PROLOGO

4.4K 138 29
                                    





HUMAHAGIBIS sa kahabaan ng aspaltadong kalsada ang motorsiklo. Minamaneho ng lalaking walang gamit na helmet. Tanging salamin sa mata ang gamit para maprotektahan ang mga mata laban sa mabilis na salubong ng hangin. Ang hangin na may dalang dumi at alikabok mula sa kung saan-saan.

Sa likod ng lalaki, naroon ang isang batang lalaki. Nakayakap sa ama. Sa likod naman ng batang lalaki ay ang magandang babae. Nakaprotekta ang mga bisig sa anak na nasa pagitan nilang mag-asawa. Naka-rayban din ang babae. Tikom ang mga labing pulang-pula. Nililipad ang mahahabang hibla ng buhok. Hinahampas iyon ng mas lumalakas pang hangin.

At ang make-up ng babae sa napakagandang mukha, unti-unting binabasa ng mga mumunting patak ng ulan. Napasinghap ito. Sa mukha ay bahagyang pinahid ng mga daliri ang mga pumatak na butil ng tubig. Napatingin pa ang babae sa bandang kanan. Naroon at makikita sa di-kalayuan ang madilim at malakas na buhos ng ulan. Unti-unting sinasakop ang kapaligiran. Unti-unting lumalapit sa kanilang kinaroroonan.

Damang-dama na iyon sa mas malakas pang salubong sa kanila ng malamig na hangin.

"Babe, huminto muna tayo! Hanap ka ng masisilungan! Maaabutan tayo ng ulan!" Malakas ang boses na utos nito sa asawa.

Pero mas bumilis pa ang takbo ng motorsiklo.

Humigpit tuloy ang kapit nilang mag-ina. Muntikan pa sila mawala sa tamang balanse.

Napikon ang babae. "Babe, ano ba! Dahan-dahan naman! Baka madisgrasya tayo!"

"Malapit na tayo sa simbahan! Hindi sa akin makakaabot ang ulan na iyan! Ako pa!" Kumpiyansang sagot ng lalaki. "Sa ganito mo nga ako hinangaan! Relax lang babe." At gigil na gigil ang pagkapit ng mga palad sa pagpapatakbo ng motorsiklo. Malapad ang ngiti! Umaapaw ang bilib sa sariling kakayahan.

Walang pangingimi sa paglusot at pag-over take sa mababagal na takbo ng kasabayang sasakyan. Walang takot na binabagtas ang kabilang lane kapag malayo pa ang kasalubong na sasakyan.

Pero madalas, mailap ang kaligtasan sa kalsada.

Ilang beses pang nakipagpatintero sa mga kasabayan at kasalubong na sasakyan ang motorsiklo nang mas kabahan ang babae.

"Makinig ka naman sa akin, babe! Maiintindihan naman ng kuya mo kung male-late tayo sa kasal niya! Hinto muna!Diyos ko! Babe!" Pero nanlaki ang mga mata ng babae sa sunod at mabilis na pangyayari. Nanghihilakbot na sumigaw! Yumuko at mahigpit na yumakap sa asawa at anak.

Dahil kasabay ng tuluyang pagdating ng malakas na ulan ang pagsalpok nila sa kasalubong na bus.

Sa bilis at lakas, tumilapon ang tatlong sakay ng motorsiklo. Bumagsak sa kalsadang nababasa na ng malakas na buhos ng ulan. Ang motorsiklo ay tumilapon sa kabilang lane. Ang ulo ng babae ay nabagok sa malakas na pagbagsak sa kalsada. Ang lalaki ay nabali ang leeg dahil sa karumaldumal na pagsalpok nito sa bus. Ang batang lalake ay nakadama ng pinakamatinding sakit. Sinagasa ng sumagitsit na gulong ng bus ang kalahating bahagi ng isang braso nito. Nadurog ang buto! Napisa ang laman! Bumulwak at pumulandit ang dugo.

Dugo na inaagos ng malakas na buhos ng ulan.

Kasunod niyon ay kinubli ng matalas na dagundong ng kulog at kidlat ang mga hinagpis na hindi matatawaran...

Cala Van (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon