HALOS mabingi si Charisma sa lakas ng sigawan sa gym pagpasok niya. Naabutan niyang nagsisimula na ang practice game sa pagitan ng team nila at ng kapitbahay nilang eskuwlahan.
Napailing siya. Sa sobrang kasikatan ng basketball team nila, kahit practice game lang, dinudumog pa rin ng mga estudyante ang gym.
Dumiretso siya sa bleachers at naupo sa bakanteng upuan. Mula roon ay pinanood niya ang paglalaro ng mga manlalaro.
Natuon ang tingin niya kay Theo. Nakasuot ng puting jersey ang lalaki. Sa likod niyon ay nakasulat ang apelyido nitong Villegas at numerong '22.'
Maya-maya pa ay pinagpahinga ng coach si Theo. Naglakad ito patungo sa bench. Nagtama ang mga mata nila. Sumimangot siya. Samantalang ngumiti naman ang lalaki.
Dumiretso ito sa tabi niya. Bago pa siya makarinig ng utos mula rito ay inabot na niya ang tubig at twalya kay Theo.
“Alam mo na ang gagawin, ah,” nakangising wika nito. Inabot nito sa kanya ang tuwalya. “How about this?”
Masungit na inilibot ang tingin sa paligid bago ibinalik sa kaharap. “Huwag mo'ng asahang pupunasan ko iyang mukha mo sa harap ng maraming tao.” Umismid siya at nag-iwas ng tingin. “Kapag ginawa ko iyon, baka sugurin ako ng mga baliw na babaeng patay na patay sa'yo.”
“Don't worry. Poprotektahan naman kita.”
“Ayoko.” Umismid siya at hindi na nagsalita. Kapag pinunasan niya si Theo sa harap ng mga taong ito, tiyak na bukas na bukas din ay laman na siya ng school newspaper nila. Sigurong pagdidiskitahan din siya ng mga fans ni halimaw. Ngayon pa lang ay napapansin na niya ang matalim na tingin sa kanya ng mga ito.
“Charisma.”
Salubong ang kilay na lumingon siya. Handa na siyang angilan si Theo subalit natigilan siya nang tumambad sa kanya ang seryosong mukha ng lalaki.
“Bakit?” Iyon lang ang salitang unang lumabas sa bibig niya.
Diretso siyang tinitigan ni Theo sa mga mata. “Gusto mo bang malaman kung bakit hilingin kong bigyan ka nila ng scholarship?”
Sa halip na sumagot ay napatanga lang siya sa lalaki. Ito ang unang beses na nakita niyang ganito kaseryoso ang mukha ni Theo. Iba ang epekto sa kanya ng seryosong ekspresyong ng mukha nito.
Gusto niyang umiwas sa matiim na titig nito, subalit hindi niya magawa. Tila ba unti-unti siyang nahihipnotismo at sa huli ay wala na nga siyang nagawa kundi ang mapatulala na lang.
“Ang totoo niyan, na-guilty ako,” pagpapatuloy ni Theo. Wala pa ring pagbabago sa seryosong mukha nito. “Nang malaman ko ang dahilan ng pagsali mo sa Alpha chi omega ay scholarship, bigla akong na-guilty. Hindi ko alam, buong gabi kong sinisi ang sarili ko. At kung sakaling aalis ka ng St. Jerome..araw-araw ko sigurong sisisihin ang sarili ko sa pagkawala mo.”
Bumuntong-hininga ito. “Please, accept the scholarship, Charisma.”
Agad niyang kinagat ang ibabang labi nang sa wakas ay nakuha niyang mag-iwas ng tingin kay Theo. “P-pag-iisipan ko.”
“Okay. That's good to hear.”
Sa gilid ng mga mata ay nakita niya ang matipid na ngiti sa labi ng lalaki.
Tumayo ito at muling bumalik sa laro. Sinundan niya ng tingin si Theo.
Hindi niya maintindihan ang sarili. Bakit sa ilang minutong pagtatama ng mga mata nila ay biglang bumilis ang tibok ng puso niya? Itinapat niya ang palad at dinama ang abnormal na tibok ng dibdib niya? Ano ang nangyari sa kanya? Dulot ba iyon ng biglaang pagpapalit ng ekspresyon ni Theo sa harap niya?