Kinausap ni Techo ang nurse na nakadestino sa ICU at pinakiusapan na gusto naming makausap si Ginang Garcia na nagbabantay kay MIco.
Lumabas ang isang babae na may edad na 34 o di kaya ay 35. Mugto ang mata nito at mapula ang ilong sa pagiyak. " Sino kayo?", aniya sa malumanay na boses.
" Mga kaibigan po kami ni Mico", sagot ni Techo.
" Ah ganun ba? Saan nyo naman nakilala ang anak ko", patuloy na tanong nito.
" Sa simbahan po pag nagaantay sya sa kanyang lolo", sagot ni Techo.
Nagiba ang mukha ni Imelda Garcia sa kanyang narinig. " Nandito ba kayo dahil inutusan kayo ng sorbetero na yun?", may galit sa kanyang tinig.
Pumagitna ako sa kanilang dalawa at ngumiti ako." Di po, kami po mismo ang nagpunta dito para makita si Mico."
" Nagpunta kami dito para kay Mico", ang mariin na sagot si Techo. " Hindi nyo na dapat siya pinapahirapan sa mga aparato na yan na sa tingin nyo ay bumubuhay sa kanya. Palayain nyo na siya", ang malakas na pagbulaslas ni Techo.
Mula sa kung saan isang kamao ang lumipad at tumama sa mukha ni Techo. Di namin namalayan na andun na pala si Benny Garcia at narinig nya ang sinabi nito.
" Sino ka para pakialaman kami sa desisyon namin sa anak namin?", sabi nito habang nakamba ang isa pang suntok sa nakaupo na sa sahig na si Techo.
" Lumayas kayo dito. Bago pa magdilim ang paningin ko at mapatay ko kayo", sabi ni Benny habang yakap siya ni Imelda.
Hinila ko palayo si Techo at dali-dali kaming bumalik sa motor niya sa paradahan sa labas ng ospital.
Umupo sandali ni Techo na para bang nagiisip. Napansin ko ang pagdugo ng kanyang bibig nasugatan ito mula sa pagkakasuntok ni Benny. Nilabas ko ang aking panyo at pinunasan ko ang dugo sa kanyang bibig.
" Tatanga-tanga ka kasi. Wala kang People Skills. Tama ba yun na sabihin mo na pakawalan na nila anak nila?"
" Eh ano ba dapat kong sinabi?", aniya habang inaagaw ang panyo ko at patuloy nyang pinahiran ang kanyang bibig.
" Puwedeng sinabi mo na nakausap natin ang kaluluwa ng anak nya at gusto na nitong lumaya", sabi ko habang naghahanap ng tubig sa aking bag.
" Sa tingin mo ba paniniwalaan nila tayo? Baka pagbintangan pa nila tayo na nababaliw at ipadala sa mental", sabi ni Techo na may pagkairita.
Inabot ko sa kanya ang bote ng tubig. Pagkakuha at ay binasa niya ang aking panyo at ipinanghugas sa pumutok niyang labi.
" May naisip ako", dahil sa ideya na biglang pumasok sa isipan ko. " Bumalik tayo sa simbahan kailangan nating makausap uli si Mico", pagkasabi ko noon at sumampa na ako sa motor at nagbalik kami sa simbahan.
Gabi na ng matapos kaming makipagusap kay Mico. Hinatid ako ni Techo sa aming bahay bandang alas-siyete na ng gabi. Pagbaba ko sa motor ay di ko naiwasan na magatanong.
" Bakit mo ba ako hinila sa pagtulong Kay Mico?"
" Kailangan ko ng kasama habang kinakausap ko siya para di naman magmukha na kinakausap ko sarili ko. Baka mapagkamalan pa ko na nababaliw. Di ko rin naman puwede isama ang kung sino na lang dahil di naman nila nakikita ang nakikita ko. Ikaw lang ang kakilala ko na katulad ko kaya wala na kong iba pa na puwedeng hilahin kundi ikaw."
Natahimik ako sa sagot nya. May point naman ang mokong, sabi ko sa sarili ko. Sinuot niya and kanyang helmet at bago umalis ay tumingin sya sa akin. " Salamat", pagkasabi noon ay pinaharurot nya ang motor.
Sa sobrang dami ng nasa isip at di ko napansin si nanay na nakabantay sa pintuan ng aming bahay. Pagkasara ko ng gate ay bigla siyang sumigaw. " Maria Cristina... uwi pa ba to ng matinong babae", aniya ng galit na galit.