"Ayaw mo ba? Bala ka. Ikaw din ang mahihirapang maglakad." sabi nito matapos ay tumayo na ito mula sa pagkakaupo.
Hindi na lang siya kumibo. Alam niyang masyadong abala na siya para dito. Pero muntik na siyang mapahiyaw nang bigla na lang siya nitong pasanin.
"Hoy mister ano bang ginagawa mo ha?" sabi niya habang patuloy sa pagpupumiglas na makababa.
"Humawak ka kaya sa leeg ko para di ka mahulog. Ayaw mo pa kasing magpapasan kaya pinilit ko na lang.Kaysa naman iwan kita dito at hayaan na lang diba?" sabi nito.
Kahit labag sa loob ay humawak na lang siya sa leeg nito.Gahibla na lang ang layo ng mga pisngi nila sa isa't isa. Guwapo talaga ang binata at sa suot pa lang ay halatang mayaman at may sinasabi sa lipunan. Nakatingin lang siya dito at walang kakurap kurap.
"Bakit mo ginawa iyon?" sabi nito pero nakatingin sa dinadaanan nila.
Hindi siya kumibo. At iniiwas na lang ang tingin sa iba. Ayaw niyang mag kuwento sa taong hindi naman niya kilala.
"Kahit papano naman mapagkakatiwalaan mo ako. Niligatas nga kita diba?" sabi nito.
Tumikhim siya bago sumagot " Ang gusto ko lang ay makalimutan ang araw na ito.Lahat lahat ng tungkol sa araw na ito." sabi niya.
"Yun naman pala eh. Pwede mo ng ikwento sa kin kasi kakalimutan mo din ako dahil bahagi ako ng araw na ito sa buhay mo. Kaya naman ikuwento mo na. Makikinig ako." sabi nito.
Tama ito.Kakalimutan niya lahat ng bagay,tao,at pangyayari sa araw na iyon. Lahat lahat.
Sinimulan niyang ikuwento dito lahat lahat ng naganap sa araw na iyon.