HINHINTAY ni Light si Twila sa labas ng building nila. Nakasandal siya sa pader at nakapamulsa habang may nakasalpak na earphones sa mga tainga niya. Pero wala namang music na tumutugtog. Naglagay lang siya no'n para walang magtangkang kumausap sa kanya. Naririnig pa rin naman niya ang usapan sa paligid niya.
"May ghost nga sa CR sa floor natin!"
Pasimpleng sinulyapan ni Light ang grupo ng mga babae na palabas ng building. Malakas ang boses ng mga ito habang naghuhuntahan.
"Oo nga! Kitang-kita namin nang magbukas-sara ang mga ilaw pati 'yong mga pinto ng mga cubicle. It looked so creepy!"
"We felt like we were in a horror film nga. It's very nakakakilabot!"
Napabuntong-hininga si Light habang iiling-iling. Simula ng dumating siya sa Evangeline Academy, napakalma na niya ang mga multo ro'n. 'Yong iba nga, napatawid na niya. Kahit press release niya ang pag-re-retire bilang spirit medium, hindi naman niya matiis na makitang pagala-gala ang mga multo sa paligid niya kaya tinutulungan pa rin niya ang mga ito.
Lalo na ngayong wala na ang amulet niya na pumoprotekta sa kanya. Mas nagiging lapitan na siya ng mga multo ngayon.
Katulad na lang ng multo ng babaeng estudyante sa tabi niya.
"Please, Light. Go out with me," pa-cute na sabi ng babaeng multo na ikinukurap-kurap pa ang mga mata.
"No," mariing sagot ni Light.
"If you don't want to date me, ihanap mo na lang ako ng makaka-date."
Nanatiling walang imik si Light.
"Namatay ako nang hindi man lang na-e-experience ang makipag-date," nakalabing reklamo ng babaeng multo. "I want to experience love before I cross the light."
Naiinis na inihilamos ni Light ang mga kamay sa mukha. Binigyan niya ng nagbabantang tingin ang babaeng multo na ngumiti lang at nagpa-cute pa rin sa kanya. Pero sa huli, siya rin ang sumuko. "Fine. Tuwing alas-siete ng gabi, nagpapakita ang multo ni Marcus sa rooftop ng main building kung saan siya tumalon twenty years ago. Alam mo, bagay kayo. Pareho kayong broken-hearted kaya kayo nag-suicide. At naghahanap ng true love kaya hindi matahimik."
Lumabi ang babaeng multo. "He's too old for me kaya. I died just five years ago."
"He said you're beautiful."
Ngumiti ang babaeng multo. "Okay. Kung mapilit kayo, makikipag-date na ko sa kanya," parang kinikilig na sabi nito, saka biglang naglaho.
Nasapo ni Light ang noo niya. Kailan pa nasama sa job description niya ang pagma-matchmake sa mga multo?
"Sinong kausap mo d'yan?"
Nalingunan ni Light si Twila na kunot-noong nakatingin sa kanya. Dumeretso siya ng tayo at inalis ang earphones sa mga tainga niya. "Twila. Kanina pa kita hinihintay."
Inirapan lang siya ni Twila. "Wala pa ko sa mood makipag-usap sa'yo."
Tinangka ni Light lumapit kay Twila pero natigilan siya nang humarang sa daan niya ang malaking bulto ng katawan ni Sky.
"Hoy, tantanan mo nga ang kapatid ko," banta sa kanya ni Sky, saka inakbayan si Twila. "Kapag nakita pa kitang ginugulo ang kakambal ko, yari ka talaga sa'kin."
Gusto sanang sagutin ni Light si Sky, pero nang bigyan siya ng masamang tingin ni Twila, natahimik siya. Wala na siyang nagawa kundi ang panuorin ang paglalakad ng kambal papunta sa carspace. Bantay-sarado ng higanteng 'yon si Twila. Hindi tuloy siya makaporma.
Bukas na nga lang uli.
Malapit na sa gate ng Evangeline Academy si Light nang napansin niya ang sasakyan ni Sky sa gilid niya. Heavily tinted ang mga bintana kaya hindi niya nakita si Twila. Pero sigurado naman siyang hindi rin siya nito papansinin.
Nawala lang kay Twila ang atensiyon ni Light nang napansin niyang nagkakagulo sa labas ng akademya. Nagtipon-tipon ang mga passer-by sa area kung saan nagsalpukan ang isang jeep at truck.
May mga rescuer at ambulansiya nang dumating, pero mas makapal pa rin ang mga tsimoso't tsismosa na may kanya-kanyang hawak na camera habang nilalabas ng mga rescuer ang mga biktima ng aksidente mula sa loob ng mga sasakyan.
Nanayo ang lahat ng balahibo ni Light sa katawan at bumigat ang katawan niya.
Napakaramdaming pasahero ang namatay. Ang lahat ng kaluluwa ng mga taong 'yon, galit at miserable. Napakabigat ng negatibong enerhiya ang nahihigop niya.
Tinakpan niya ang mga tainga niya nang magsimula nang magsiiyakan ang mga kaluluwa. Pakiramdam niya ay binibiyak ang ulo niya sa mga naririnig niya. Hindi 'yon gaya ng iyak ng mga buhay na tao. Ang iyak ng mga multo, parang ungol na nagmumula sa ilalim ng lupa. Lalo na't punung-puno iyon ng pighati.
"Naririnig mo kami?"
Tiningnan lang ni Light ng masama ang kaluluwa ng matandang lalaki na lumapit sa kanya.
"Nakikita mo rin kami!" bulalas ng matandang lalaki, pagkatapos ay nilingon nito ang mga kasamahan nitong multo. "Nakikita tayo ng batang ito! Matutulungan niya tayo!"
Napaatras si Light nang magsimulang lumapit sa kanya ang mga multo habang sabay-sabay na humihingi ng tulong sa kanya. Kapag ganito kalakas na grupo ng mga kaluluwa ang lumalapit sa kanya, nanghihina siya. At kapag nanghina siya, hindi malabong maangkin ng isa sa mga galit na multo ang katawan niya.
Kung tatakbo siya, susundan lang siya ng mga multong ito at malalaman pa kung saan siya nakatira. Malapit lang ang dorm niya sa pinangyarihan ng krimen kaya hindi imposibleng hindi na siya tantanan ng mga multong ito.
Pero kailangan kong lumayo sa kanila.
Patakbo na sana si Light nang may humawak sa braso niya at ang pagdikit ng malamig na metal sa pupulsuhan niya. Kasabay niyon ay ang biglang paglaho ng mga multo sa paligid niya. Nawala na ang mga ito sa paningin niya at hindi na rin niya naririnig ang nakabibinging iyak ng mga ito.
Nang bumaba ang tingin niya sa pupulsuhan niya, nakita niyang nakasuot na sa kanya ang amulet ng mommy niya. At may maiinit at malalambot na kamay na nakahawak sa braso niya ng mahigpit.
Unti-unti siyang nag-angat ng tingin at sumalubong sa kanya ang nag-aalalang mukha ni Twila.
"Okay na ba, Light?" nag-aalalang tanong ni Twila. "Hindi mo na ba sila nakikita o naririnig ngayon?"
Never had Light been so delighted to see a living person until now.
Hindi niya alam kung anong meron sa presensiya ni Twila. Pero higit pa sa kapangyarihan ng amulet na itaboy ang mga multo sa paligid niya, nagawa ng dalaga na alisin ang takot niya at pakalmahin ang buo niyang pagkatao.
Pero bukod sa pagkalma, kayang-kaya ring pasabugin ni Twila ang dibdib niya sa sobrang saya.
"Hey, Twila. Remember when I said that you're the only "strange thing" in the room because you're as pale as a ghost during my first day at school?"
Kumunot ang noo ni Twila, pero tumango rin ito. "Yes, I do. Bakit mo naman naitanong?"
Ngumiti si Light, saka marahang hinaplos ang pisngi ni Twila. "I lied. Ang gusto ko talagang sabihin no'n, ikaw lang ang kakaibang nilalang sa classroom dahil ikaw lang ang kaisa-isang babaeng nagparamdam sa'kin na mas gusto ko pa rin palang makasalamuha ang buhay na mga tao kaysa sa mga kaluluwa. Because you're alive... and you make me want to stay by your side."

BINABASA MO ANG
Vanilla Twilight
ParanormalAko si Adam, at isa akong multo, pero hindi ko maalala kung ano ang unfinished business ko kaya hindi matahimik ang kaluluwa ko. Iyon ang dahilan kung bakit hiningi ko ang tulong ng spirit medium na si Light. Transfer student siya sa school kung saa...