😎Kabanata 1: Tarayan 💪

3.4K 109 15
                                    




TINATAHAK ni Cala ang makitid na kalsada, umiimbay ang matambok na pang-upo habang hakbang-hinto sa paglalakad. Mahaba ang kulot na buhok. Makapal ang mapupulang mga labi. Malalantik ang pilik-mata. Namumuti sa pulbos ang mukha at leeg. Nangingintab sa lotion ang mga braso at binti. Maiksi ang sando na pantaas, at kitang-kita ang pusod nitong may kumikinang na hikaw.

At syempre, hindi magpapahuli sa katarayan ang mahahaba at mabibilog na hita't binti ng baklita. Hantad na hantad iyon sa mga umiismid na paningin sa paligid. Napaka-ikli kasi ng pang-ibabang saplot ni Cala. Isang hapit na hapit na maong short na kupas at mas mahaba pa ang dalawang bulsa. At hindi maiiwasang bumakat ang hinaharap niya.

Pero wala doon ang pansin ni Cala.

Bitbit niya sa kaliwang kamay ang maliit na timba. Sa kanan naman ay hawak ang isang 5 inches na cellphone. Nakataas iyon at nakaharap sa kanya ang maliwanag na screen.

Nagsi-selfie si Cala. Tila ba hindi makapagdesisyon kung aling ngiti ang mas bagay sa kanya sa picture. Pabaling-baling ang mukha. Pabago-bago ang kibot ng mapupulang mga labi. Papungay-pungay ang mga mata.

Ah, matrabaho talaga maghanap ng magandang anggulo. Gusto niya iyong picture na p'wedeng makahakot ng maraming likes at heart reactions kapag in-upload na niya sa facebook bilang bagong profile picture.

Ngumiti pa ulit si Cala sa camera. Mas pinagarbo pa niya ang filter. Gusto niyang matakpan niyon ang totoong hitsura ng kanyang mukha, magaspang at may maliliit na butas sanhi ng nagdaang mga tighiyawat. Pero sa makabagong camera, nagiging makinis at may kutis na takaw tingin.

"Ay! Ano ba 'yan! Panget ng view! Puro tae ng mga aso ang background ko a! Kaloka!" Naiinis na angil niya sa dumi ng paligid. Kundi ba naman mga bastos ang kabarangay niya. Mga walang disiplina sa basura.

Bukod pa, marami rin tambay na hubad-baro sa gilid. Naninigarilyo, humihigop ng taho, nagpipingkian ng mga baso ng kape. Kumakain ng noodles na kinakamay lang dahil nasa lababo pa ang mga maruruming kutsara. Iaasa pa kasi sa mga kasamahan sa bahay ang paghuhugas ng mga plato at kutsarang ginamit sa nakaraang hapunan.

Sa mga sandaling iyon ay papasikat pa lang ang araw sa kanlungan ng mga tambay sa Sitio Dinapaan. Kaya naman nag-iingay na naman ang paligid.

Nakakarinding tilaok ng mga pansabong na manok. Nakakabulahaw na ugik ng mga gutom na baboy. Nakakaurat na mga kahol ng aso.

Ah, sasabog ang ulo ng konserbatibong tao sakaling manirahan sa ganitong klaseng lugar.

May sumisigaw ng taho, tinapa, tuyo, pandesal at kung anu-ano pang raket sa umaga.

"Pandesal! Pandesal na mainit-init!"
Nang mula sa dulong kanto ay sigaw ng isang binatilyo.

Napalingon si Cala na agad ang pagtirik ng mata. Kilala niya ang lalaki. Kilalang-kilala niya!

"Hmp! Narito na naman si putol! Hindi na lang kasi humanap ng ibang ruta para mabenta ang pandesal niya!" Ang biglang himagsik niya sa isip. Palihim na umiirap sa mas papalapit na lalaki. Nakasombrerong puti at may paskil na matamis na ngiti sa mga labing senswal.

Senswal? Napaingos siya sa sarili. At upang disimulahin ang pagpuri sa labi ng lalaki, umirap siya.

Pero, paano ba niya maiiwasang hindi mapansin ang anyo nito? Pantay-pantay at mapuputi ang mga ngipin. Preskong-presko sa suot na puting sando at maong short na hanggang tuhod ang haba. Hapit iyon sa malatrosong mga hita ng binata. At iyon ang gusto niya sa lalaki, malalaking hita.

Ngunit ganoon man ay labis pa rin niya itong kinaiinisan. Paano ba'y napakaaliwalas ng mukha ng binata pagdating sa iba, pero bakit sa kanya, masungit ito? Sayang, gusto pa naman sana niya itong hangaan sa husay nito sa pagbibisekleta kahit putol ang kaliwang braso. Tipong relaks ito kahit kandong nito sa bisekleta ang styrofoam na kinalalagyan ng mga panindang pandesal.

Cala Van (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon