😎Kabanata 4: Pinupukaw💪

1.4K 76 11
                                    



HINDI na napigil ni Cala ang sarili, mabilis siyang huminto sa paglalakad at hinarap si Van na kanina pa sunod nang sunod sa kanya. Naaalibadbaran siya sa pagmumukha ng ungas na ito. Iyon bang kahit madilim sa kalyeng kinaroroonan nila, kitang-kita pa rin ang abot-tainga nitong pagkakangisi. Lumapit siya sa binata at saka ito pinagbabayo sa dibdib. Gigil siya. Sumisingasing ang kanyang kalooban sa nadaramang pagkadismaya at panlulumo.

Oo. Tapos na ang patimpalak! At natalo siya! Ni hindi man lang siya nakapasok kahit pangatlong p'westo. Ligwak ang ngala-ngala niya!

At ngayon, wala siyang pamasahe pauwi. Kaya nga tinatahak niya ang madilim na kalye. Pero talagang iba kung mamiste si Van, dahil hanggang daan ba naman ay sinisira ang kanyang katahimikan.

"Ikaw! Ikaw kasing damuho ka ang may kasalanan kung bakit ako natalo! Malas ka talaga! Malas ka talaga! Kung wala ka doon, sana ako ang nanalo! Tapos ngayon tuwang-tuwa ka pa! Tuwang ka pa ha! Walanghiya ka talaga!" Tungayaw niya sa mas lalong panlulumo.

"Cala..."

At sa kabiglaanan niya'y hinuli ng nag-iisang palad ni Van ang kanyang likod. Kinabig siya at niyakap. Napasubsob siya sa dibdib nito. At sa aminin man ni Cala o hindi, nakadama siya ng kakaibang seguridad sa yakap nito. Eksaktong nadama niya ang matikas nitong katawan habang nasasamyo niya ang lalaking-lalaki nitong sanghaya. Hinagod siya nito sa likod na para bang nais siyang pakalmahin.

"A-Anong ginagawa mo?" Akmang kakalas siya sa yakap nito pero humigpit iyon.

"Sshh..." Pag-alo nito. "Iyakan ka pala e."

Saka lang niya tuluyang isinubsob ang mukha sa dibdib nito. Sumisinghot siya ng kanyang mga luha habang patuloy niyang nadarama ang pagkatalo. Ah, noon pa mang bata pa siya, kapag natatalo siya sa kahit na anong laro, umiiyak siya. Hindi niya alam pero ganoon siya kahina sa isiping natalo siya.

"Sshh... Uy!" Tinapik-tapik siya nito sa balikat. " 'Wag ka na umiyak. Hindi pa naman katapusan ng mundo. Saka 'wag mong isiping hindi ka magaling kapag natatalo ka, dahil para sa akin, ikaw ang pinakamahusay sa lahat ng sumali. Kaya hayaan mo na sila, ha."

"E bakit mo ako pinagtatawanan kanina?" Parang bata na hinanakit niya. Napasibi siya. "Tuwang-tuwa ka pa ngang natalo ako."

"Tss!" Humugot ito ng hininga. "Nakangisi lang ako sa 'yo kasi naaaliw ako sa mga himutok mo. At isa pa, sinusundan talaga kita para siguraduhing may kasama ka at ligtas ka."

Natigilan siya. Sa sinabi nito ay naunang bumulong ang puso niya na maniwala kay Van. Pero ayaw niyang umasa. Napakaimposibleng maglalaan ito ng malasakit sa kanya gayong kung laitin siya nito simula't sapol ay sobra-sobra.

"Kaya tahan na ha," patuloy ni Van. "Marami pa namang pagkakataon para manalo." May pagsuyo na nitong simpatya.

Kaya naman hindi maiwasan ni Cala ang tila parang bulang napalis na panlulumo at pagkadismayang nararamdaman niya. Aaminin niyang unti-unting lumuwag ang kanyang paghinga. Unti-unting naging payapa. Nakadama siya ng ginhawa.

Tipong ayaw na niyang kumalas pa sa pagkakasandig ng ulo sa malapad na dibdib ng binata. Iyon bang pakiramdam na nais niyang masanay sa yakap nito kasama ang mapayapang pakiramdam habambuhay. Iyon bang kahit hindi niya alam kung bakit ganito ang ginagawi ni Van sa kanya ngayon, ayaw naman niyang sirain ang kapangapangarap na sandaling iyon.

At hindi pa nga siya bumitaw sa pagkakasandig dito. Sasamantalahin na niya muna ang pag-umit ang kakarampot na sandali.

"Kasi kung tutuusin, malaking tulong na sana sa pamilya ko ang mapapanalunan ko. Makakapagbayad na sana kami sa bill ng tubig at kuryente. Kaso minalas talaga eh," lahad nang sa wakas ay nahihiya at napapabuntong hiningang kumalas na siya sa dibdib ni Van.

Gusto man niyang manatili pa roon, pero hindi naman talaga maaari.

Nakita niyang ngumiti si Van at saka walang pangingiming inakbay sa kanya ang kaliwang braso nito. At gaya ng dati, kumislot ang kanyang puso. May nagliparan na naman sa kanyang tiyan.

Ipinilig niya ang ulo.

"Sus, wag mong isiping minalas ka. 'To naman, napaka-negative o. Sadyang hindi ikaw ang nakatakdang manalo. Malay mo naman na baka mas malaki pala ang pangangailangan ng nanalo, kaya siya ang pinalad, 'di ba?" Pagpapalubag-loob pa rin ng binata.

"Sabagay." Kibit-balikat niyang sangayon at hindi niya ipahahalatang namamangha siya sa ginagawi nito at sa magaganda nitong sinasabi. Pinawalan niya ang malalim na hugot ng hininga. "Siguro hahanap na lang ulit ako ng ibang raket para makahabol kami ng pambayad sa due date ng mga bayarin namin. Haay! Buhay ng pobre!"

At habang nakaakbay si Van sa kanya, nagsimula silang maglakad at tahakin ang madilim na kalsada. Nagsisimula na ring lumamig ang kapaligiran dala marahil ng mahamog na gabi.

"Iyan!" Tuwang bulalas ni Van. "Ganyan nga, laban lang. Wala naman kasing magagawa ang mga himutok natin sa ating pagkatalo. Mas mainam na 'yung humanap tayo ng mas kapakipakinabang na gawain kaysa magmukmok. Kung gusto mo, tulungan pa kitang maghanap ng trabaho. Gusto mo ba?" Pag-anyaya ni Van. Pero halos mapatunganga si Cala sa nakangiting mukha ng binata.

Talagang napapantastikuhan siya sa ginagawi ngayon ni Van.

Ang lalaking ito, bakit ba gumag'wapo siyang lalo sa paningin ko ngayon? Sana kung ano ang nakain niya kanina para biglang bumait sa akin ay makain niya araw-araw.

"Wuy, ano payag ka?"

"Ah---ha?" Maang siyang kumurap. Lihim na kinastigo ang sarili. Hinamig ang lumulutang na isip. "Huwag na, baka makaabala ako---"

"Hindi." Mabilis na sagot ni Van. "Hindi ka makakaabala sa akin... kailanman. " Anito na may pabulong pa sa dulo.

"Sige... ikaw ang bahala."

"Sabi mo 'yan ha."








AT BILANG patotoo ni Van sa offer nito kay Cala na sasamahan ang huli sa paghahanap ng trabaho; ang binata pa mismo ang naging maagap sa usapan.

Pasado ika-siyam ng umaga, sakay na ito ng humintong tricycle sa tapat ng bakuran nila Cala. Sinambit ang "tao po" ng ilang ulit bago lumabas ang pupungas-pungas na bakla.

Si Cala na nagulantang sa nabungarang bisita. Halatang kababangon pa lamang mula sa mahimbing na pagtulog. Mukhang puyat ang bakla sa nagdaang gabi. Halata sa mukha na kulang ito sa tulog. Umawang lang bibig nito sa pagkakatitig sa bisita. Bagay na nakakaaliw sa paningin ni Van.

Napangiti ang binata sa nakikitang sabog na buhok ni Cala. Tuyong laway sa gilid ng mga labi. Mga mutang tumigas sa gilid ng mga mata. At ang kasuotan nitong pinangtulog; manipis na short at sandong pink na hindi lumampas sa pusod ang haba.

Parang nais tuloy humagalpak ng tawa si Van sa pagkaaliw.

"V-Van? A-anong..."

"Good morning," masiglang bati ng kaykisig na binata. "Nakalimutan mo na ba 'yung sabi ko sayo kagabi? Look, mukhang napaaga pa yata ang dating ko." Malapad ang ngiti ni Van sa preskong mga labi. Maporma sa araw na iyon. Mabango. Bagong paligo. Iyon bang nanunuot sa ilong ng nakatungangang si Cala ang mapang-akit na pabango ng kaharap.

"Ah, iyon ba---teka sandali lang ha..." at nagagahol na napakamot sa noo si Cala. Nawindang sa kaalamang seryoso pala si Van sa pahayag nito kagabi na sasamahan siya nito sa paghahanap ng trabaho. Nagising sana siya nang maaga. Jusmiyo. "Uhm... Van ano kasi eh... dito ka muna sa labas ha. May mga nakalatag pa kasing banig sa sala namin. Alam mo na, nakakahiya. Teka diyan ka muna ha... magliligpit lang ako sa loob." Natatarantang tumalikod si Cala. Pagkuwan ay napalis ang tabinging pagkakangiti kanina sa binata. Pinakawalan ang tila nahintong paghinga.

Ah, bakit ganito ang hatid na epekto sa kanya ng presensya ni Van? Bakit hindi niya makitang putol ang kaliwa nitong braso---na dati noong una ay nagpapa-turn off sa kanya? Bakit may kung anong pinupukaw ito sa kanyang kalooban?

At higit sa lahat, bakit bumabait na si Van sa kanya? Nalilito siya.

Cala Van (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon