😎Huling Kabanata: Habambuhay💪

1.5K 85 34
                                    



NAGULAT si Cala nang sa pagharap niya mula sa tindahan ay ang bulto ni Van ang bumungad sa kanya. Mabilis siyang hinila upang kumubli sa matatayog at malalagong halamanan, katabi ng tindahan. Sumunod niyang ikinagitla ay ang sabik nitong pagyakap sa kanya.

"Cala!"

"Van..." Kinakabahan at gustong kumawala si Cala. "A-anong ginagawa mo rito? Baka makita ka ni Nanay at Kuya Capoy!"

Matapos ang pagtutol ng kanyang ina at kuya sa magiging relasyon nila ni Van ay tuluyan na ngang humahadlang ang mga ito. Kulang na lang ay bakuran siya at itali sa loob ng pamamahay. Kapag dumadating si Van ay itinataboy ng mga ito. Kung hindi tatapunan ng basura si Van, hahabulin naman ng itak.

At hanggang ngayon ay hindi pa rin niya mapaniwalaang magiging ganoon kasidhi ang pagtutol ng kanyang pamilya sa ideyang magbo-boyfriend siya. Tama na raw iyong bakla siya, huwag na raw niyang dagdagan pa ang kasalanan niya sa pagiging bakla.

Napailing na lang siya at iniiyak ang sama ng loob, gabi-gabi. Totoong magkaiba ang pagtanggap sa hahayaan ka lang. Iyong hahayaan siyang magpakabakla pero hindi-hindi naman matatanggap.

Akala niya, tanggap siya ng pamilya niya... hindi pala.

"Cala..." Si Van sa paos na tinig. "Hindi mo lang alam kung gaano ko hiniling sa Diyos na makita ka ulit, mayakap at mahalikan. At nagpapasalamat akong nangyayari na ito ngayon... Miss na miss na kita, bakla ko." At muling niyakap si Cala.

"Pero, Van..." Kinakabahan man pero gumanti na rin ng yakap si Cala. Aaminin niyang nasasabik din siyang makita ito, mayakap at mahalikan nito. At sa pagkakataong iyon, napupuno ng tuwa ang puso niya. "Van... Baka patibong ito ni Nanay. Baka mapahamak ka sa ginagawa mo ngayon. Inutusan lang ako ni nanay bumili ng langis at itlog, baka nakasunod lang siya sa akin. Narinig ko ang pag-uusap nila ni kuya Capoy, ipapa-baranggay ka raw dahil ginugulo mo kami." Nahahabag na tiningala niya ito. Sinapo niya ng dalawang palad ang mukha nito. At parang pinigi ang puso niya nang mapansing tila pagod ito at wala pang tulog. Pansin din niyang pumapayat ito.

Oh, Van... Naluluhang umiling siya sa nakikitang pagbagsak ng katawan ni Van. At nang pagmasdan niya ang mga mata nito, para siyang nanlamig sa kislap ng kalungkutan doon.

"Cala..." Hinuli ni Van ang isang kamay ni Cala. Mapait ang ngiting hinalikan nito iyon. "Sumama ka sa akin, magpakalayo tayo. Gumawa tayo ng paraisong para sa ating dalawa lang..."

Napamaang na hinila ni Cala ang kamay. "Anong sinasabi mo? Itatakas mo ako mula sa pamilya ko?" Hindi niya mapaniwalang magiging ganoon kadeterminado at kadesperado si Van.

Sunud-sunod ang pag-iling ni Van. Namasa ang mata sa pigil na luha. Lumunok at mahahalata ang paghihirap ng damdamin. "Kung... Kung hindi natin gagawin ang lumayo, paano ako? Paano tayo, Cala?"

"Van..."

"Cala, alam kong mahal mo rin ako!Nararamdaman ko iyon dito sa puso ko!" At may nginig sa boses na itinuro ni Van ang sariling dibdib. "Pero bakit sa kabila niyon, bakit sa pakiramdam ko, ako lang ang lumalaban? B-Bakit parang ayaw mong ipaglaban ang pagmamahal mo sa akin? Bakit parang ako lang ang may gustong maging buo tayong dalawa, Cala?"

"Van..." Umiiling na nag-init ang kanyang mga mata. Ang bawat paghihirap ng damdamin ng binata ay nararamdaman din niya. At totoong natatamaan siya sa tila paghihinanakit nito. Napayuko siya. Hindi niya kayang tagalan ang panlulumo at sakit na nasa mga mata nito.

"Gusto kong malaman, Cala. Kaya mo bang panindigan ang pagmamahal mo sa akin?"

Napatingala si Cala sa mukha ni Van sa tanong na iyon. Nangunot-noo at hindi agad siya makasagot gayong matamang nakatitig sa kanya ang binata at naghihintay ng sagot.

Cala Van (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon