😎Kabanata 8: Pinagmulan💪

1K 55 8
                                    





"HAH!" napasinghap si Van nang sa wakas ay lumitaw ang kanyang ulo sa ibabaw ng rumaragasang tubig. Iyon ay upang sumagap sana ng hangin... subalit lalo lang bumibigat ang kanyang dibdib. Para iyong pinipiga, nginangatngat... dinudurog...

Abot-abot ang kanyang kaba... sobrang takot... sobrang galit sa sarili. Kaya't humuhulagpos na rin ang mga luha ng binata habang sa tubig ay magkasabay na kumakampay ang nag-iisang braso at dalawang binti. Tingin dito... tingin doon, sipat dito... sipat doon. Subalit tanging kadiliman ang kanyang nakikita.

"Cala! Cala, nasaan ka!" Garalgal na pagtawag habang nangingiki na rin sa nadaramang lamig.

Cala, Please... nasaan ka na ba? At kumampay pa siya sa rumaragasang tubig. "Cala! Cala!"

At sa paghihirap ng kalooban, paulit-ulit ding sumasaksak sa kanyang isip ang tagpong iyon...

Ang pagkawala ni Cala sa kanyang tabi!



HAWAK ni Van sa kamay si Cala nang halos ay magkasabay silang tumalon pabulusok sa ibaba ng matarik na bangin. Pabagsak sila sa naghihintay na malalim pero rumaragasang tubig.

Subalit hindi nila inaasahang mabibitawan nila ang isa't isa pagkabagsak sa tubig. Kasunod niyon ang tuluyang paglaho ng matitinis na tili ni Cala. Lumubog... at tuluyang naglaho sa kadiliman.

"Hindi! Cala---" subalit lumubog na si Van sa tubig. Ni hindi napaghandaan ang malakas na agos ng tubig.

"Calaaa!" Iyon na ang pinakamatinding takot na naramdaman ni Van... ang pagkawala ni Cala sa kanyang tabi...

At kahit ilang beses na siyang sumisid sa madilim na kailaliman ng tubig... walang Cala siyang natagpuan.

"Hindi---hindi---hindi... mahahanap ko siya!Mahahanap ko si Cala...." Minsan pang muling lumubog si Van sa tubig. Sumisid sa tila walang hanggang kadiliman... sa nakakabinging ugong ng tubig sa ilalim... sa nakakapanginig na lamig... sa nakakapanghinang takot at pag-aalala.




HABANG sa dulo ng rumaragasang malalim na tubig ng sapa... naroon si Cala. Nanghihinang nakadapa sa pampang, hirap na hirap... dumadaing, nilalamig... pahina nang pahina ang tinig...

Doon nagpadala sa agos ng tubig ang nahahapong katawan ni Cala. Maya-maya ay maririing pag-ubo ang kumawala sa kanyang lalamunan. Nasasamid siya ng matinding paghikbi... nabubulunan siya ng matinding emosyon... at ng sobrang pagdurusa sa gabing iyon.

Ah... iyon na ang pinakamatinding bangungot sa kanyang buhay.

Paano siya napunta sa ganitong sitwasyon? Naligaw lang naman ang kanyang paningin sa nahantad na palitan ng droga at salapi ah? Wala naman siyang balak mangialam.

Pero dahil sa kakitiran ng utak ng mga kriminal na iyon, hindi talaga mag-iisip na hayaan siyang mabuhay at manahimik. Dahil may iba pa palang plano ang mga ito sa kanya.

At nadamay si Van... Si Van na hindi niya inakalang dadating para subukan siyang iligtas.

Van... Bigla ay kumagat ang pag-aalala sa puso ni Cala. Napasibi siya at naikuyom ang palad.

Pero hilam man sa luha, umangat pa rin ang mukha ni Cala. Inaninag ang paligid... subalit madilim ang paligid, nakakatakot na kadiliman...

Kaya naman sa isiping nawalay at napalayo siya kay Van, sinikap niyang tatagan ang kalooban. Pilit pinamanhid ang kumikirot na mga sugat. Itinaboy ang takot at panghihina. Lalaban siya! Hindi matatapos ang buhay niya sa ganito lang...

Cala Van (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon