12th Constellation

1.1K 51 2
                                    

NAIINIP na si Twila habang nakaupo sa baitang ng hagdan ng front porch ng dorm na tinutuluyan niya sa kakahintay kay Light.

Plano nilang magpunta sa amusement park ngayong araw. Ito na raw ang bahalang maghanap sa kaluluwa ni Adam na madalas daw mamasyal kung saan-saan. Siya na raw ang magsabi ng surprise nila para mas lalong matuwa ang best friend niya.

Tumingin siya sa wrist watch niya. Alas-diyes na ng umaga gayong alas-nuebe ang usapan nila ni Light. Maaga pa naman, pero ang usapan kasi nila, kakain muna sila ng lunch. Ang totoo niyan, may baon siya para kapag ginutom sa biyahe ang binata, may makakain ito.

Napansin kasi niyang kahit ang takaw-takaw ni Light, parati pa rin itong gutom.

Well, what do you expect? Malakas talagang kumain ang mga lalaki.

"Twila!"

Napatayo si Twila nang marinig ang boses ni Light. Nakita naman agad niya ito na tumatakbo papunta sa kanya.

Ang guwapo-guwapo ni Light sa suot nitong asul na long-sleeved shirt, maong na pants, at itim na sneakers. Tayo-tayo rin ang buhok nito na nagpamukhang cool dito. Habang papalapit ito sa kanya, naaamoy na niya ang pabango nito na secretly ay kinaadikan niya.

Bigla siyang na-conscious. Hindi niya alam kung okay lang ang hitsura niya sa suot niyang white floral dress with pink cardigan. Naka-flat shoes siya kaya siguradong hindi siya aabot man lang sa balikat ni Light dahil sa tangkad nito.

Ewan ba niya sa sarili niya kung bakit naglugay siya ng buhok ngayon (gayong madalas naman ay nakapusod lang siya) at naglagay pa ng lip gloss.

Nakaramdam siya ng kaba. Hindi na naman niya alam kung bakit nararamdaman niya ito.

"Twila!" masayang bati ni Light nang ilang hakbang na lang ang lapit nito sa kanya. Bumagal na rin ang takbo nito.

Tumikhim si Twila para batiin din sana si Light, pero nagulat siya sa sunod nitong ginawa: niyakap siya nito ng mahigpit!

Nanigas siya sa kinatatayuan habang yakap-yakap ni Light na hingal na hingal ng mga sandaling iyon. Tumatama ang mainit nitong hininga sa leeg niya at ramdam din niya ang matitigas nitong braso sa katawan niya.

"I've missed you, Twila," bulong ni Light sa malambing na boses. Kung posible, mas lalo pang humigpit ang yakap nito sa kanya. "I've missed you so much."

Nag-init ang mga pisngi niya sa labis na pagkapahiya dahil sa nararamdaman niya, kaya itinulak niya si Light na halatang nagulat sa ginawa niya."Bakit mo ko biglang niyakap, Light?"

Light's face softend when his smile widened. "Hindi ako si Light, Twila." Tinapik nito ang dibdib nito. "I'm Adam!"

Kulang ang sabihing nagulat si Twila sa sinabi ni Light. Totoo ngang naniniwala na siya sa paranormal dahil sa mga nangyari nitong nakaraan, pero hindi ibig sabihin ay maniniwala na rin siya agad-agad sa lahat ng sasabihin nito. Kumunot ang noo niya."Anong sinasabi mo d'yan, Light?"

Nanatiling nakangiti si Light pero naging seryoso ang mga mata nito. "Hiniram ko ang katawan ni Light para makasama ka ngayong araw, Twi. Pero hindi puwedeng magtagal ang kaluluwa ko sa loob niya kaya may ilang oras lang tayo para magkasama. Ginawa ko 'to kasi gusto kong matupad na ang unfinished business ko. Maniwala ka, Twila. Ako si Adam ngayon."

Pinagkatitigan ni Twila ang "Light" na kaharap niya ngayon. Napansin naman niyang may kakaiba dito. Hindi naman palangiti at lalong hindi masigla magsalita ang Light na nakilala niya.

Pero si Adam, madalas itong nakangiti at parang parating may party na pupuntahan kapag nagsasalita. At habang tumatagal ang pagkakatitig niya kay "Light," nakikita niya ang mukha ni Adam dito.

Vanilla TwilightTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon