😎Kabanata 9: Pag-amin💪

1K 59 13
                                    









KANYA-KANYANG puwesto ng upo sa likod-bahay ni Mang Hunyo ang mga binatilyong nagkakatuksuhan, nag-aalaskahan at pabirong nagyayabangan.

At mula sa 'di kalayuan... naroon ang baklitang si Caldoy, natitigilang umurong ng hakbang. Pasimpleng nagkubli sa malalagong halamanan ng bakuran ni Mang Hunyo. Kanina ay pinalakas na niya ang kanyang loob pero ngayon, sobra-sobra ang tambol ng kanyang kaba. Para bang hinahalukay ang kanyang tiyan... kaipala'y bahagya na siyang natatakot sa magaganap.

Ah, iyon ang totoo, naduduwag siya, nahihiya... nag-aalangan. Tipong nais na niyang kumaripas ng takbo pauwi sa kanilang bahay at doon ay magtago na lang. Pero naroon sa bahay ang kaniyang tatay at kuya na kung makatulak sa kanya kanina ay para bang itinakwil na siya. Kaya kung babalik siya sa bahay, siguradong mabubugbog siya ng mga 'yon.

Naalala pa niya ang pagtatalo nila kanina...

"Samahan mo kasi ako, Kuya. Baka kasi takutin ako ng mga makakasabay ko..."

"Sapak gusto mo?" Pero pinanlisikan lang siya ng kuya Capoy niya. "Ako nga mag-isang nagpatuli, tapos ikaw kailangan pang samahan? Huwag kang duwag!  Ang kabaklaan mo kasi!"

Napakurap siya at parang gusto niyang mapasibi. "K-Kuya naman eh... P-paano kung mahilo ako? At saka... B-bakit kasi kailangan pang magpatuli? P-pwede namang hindi na---ayy!" Nagitla siya nang may humaklit sa kanyang kaliwang braso.

Iyon ay ang magaspang na palad ng kanilang ama. Bigla siyang napipilan... nasisilong sa awtorisadong presensya nito.

"Huwag mo akong b'wesitin, Caldoy. Sasapakin ko talaga 'yang bibig mo hanggang sa magdugo 'yan! Subukan mo ako!" anang ama ni Cala at buong tapang na inalog ang anak. "Magpapatuli ka para maging barako ka na! Tama na 'yang kabaklaan mo! Hala labas! Sumabay ka na sa mga binatilyo doon sa bahay ni Pareng Hunyo!" At saka nito hiniklas pahila ang k'welyo ni Cala. Napapahikbi na lang itong napasunod ng karakarakang mga hakbang.

At lalo na ngang sumidhi ang kaba ni Caldoy nang makalabas na sila. Eksaktong pagtapak ng talampakan niya sa matigas, mainit at natitigang na lupa ay umalimpuyo na ang kanyang pagtutol.

" 'T-Tay! Tay! Ayoko po! Ayoko po!" Naduduwag na pakiusap niya at mahigpit siyang kumapit sa braso ng ama. Nagsimula siyang magpumiglas... pinapadyak pa niya ang kanyang mga paa sa lupa upang mapigil ang kanyang mga paghakbang. Nakayapak siya at sobrang nakakapaso ang matigas na lupang nabilad sa tirik na tirik na araw.

"Makakatikim ka talaga ng sapak sa akin, kabaklaan mo! Hala lakad! Walang babakla-bakla at duwag sa lahi ko! Kilos!" Hanggang sa napunit na nang tuluyan ang k'welyo ng kupasing damit ni Cala. "Hayan! Nakita mo na? Sinasagad mo talaga ako!" Galit na baling ng ama sa anak. Umigkas ang kamao pasuntok sa mukha ng umiiyak na si Caldoy.

"Agh!" Ilandang sa lupa si Caldoy. Pumutok ang kabilang gilid ng mga labi. Nagdugo iyon at pumatak sa tigang na lupa. Lalong nagdusa ang kalooban ng baklita... nakaramdam ng pagrerebelde sa puso... lihim na nanggigil, lihim na sumigaw ang nadamang galit para sa ama.

Habang sa hamba ng pinto... naroon si Capoy... umiiling na nagmamasid.

"Tumayo ka diyan! Bilis! Tingnan mo't tatadyakan pa kita diyan! Ano!" bulyaw pa ng ama.

Napakislot si Cala. Damang-dama niya sa boses nito ang matinding pagkadisgusto sa kanyang kabaklaan. Nagsimula siyang kumilos. Sinikap niyang tumayo habang nakayuko... ayaw niyang makita ang mukha at mata ng ama na alam niyang napupuno lamang ng pagkadismaya para sa kanya. At wala na siyang magagawa para magmatigas. Pinahid niya ang kanyang luha kasama ang dugong nagmumula sa pumutok na mga labi.

Cala Van (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon