7th Constellation

1.5K 78 3
                                    

"LIGHT, umiiyak ka ba?"

Naiinis na pinunasan ni Light ang mga ebidensiya ng pag-iyak niya sa pisngi niya gamit ang mga kamay niya. Saka niya binigyan ng masamang tingin si Adam na nakaupo sa tabi niya. "Baliw ka ba? Bakit naman ako iiyak?"

Kanina pa nagtatago si Light sa likuran ng kotse niya. Nakaupo siya sa kalsada at nakasandal sa pinto habang pinapakinggan ang usapan nina Twila at Sky. At salamat sa espesyal niyang kakayahan, naririnig din niya ang mga sinasabi ni Adam.

Masasabi niya na professional spirit medium na siya dahil eight years old pa lang siya, nagpapatawid na siya ng mga kaluluwa sa kabilang mundo. Sampung taon na niyang ginagawa ang trabaho na 'yon kaya marami na siyang karanasan. Pakiramdam nga niya lahat ng klase ng multo at pagkamatay nga ay nahawakan na niya ang kaso.

Murder, rape, homicide, aksidente, suicide, paranormal death– lahat-lahat na. Voluntary man o sapilitan, napatawid na niya sa liwanag ang mga pinakabayolenteng multo mula bata hanggang matanda. Minsan pa nga, may nagtangkang i-possess ang katawan niya. Muntik na niyang ikamatay 'yon pero dahil malakas ang presence of mind at spiritual force niya, napatumba niya ang kalaban.

Isa sa mga natutunan ni Light sa "profession" niya ay huwag maging attached sa mga "kliyente" niya. Sure, naaawa siya sa mga multong nakakasalamuha niya. Lalo na sa mga babaeng pinatay matapos pagsamantalahan. Pero parati siyang professional.

Nagmula siya sa pamilya ng mga spirit medium kaya noon pa man, sinasabihan na siya ng daddy niya na mag-ingat. Sa sobrang pagsunod niya sa ama niya, naging malamig na siya. Sabi nga ng lolo niya, sa sobrang lamig niya ay hindi na siya marunong makisama sa mga buhay na tao.

He couldn't help it though. Seeing dead people all the time made him realize that all kinds of ties could be broken by death, so he stopped bothering himself from forming bonds with other people.

Ewan ba ni Light kung bakit naapektuhan siya kanina habang nakikinig sa usapan nina Sky, Adam, at Twila. Namalayan na lang niya na umiiyak siya.

At ang huling beses na umiyak siya ay nang mamatay ang mommy niya at siya mismo ang naghatid sa ina sa pagtawid sa puting liwanag.

Kaya ayaw niyang napapalapit sa mga tao. Sabi na nga ba niya't mangyayari ito balang araw.

"Eh bakit namumula 'yang mga mata mo at parang basa?" nagtatakang tanong ni Adam.

Napanggap si Light na nag-iinat. Naghikab pa nga siya para mas mukhang effective. "Inaantok lang ako kaya ganito ang mga mata ko."

"Sige. Sabi mo, eh."

"Sinabi nang inaantok lang ako, eh! Bakit naman ako maiiyak sa eksena niyong tatlo? Ano ko, jologs?" defensive na sagot naman ni Light.

"Sinong kausap mo, Light?"

Napamura si Light sa gulat. Nang lingunin niya ang nagsalita, nakita niya si Twila na nakatayo sa harap niya habang nakatingin sa kanya pababa. Kumunot ang noo niya. "Bakit nandito ka pa? Akala ko, umuwi na kayo ng kakambal mo."

"Naiwan kasi niya 'yong susi ng kotse niya sa locker room. Binalikan lang niya," sagot ni Twila. "Ikaw? Anong ginagawa mo d'yan?"

Tumayo si Light at tumikhim. "Uhm..."

Wala siyang masagot. Ang totoo niyan, pauwi naman na talaga siya kanina. Kaso, no'ng pasakay na siya sa kotse niya, nakita niya si Twila na nakaupo sa gutter habang parang iiyak. Lalapitan sana niya ang dalaga, pero nakita niya si Sky na papalapit dito. Ewan nga niya kung bakit yumuko siya at nagtago himbis na sumakay sa kotse niya at mag-drive.

Vanilla TwilightTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon