayroon kang natuklasanng magandang katangian ng taong iyon.” Diretsong tiningnan siya ng ina. “In your case, may nadiskubre ka bang magandang katangian niya na naging dahilan kung bakit nahulog ang loob mo sa kanya?”
Mariing pumikit siya at tumango. Natuklasan niya na sa kabila ng lahat ng kinaiinisan niya rito, mayroon din pala itong itinatagong mabuting puso. And he did save her. Not only once, but twice. Iniligtas siya nito sa pagkakaalis mula sa St. Jerome, at iniligtas siya nito mula sa tatlong lalaki.
Napahawak siya sa dibdib. She still couldn't believe it. Lahat na pala ng kakaibang nararamdaman niya ay senyales na nahuhulog na ang loob niya kay Theo. Kaya pala, kaya pala ganoon na lamang ang pag-aalala niya sa lalaki. Kaya pala naiirita siya sa mga babaeng tumitili at sumisigaw rito. Nagseselos na pala siya.
Kung gayon ay tama pala ang kasabihang love strikes you in the most unexpected ways. In her case, it strikes her using the most unexpected person.
Mapait na ngumiti siya sa sarili. Ang lakas ng loob niyang ipagyabang sa harap ni Theo na hinding-hindi siya magkakagusto rito. Ngayon, bumalik lahat sa kanya ang mga sinabi niya.